kabanata 24

13 1 0
                                    

"Sa wakas ay nasa kulungan na si Miss Kathy King, subalit hindi pa rin talaga ako makapaniwala sa nangyari," wika ni Mr. Johnson habang kumakain sila ng hapunan kinagabihan.

"Talagang ganoon ang tao Tito. May mga bagay na hindi mo inaasahang posible nilang gawin ng dahil lamang sa salapi," tugon ni Lester.

"Tama ka nga iho, pinagkakatiwalaan ko siya kaya mahirap tanggapin para sa akin ang nangyari."

"Kanina sa opisina ay dumating ang asawa ni Miss Kathy. Nais niya akong kasuhan ng maling akusasyon sa kanyang asawa," napapailing na tugon ni Lester.

"Marahil ay walang kaalam-alam ang asawa niya ukol sa mga bagay na pinagagawa ni Mr. Han sa kanyang asawa. Nakakaawa tuloy ang mga nadadamay. Tsk. Tsk." Iiling-iling na wika ng tiyuhin.

Totoo nga naman. Ayaw man nilang malagay sa problema ang pamilya ng mga King subalit sila na rin ang naglagay ng kanilang pangalan sa alanganin.

"Sana makakuha na tayo ng ebidensiya kay Mr. Han upang wala ng madamay na iba."

Binitawan ng tiyuhin ang mga kubyertos at mataman siyang tinitigan, seryoso ang tinig nito ng magwika, "May naiisip ka na bang plano upang magamit ang peke mong girlfriend? Bakasakaling may malaman tayo o makuhang ebidensiya."

Sumubo si Lester ng pagkain bago sumagot pagkalunok, "Inaya ko siyang ipakilala ako sa kanyang magulang. Baka makakuha ako ng impormasyon sa kanyang ina."

"Pero hindi ba't walang kaalaman ang asawa niya tungkol sa pagiging bastarda ni Aubrey? Sa palagay mo ba ay basta na lamang siya magsasalita saiyo?"

"Anong silbi ng ating salapi Tito?" nakangiti niyang tugon. Madali lang naman bumili ng impormasyon sa panahon ngayon. Iyon ang naiisip niya.

"Sige, kung anuman ang plano mo, nakahanda akong tulungan ka. Pero dapat kang mag-ingat. Paano kung bigla ka nilang tambangan habang naroroon ka sa kanila? Dapat na kasama mo si Zeke."

Nilingon niya ang tahimik na katabing kumakain. Kanina niya pa napapansin ang kaselensiyuhan ng nobyo. 'Ano na naman kaya ang problema niya?' Sa totoo lamang ay malakas ang loob niyang sumama kay Aubrey sapagkat inaasahan niyang hindi siya pababayaan ng lalake. Kaya naman nagulat siya sa malayong tugon nito.

"Magpapaalam sana ako ng tatlong araw Tito. Mayroong importanteng trabaho sa opisina na tanging ako lamang ang makapag-aayos."

Nagulat siya maging ang tiyuhin. Bumaling siya sa kasintahan at nagtanong, "Bakit ang tagal naman nun? Kailangan ba talagang ikaw?" Nang-aarok ang kanyang titig kay Zeke. Hindi kasi siya naniniwala.

"Oo nga naman, Zeke. Marami naman kayong tauhan doon, bakit kailangang ikaw? Isa pa, sino ngayon ang magbabantay kay Lester kapag umalis ka? Hindi biro ang tatlong araw ng iyong pagkawala, baka sumalisi ang mga kaaway. Tandaan mong hindi pa nahuhuli ang pinakapuno," pangungumbinsi ni Mr. Johnson.

"Magpapadala po ako ng magbabantay kay Lester habang wala ako. Importante po talaga ang aking gagawin, pasensiya na Tito."

Nawalan ng gana si Lester sa narinig at halos hindi niya na malasahan ang kinakain. Samu'tsaring isipin ang dumaloy sa kanyang isipan.

'May kasalanan ba ako? Pinipilit ko namang itaboy sa aking isipan ang imahe ng lalaking iyon sa aking panaginip. Isa pa, hindi rin naman siya totoo upang magalit si Zeke ng husto. Bakit ba ganyan siya.'

Walang salitang tumayo siya at nagpaalam, "Tapos na akong kumain, maiwan ko na kayo."

"Subalit Lester, wala pa sa kalahati ang iyong pagkain. Hindi ba't paborito mo ang sinampalukang baboy?" takang tanong ng tiyuhin.

Ang Pag-ibig Ni Lester (R18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon