Pinaghusayang mabuti ni Allen ang pagbubungkal upang makasiguro. Subalit kalaunan ay mas dumarami pa ang gintong kanyang mga nahuhukay. Tila mga piraso ito ng maliliit na bato, kumikinang sa tanglaw ng ilawang de gas na nasa mga gilid ng yungib.
Nanginginig ang mga kamay na dahan-dahan niyang dinampot ang mga piraso ng ginto upang mapatunayang hindi siya binibiro ng kanyang paningin.
"Ginto nga!!" Sa wakas ay naniwala siya.
Lumingon siya sa mga kasamahan at tuwang-tuwang sumigaw, "Ginto! Mga kasama, nakatagpo ako sa wakas ng ginto!!"
Nabiglang nagsipaglingunan kay Allen ang mga kasamahan at ilang saglit na nagkatinginan. Subalit hindi inaasahan ni Allen ang sumunod na mga eksena nang bigla na lamang magsipagsuguran sa kanya ang mga kasamahan at halos tumilapon siya sa tabi matapos siyang malakas na hawiin ng mga may kalakihang mga kalalakihan.
Nanlalaki ang mga matang sumigaw ang isa sa mga lalaki, "Ginto! Ginto nga! Kayraming ginto!"
"Asan?! gusto ko ring makita!"
"Tabi! Tumabi kayong lahat at bungkalin pa natin ang lupa. Maaaring mayroon pang mga kasama ang mga gintong ito!"
"Tama! Tama!"
Dahil sa narinig ay mabilis na nagsipagsunuran ang iba pang kalalakihan at gamit ang mga asarol at pala na binungkal nila ang lupa na dapat ay kinapupwestuhan ni Allen kanina lamang. Wala siyang nagawa kundi ang magbungkal na lamang sa kabilang panig may kalayuan sa dating puwesto at hinayaan ang mga sugapang kasamahan.
Tila sinusuwerteng muling nakahukay si Allen ng mga ginto matapos ang ilang saglit pa lamang na pagbubungkal. Sa pagkakataong iyon ay tahimik na lamang niyang dinampot ang mga piraso ng ginto habang abala ang halos lahat na pumaligid at nagbungkal sa dati niyang puwesto. Naisip niyang maaaring nakatagpo na rin marahil ang iba.
Subalit nagkamali yata siya ng hinuha.
"Bakit wala na?! Bakit wala na tayong mahukay na ginto?!"
Dahil sa narinig ay nanigas si Allen at napalunok. Kung wala na nga silang mahukay samantalang napakarami pa ng kanyang nakuha...
Mabilis na isinilid sa bulsa ni Allen ang mga piraso ng ginto bago pa man siya mapansin ng mga kasamahan. Dahil sa hirap na nadama niya sa lugar na iyon, nais na niyang makalaya. Syempre hindi niya nalilimutan ang mga kasamahan kaya nagpatuloy siya sa pagbubungkal habang mayroon siyang nakukuhang ginto at habang wala pang nakakapansin sa kanya. Mabilis ang ginawa niyang pagbubungkal.
Nang halos wala na siyang matagpuan ay mayroon na siyang naisilid na halos magpahubo na sa kanyang suot na pantalon dahil sa bigat. Sa tantiya niya'y mahigit isang kilo iyon. Dahil doon ay nilingon niya ang mga kasamahan. Nang mapatingin si Henry ay sinenyasan niya itong lumapit. Naunawaan naman iyon ni Henry kaya naman nagmadali siyang naglakad palapit kay Allen. Nang makalapit ay mabilis na ipinakita ni Allen ang ilang pirasong ginto na nasa kanyang mga palad.
Nanlalaki ang mga matang napabulalas si Henry. "Napakagaganda!"
Mabilis na tinakpan ni Allen ang bibig ni Henry at sinenyasang huwag mag-ingay. Ayaw niyang muli siyang sugurin ng mga kasamang trabahador.
"Huwag kang maingay at magpanggap kang walang alam! Senyasan mo sina Gerold at Larry na lumapit. Kailangan nating makaalis sa lugar na ito sa lalong madaling panahon." Ginawa naman ni Henry ang inutos niya kaya naman nagmadaling lumapit ang dalawa.
Sinong mag-aakalang isang pagkakamali ang pasyang iyon?
"Tila marami kang naitago sa bulsa kaibigang Allen?" Mapang-akusang mga titig ang ipinukol kaagad kay Allen ni Larry nang makalapit.
"Mga nakuha ko ito kanina kaya nga tinawag ko kayo upang mapaghati-hatian natin ang mga ginto. Hindi nila ito dapat na mapansin at lalong hindi nila dapat makita upang mapasaatin ang mga ito at makaalis na tayo sa lalong madaling panahon. Kailangan nating makaalis..."
Bigla na lamang hinaklit ni Larry ang kasuotan ni Allen kaya naman hindi niya na nagawang tapusin pa ang sinasabi.
"Huwag kang magpatawa Allen! Alam kong nais mo lamang kaming gulangan!" galit na sigaw ni Larry.
Nagsalubong ang mga kilay ni Allen. Siya na nga itong nagmamagandangloob siya pang naging masama.
"Hindi naman siguro ako tanga upang tawagin kayo kung sosolohin ko ang mga ginto o lalamangan kayo," naiinis na rin niyang tugon.
"Alam kong ipokrito ka!" sigaw ni Larry at muling hinaklit ang suot niyang pantalon subalit umiwas si Allen palayo. Sa pagkakataon iyon ay napunit na ang lumang materyal at natapon ang mga ginto dahil sa lakas nang pagkakahila.
Galit na sinapak ni Henry si Larry at binulyawan. "Napakagahaman mong hayup ka! Kung alam kong ganito ang iyong gagawin ay hindi ka na sana namin isinama dito!"
Bigla na lamang gumanti ng sapak si Larry kay Henry subalit hindi isa kundi dalawang magkasunod na sapak ang pinakawalan nito sa huli at isang suntok. Matapos ay sinuntok ni Larry si Allen na tila baliw na hayup na may namumulang mga mata. Bigla na lamang naging halimaw sa paningin ni Allen ang inaakalang kaibigan.
Ang natutulalang si Gerold ay hindi malaman ang gagawin. Aminin man niya sa hindi ay nais niya ring mapasakanya ang mga ginto upang makamtan niya rin sa wakas ang maayos na buhay. Sa katuliruan ng isipan ay sinuntok niya si Allen.
"Kaibigang Gerold!" hindi makapaniwalang bulalas ni Allen. Hindi niya malubos maisip na magagawa rin iyon sa kanya ni Gerold.
"Pasensiya ka na kaibigan. Nais ko ring makakuha ng ginto," hindi makatinging tugon ni Gerold matapos ay nakipag-agawan ito kay Larry.
Dahil sa pagpambuno ng dalawa ay nabitawan nila ang mga ginto at nagkalat. Mabilis itong pinulot ni Allen at Henry subalit sa pagkakataong iyon ay napansin na sila ng ibang trabahador. Nang mapansin ang nagkikislapang ginto sa lupa ay nakuha nito ang kanilang atensiyon kaya naman nagmamadaling lumapit sa kanila at nakipag-agawan ang mga kapwa trabahador. Nang makita ang hawak niyang mga ginto ay hinaklit siya ng mga kalalakihan at sinalo niya ang maraming sipa at suntok.
Ang mga gamahang tauhan ay nalunod sa kasabikan at kasakimang magkaroon ng maayos na buhay sa hinaharap. Wala ring nagawa ang mga bantay sa biglaang pagwawala ng mga tauhan na tila ba mga hayup sila.
Tumalsik si Allen sa isang sulok matapos makatamo ng malakas na tadyak mula sa kung sinong kasamahan. Halos hindi niya na maidilat ang mga mata subalit malinaw niya pa ring nasilayan ang mga hayuk na tauhan na nagmistulang mga baliw sa pag-aagawan ng ginto.
Magkahalong panlulumo at pagkasindak ang nadama ni Allen nang tumagas ang dugo sa labanan ng mga tauhan.
Ah! Nang dahil sa ginto ay nagkasala sila!
Sa nahihirapang sitwasyon, pinilit ni Allen gumapang papalayo hanggang sa may nakita siyang nakausling bato at doon siya nagtago. Nakaalerto pa rin ang kanyang kamalayan at pinilit labanan ang tindi ng sakit ng katawan.
Sa hindi malamang kadahilanan, bigla na lamang may malabong pigura ang tumambad sa kanyang paningin. Nakatayo ito hindi kalayuan sa pinaglalabanan ng mga kasamahang trabahador. Ang malabong pigura ay unti-unting nagkaroon ng katauhan at naging malinaw kay Allen ang kanyang nakikita.
Nakasuot ng mahabang puting kasuotan, mahaba ang abuhing buhok at nagkikislapan ang palamuti sa buhok at nanlilisik ang mapupulang matang nakatitig sa mga kalalakihan.
Isa itong batang lalakeng may malakas na awrang lumalabas sa katawan. Kumabog ng malakas ang dibdib ni Allen nang biglang lumingon sa kanya ang bata at tumitig na puno ng pagkasuklam at awa!
Nangilabot si Allen at halos panawan ng ulirat sa takot nang may lumabas na bolang apoy sa magkabilaang kamay ng batang lalake!
BINABASA MO ANG
Ang Pag-ibig Ni Lester (R18)
Fantasia"Mangako ka sa akin Lester, anuman ang mangyari ay mag-iingat ka! Babalik ako, babalikan kita Lester! Tandaan mo, akin ka. Akin ka! Pinakaiibig kita" Si Lester at Ezekiel ay nag-iibigan simula pa noon. Subalit si Ezekiel ay prinsipe ng mga engkanto...