Kabanata 14

34 4 1
                                    

May dumating na media upang mag-usisa sa nangyaring aksidente kasunod ang ilang mediko upang mabigyang lunas ang biktima. Payapang sumunod lamang si Zeke ng dalhin sa pinakamalapit na hospital. Nanatili naman siya sa tabi ng binata at alam niyang sa mga oras na iyon ay hindi na naman siya nakikita ng iba.

Nakita rin niya ang iba pang usyuserong kinukuhanan ng mga larawan sa iba't-ibang anggulo ang sasakyan. Naniniwala siyang mabilis makakarating sa kaalaman ni Aubrey ang aksidenteng iyon.

Matagal na nakayakap lamang si Lester kay Zeke sa loob ng ambulansiya. Normal na ang takbo ng paligid subalit hindi si Lester. Abnormal pa rin ang tibok ng puso niya at pakiramdam.

“Ano ng gagawin natin Zeke?” pabulong na tanong ni Lester makaraang mahimasmasan sa nangyari.

“Shhh...”

Tumahimik siya matapos pahintuin ng binata sa kanyang pagsasalita.

Hindi nagtagal ay dumating sila sa hospital at nilinis ang sugat sa ulo ni Zeke. Sinuri din ang buo niyang katawan upang alamin pa ang ibang pinsala. Subalit ang nasa record ng binata ay Lester Wang.

Nakahiga si Zeke sa stretcher sa emergency room habang sinusuri ng Doctor ang buong katawan. Habang siya'y nakatayo lamang sa katabi ng binata. Hindi niya inaalis ang titig sa nakahigang pasyente.

Matapos linisin ang sugat ay dinala si Zeke sa x-ray room upang isailalim sa skull x-ray upang alamin ang pinsala sa ulo niya. Tahimik lamang na naglakad si Lester sa tabi ng umaandar na stretcher habang nakahawak sa kamay ni Zeke.

Biglang kinilabutan si Lester. Pakiwari niya'y isa na lamang siyang kaluluwa at nahiwalay siya sa kanyang katawan dahil ang kanyang sarili ang nakikita niyang nakahiga at sinusuri.

Mahigpit niyang hinawakan ang palad ni Zeke. Nanlalamig siya sa nakikita.

Samu't-sari ang dumaloy na alalahanin sa kanyang isipan.

Paano kung namatay nga siya?

Paano na ang kanyang ina?

Paano na ang mga pangarap niya?

At paano na ang kanyang...

Napalunok si Lester. Nanuyo ang kanyang lalamunan. May mga sari-saring dumaloy na alaala sa kanyang imahinasyon. Malabo iyon at maingay. May humahalakhak, umiiyak, at sumisigaw sa kanyang pangalan. Hindi niya maunawaan ang nakikita. Malabo ang mga mukha at pangyayari.

Sinapo niya ang ulo. Parang mabibiyak iyon sa tindi ng sakit.

“Lester! Are you ok?!”

Narinig niya ang tinig ni Zeke sa kanyang tainga. Bumaling siya sa lalaking nakahiga pa rin sa stretcher, nakatitig ang lalake ng matiim sa kanya at puno ng pag-aalala. Walang lakas na tumango lamang siya upang ipaalam na maayos ang kanyang pakiramdam.

Matapos masigurong walang malubhang peligro kay Zeke, sumuray siyang naglakad patungo sa pinakamalapit na upuang naroroon sa x-ray room. Mahapdi pa rin ang kanyang ulo. Pumikit siya at sumandal sa upuan.

Ilang minutong nasa ganoong posisyon lamang si Lester. Tumayo siyang muli ng ibalik si Zeke sa emergency room.

Hindi nagtagal ay dumating ang kanyang tiyuhin.

“Lester! Anong nangyari? Paano ka naaksidente?!” aligaga ang matanda sa kanyang pagtanong. Halata ang pag-aalala sa tinig ng tiyuhin.

Lumapit si Lester sa kinahihigaan ni Zeke. Hinawakan niya ng mahigpit ang palad ng binata.

“Tito, I'm fine now, don't worry.”

Bumalik ang doctor, marahil ay upang ipaliwanag ang resulta ng ginawang pagsusuri kanina. Subalit kataka-taka ang pagkamangha sa mukha ng doktor habang nakatingin kay Zeke na mukhang si Lester.

Ang Pag-ibig Ni Lester (R18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon