Sa ibabaw ng mesang nasa tabi ay mayroong nakapatong na maraming pulang rosas na nasa isang kumpol. Ang halimuyak niyon ay pumupuno sa kabuuan ng silid at nagpakalma sa tuliro niyang damdamin.
Sa mapanuring mata ng ibang tao ay kakatwa ang bagay na iyon sapagkat mahigpit ang pagkakasara sa silid niyang iyon subalit sa katulad ni Allen na sanay na sa mga kakatwang bagay sa kanyang paligid ay normal lamang iyon.
Tila may sariling isip na naglakad ang kanyang mga paa at tinahak ang patungong mesa upang mas mapagmasdan niyang malapitan ang napakagagandang bulaklak.
Nang pulutin ni Allen ang kumpol ng rosas ay tumambad sa kanyang mga mata ang maliit na piraso ng papel na napapatungan noon.
Ganito ang nakasulat.
"Mahal kong Allen, huwag mo sanang sukuan ang buhay. Malaki ang pagkakamaling nagawa ko. Patawad. Subalit gagawin ko ang lahat upang maituwid ang mga kamalian."
Walang pangalan kong saan iyon nagmula.
Subalit bakit?
Bakit hinahanap niya ang pangalang Zeke sa signatura ng sulat na iyon?
Kalungkutan.
Kinain si Allen ng matinding kalungkutan.
"Zeke, kung sana'y naririto ka lamang upang makinig sa aking mga hinaing at agam-agam," malungkot na bulong niya.
Makalipas ang mahabang saglit ay nagpasya na siyang mahiga subalit kumuha muna siya ng isang pirasong bulaklak at sinamyo niya iyon upang makatulog.
Dahil sa pagod at matinding kalungkutan ay kaagad siyang nakatulog paglapat pa lamang ng kanyang katawan sa higaan.
"Lester! Lester, baby. Kailan ka magigising? Parang awa mo na, bumalik ka na sa akin," isang mahinang tinig ng malungkot na lalake ang kanyang naririnig.
Sino si Lester?
Mga mumunting halik sa pisngi at labi ang kanyang sumunod na naramdaman.
Subalit...
Bakit hindi siya makagalaw? Bakit hindi niya magawang tumugon sa nakakadarang na halik na iyon?
Nanlalabo ang kanyang ala-ala.
"Lester. Hindi mo ba ako naaalala? Ako si Zeke. Parang awa mo na bumalik ka na sa akin!"
Yumugyog ang kanyang mga balikat dahil sa mahinang pag-uga ng kung sinuman sa kanyang katawan.
"Lester, ginawa ko na ang lahat ng kaya kong gawin subalit bakit hindi ka pa rin gumigising? Huhu! Mahal ko, balikan mo naman na ako."
Zeke.
Ang pangalan niya ay Zeke!
"Huwag kang mag-alala. Maghihintay ako kahit libong taon, bumalik ka lamang sa akin."
Humikbi ang lalakeng may malamyos na tinig. Ang boses nito ay puno ng pag-ibig.
Tok. Tok. Tok.
"Kaibigang Allen! Hindi ka pa ba nagigising?"
Sino iyon?
Mabagal na bumukas ang pintuan, sa paglangitngit nito'y unti-unting hinila si Allen sa kasalukuyan.
"Kaibigan! Gising na. Marami tayong dapat ayusin sa ating kainan."
Kainan?
Nang maalala ang nagdaang sunog ay nabiglang gumising si Allen. Nanlalambot ang kanyang tuhod at nanunuyo ang kanyang lalamunan.
"Tubig."
Isang salita lamang ang nagawa niyang sambitin. Namamalat ang kanyang tinig. Pakiwari niya'y naglakbay siya ng napakalayo at pagod na pagod siya.
![](https://img.wattpad.com/cover/276512666-288-k129711.jpg)
BINABASA MO ANG
Ang Pag-ibig Ni Lester (R18)
Fantasía"Mangako ka sa akin Lester, anuman ang mangyari ay mag-iingat ka! Babalik ako, babalikan kita Lester! Tandaan mo, akin ka. Akin ka! Pinakaiibig kita" Si Lester at Ezekiel ay nag-iibigan simula pa noon. Subalit si Ezekiel ay prinsipe ng mga engkanto...