"Nasaan ka Zeke? Nasaan ka Ezekiel?"
'Zeke?'
'Ezekiel?'
'Dalawang pagkatao na may iisang mukha...'
'Bakit nga ba hindi ko naisip ang posibilidad?'
Samu't-saring kaganapan, Samu't-saring ala-ala. Mga naburang pangyayari, pilit umuukilkil sa nanghahapding ulo ni Lester. Tila mabibiyak ang kanyang bungo at luluwa ang kanyang utak. Napakahapdi! Nais niyang malimutan ang kirot!
"Ahh!"
Humihiyaw ang kanyang isipan subalit walang tinig na lumalabas sa kanyang lalamunan. Nais niyang mawalan muli ng ulirat kung sa paggising ay parehong hapdi ang kanyang mararamdaman. Mamarapatin niya pa ang tuluyan na lamang lumisan.
Subalit...
'Naaalala ko ang aking paglisan sa aming lalawigan. Nangako pala akong siya'y aking babalikan.'
Bago pa man dumako sa kung saan ang mga ala-ala ni Lester ay nakaramdam siya ng kirot sa kanyang mga bisig at unti-unting nanlabo ang kanyang mga ala-ala, namanhid ang kanyang pandama kasabay ng paglalaho ng samu't-saring mga tinig sa kanyang kapaligiran ay nilamon siyang muli ng walang hanggang karimlan.
"Ahh! Mas nanaisin ko na lamang ang ganitong kapayapaan."
Kung gaano katagal nang siya ay nahimbing ay wala siyang kaalaman.
Nagising siya sa isang maliit na papag sa loob ng isang maliit na tahanan. Nakasuot siya ng puting kamesitang may punit sa ibaba at pantalong kupasin. Mayroong manipis na tsinelas sa paanan ng papag na kanyang isinuot matapos bumangon sa papag. Napakabango nang niluluto ng kanyang ina! Tiyak na iyon ay ang kanyang paboritong lugaw na may manok at tanglad.
"Oh, anak! Gising ka na pala. Halika dito at ipinagluto kita ng paborito mong pagkain," tawag ng inang nasa mahigit tatlumpong-taong gulang. Bakas man ang kahirapan sa mukha nito'y naroroon pa rin at hindi maikukubli ang angking kagandahan mula sa nakalipas niyang kapanahunan.
"Aha! Tama po ba ang hula kong lugaw na may tanglad ang iyong niluto ina?" masiglang tanong niya.
Tumawa ang butihing Ginang at tumango, ipinaghila ng upuan ang anak matapos ay ginulo ang kanyang buhok bago ito sumagot, "Tama ka anak. Espesyal ang araw na ito, nalilimutan mo ba?
"Syempre hindi po ina! Unang araw ng eskwela ko ngayon sa mataas na paaralan at talagang sabik na sabik na akong pumasok. Matagal ko nang pinangarap ang makatuntong man lamang sa paaralang iyon subalit ang makapag-aral doon ay higit pa sa pinapangarap ko! Haha."
"Oo anak kaya kumain ka na't magpalakas. Huwag kang magpapaapi sa mga tao roon subalit huwag ka ring makikipag-away, matuto kang sumagot sa tamang paraan lamang. Kung ikaw ang nagkamali, matuto kang magpaliwanag at magpakumbaba."
"Ano ka ba naman ina? Alam ko po ang mga bagay na iyan kaya't huwag niyo akong alalahanin. Ang mabuti pa ay samahan niyo akong mag-agahan."
Nakangiting ginulo ng ina ang buhok niya at nagtungo ito sa tabi ng lumang kabinet at kumuha ng damit. Nagpatuloy naman siya sa pagkain.
Makalipas ang trenta minutos ay nakagayak na siya upang pumasok sa eskwela. Masiglang-masigla ang kanyang pakiramdam kaya naman pakanta-kanta pa siya.
Hindi naglaon ay magkasamang nagtungo sila ng ina papuntang eskwelahan habang may dalang bilaong puno ng gulay ang ina at nakapatong iyon sa ulo. Dala niya naman ang basket na puno rin ng gulay. Doon kasi sa malapit sa eskwelahan magpupwesto ang ina para itinda ang mga gulay.
Nang pumasok siya sa paaralan ay pinagtitinginan siya ng ilang mag-aaral sapagkat nakikilala siyang anak ng tagatinda ng gulay sa may labasan. May mga tinging mapangutya, may nagtataka marahil ay kung bakit naroroon ang katulad niyang isang dukha lamang sa paaralang para sa kanila ay sa may mga kaya lamang. Ang hindi nila alam ay isa siyang skolar.
BINABASA MO ANG
Ang Pag-ibig Ni Lester (R18)
Fantasy"Mangako ka sa akin Lester, anuman ang mangyari ay mag-iingat ka! Babalik ako, babalikan kita Lester! Tandaan mo, akin ka. Akin ka! Pinakaiibig kita" Si Lester at Ezekiel ay nag-iibigan simula pa noon. Subalit si Ezekiel ay prinsipe ng mga engkanto...