Ang Journal ni Allen Chen
Ang pangalan ko ay Chen Allen at ulila na akong lubos. Isa akong Tsino at tagapaglakbay. Maraming lugar ang aking narating at maraming tao ang aking nakilala. Paiba-iba rin ang gamit kong pangalan sa tuwing ako'y nasa iba't-ibang bansa. Paano ako nakakarating sa ibang bansa? Haha, ganito kasi iyon...
Bago namatay ang aking magulang, may ibinigay sila sa akin na isang maliit na baul. Ang sabi nila, bubuksan ko lamang iyon kapag may nangyaring trahedya sa kanila. Hindi ko alam na mamamatay sila pagkalipas ng ilang buwan, basta na lamang sila hindi nagising isang araw. Hindi ko alam ang aking gagawin. Hanggang naalala ko ang ibinigay nilang baul, at halos mahulog ang puso ko sa sahig. Hindi ko inasahan ang aking makikita! Mga ginto ang laman niyon at mga mamahaling alahas. Hindi ko alam kung saan iyon napulot nina ama't-ina subalit iyon ang naging pantaguyod ko sa buhay. Batid ko ang panganib na maidudulot sa akin ng mga kayamanang iyon kaya naman kahit kailan ay hindi ako nagsuot ng mamahaling damit at sapatos kahit kaya ko iyong bilhin. Nagmukha pa nga yata akong palaboy sa aking palagay. Haha. Sino nga naman ang mag-iisip na ako'y pagnakawan ganoong iisipin ng magnanakaw ay mas mayroon pa sila kaysa sa akin. Madungis din ako at napakapobre kong pakakatitingnan.
Tahimik lamang ako habang sumasakay sa iba't-ibang bus, tren, o kaya naman barko. Nagtataka man sila kung paanong may pambayad ako, wala naman silang magagawa kundi pasakayin ako dahil may pambayad naman. Hanggang napadpad ako sa Russia. Nagandahan ako sa lugar kaya naman naisipan kong mamalagi doon. Disenuwebe anyos pa lamang ako. Nakilala ko at naging kaibigan sina Henry Nelson, Larry Han, at Gerold Su. Mga mahihirap lamang din sila at mga ulilang katulad ko. Kaya naman mas naibigan kong manatili sa Russia. Dalawang taon na akong naroroon ng mabalitaan namin ang pagkakaroon ng palihim na pagmimina sa natagpuang isang kuweba sa gawing silangan ng Russia.
Ang sabi ay mayroong na-detect na ginto sa loob ng yungib na iyon. Dahil alam ko kung gaano kahalaga ang ginto at paubos na rin ang mga kayamanang naiwan sa akin ni ama't-ina, hinimok ko silang sumama sa pagmimina. Dahil malalaki naman ang aming mga katawan at matatangkad, hindi kami nahirapan. Pumasa kami bilang trabahador ng tagapamunuan ng mina. At dahil lihim lamang iyon, nasa trenta katao lamang siguro kami. Ilang araw at gabi kaming naghukay ng naghukay subalit wala kaming natagpuang ginto. Naisip ko noon, ganito pala kahirap maghanap ng ginto, sana'y hindi ko na lamang sinayang ang iniwan sa akin ng aking magulang at ginamit ko na lamang sana sa pagnenegosyo. Huli man ang pagsisisi ay wala na akong magagawa.
Nagpatuloy ang nakakapagod na mga araw, sinisi rin ako ng tatlo kong kaibigan dahil sa hirap na dinaranas din nila. Wala naman akong magagawa kundi tumahimik at tanggapin ang masasakit nilang salita laban sa akin. Nagkamali ako, at walang magagawa kahit sisihin pa nila ako ng pauli-ulit. Subalit sa makalipas ang halos tatlong buwang paghuhukay, nakatagpo ako ng ginto! Napakarami noon na parang mumunting bato, singlalaki lamang ng kuko sa aking palasingsingan ang laki noon. Tinawag ko ang tatlo kong kaibigan sapagkat nagbunga rin sa wakas ang aming paghihirap subalit nagkamali ako sa aking ginawa.
Pinagtulungan nila akong saktan ng makita nila ang mga ginto at walang itinira sa akin. Halos mawalan ako ng ulirat dahil sa tindi ng mga tinamo kong suntok at sipa. Noong mapansin ng iba pang trabahador na may lumitaw ng ginto, isa isa silang nagkasakitan habang ako'y nasa isang sulok na lamang at halos hindi ko na maidilat ang aking mga mata. Dahil sa mga gintong iyon, naging ganid ang bawat trabahador at nagpatayan sila upang makuha ang ginto.
Subalit may kagila-gilalas na nangyari. Ako lamang marahil ang nag-iisang saksi sapagkat abala silang lahat sa paglalaban. Nakita ko ang paglitaw ng isang batang mahaba ang buhok na kulay pilak, mahaba din ang kanyang puting kasuotan. Kumikinang siya sa hindi ko maintindihang kadahilanan. Pinagmasdan niya ng may mabalasik na tingin ang mga trabahador na patuloy sa pagpapambuno sa isa't isa.
BINABASA MO ANG
Ang Pag-ibig Ni Lester (R18)
Fantasía"Mangako ka sa akin Lester, anuman ang mangyari ay mag-iingat ka! Babalik ako, babalikan kita Lester! Tandaan mo, akin ka. Akin ka! Pinakaiibig kita" Si Lester at Ezekiel ay nag-iibigan simula pa noon. Subalit si Ezekiel ay prinsipe ng mga engkanto...