33. Unbearable Pain

1.9K 129 30
                                    


Sa daming beses kong ginustong mamatay dahil pagod na ako, at sa daming beses kong ginustong mabuhay para makaganti sa lahat ng nangmamaliit sa akin, ngayon ko lang naramdaman na gustong mamatay at gusto ko pang mabuhay nang sabay.

Hindi ko alam kung anong araw na nang magising ako. Hindi ako makakilos nang maayos. Hindi ko maigalaw ang bibig ko nang maayos. Hindi ko maidilat ang mata ko nang maayos. Iyon ang unang araw na nagising ako sa ospital. Ang lugar na pinakaayokong puntahan. Naaalala ko kasi si Mama noong na-stroke siya. Tapos si Papa noong nire-revive siya matapos atakihin sa puso.

Ito ang unang araw na para akong nakabalot sa matigas na bagay kaya hindi ako makakilos nang maayos.

Tatlong sunod-sunod na araw akong naroong mag-isa sa madilim na kuwarto sa ospital. Walang dumadalaw. Walang ibang pumupunta kundi nurse na titingin sa makina sa tabi ko o sa katawan ko.

Tatlong araw din ang nakalipas bago ko muling nasilayan ang araw at inilipat ako sa ibang kuwarto. Doon na sa hindi madilim, malawak pa rin, pero wala pa ring ibang tao maliban sa akin. Malawak ang kama, marami pa ring nakakabit sa 'king kung ano-ano. May dextrose, may dugo. Sa kabilang braso, may makapal na benda na nakikita ko lang kapag may nababalian ng buto o ano.

Walang ibang laman ang kuwarto kundi hospital bed kung nasaan ako, isang puting sofa sa kanan na nasa ilalim ng malawak na bintana, tapos side table sa kanan at mga makina naman sa kaliwa. May flat screen TV sa itaas malapit sa may pintuan. Kaso nakapatay lang iyon sa loob ng tatlong araw.

Hindi ko alam kung anong araw na. Wala rin akong idea kung anong oras na, basta parang umaga.

"Hi, Ms. de Chavez! Good afternoon! Buti naman, gising ka na," bati ng lalaking nurse na tatlong araw ko na ring nakikita. "My God, si Doc, kanina ka pa, binabalik-balikan dito kasi di ka pa nagigising. Ilang araw na kaming kinukulit ni Madame Daisy, Diyos ko."

Malambot siya para sa isang lalaki at madalas pang kumekembot kapag pumapasok sa kuwarto. Sinubukan ko siyang lingunin pero para akong robot na pahinto-hinto sa paggalaw kahit maliit na kilos lang naman ang gagawin ko. "After two days pa raw aalisin ang catheter mo. Nabo-bore ka na ba rito sa ospital?"

Kinuha niya ang remote sa side table at biglang bumukas ang TV. Saktong lumabas ang title ng afternoon drama na "Tinik sa Pulang Rosas" na may dalawang babae sa magkabilang gilid na nakasuot ng nighties at topless na lalaking maskulado sa gitna na yakap ng dalawa.

"Aaay! Si Marcooo! Crush ko 'yan, ma'am! Yummy!" Umikot na naman ang nurse at kinuha ang clipboard niya para tingnan ang makina sa gilid ko.

"Mang-aagaw ka! Lahat, inagaw mo! Pati asawa ko, aagawin mo rin?!"

"Hindi ikaw ang mahal ni Marco!"

"Pero hindi ikaw ang pinakasalan! Ginamit ka lang nang isang gabi, pakiramdam mo, iyo na siya habambuhay? Ilusyonada!"

"Naku, Mama Ivory, sampalin mo na 'yang kabit na 'yan! Ang kapal-kapal ng mukha!" tili ng nurse habang pasulyap-sulyap sa clipboard at sa TV. "Itong mga kabit na 'to, kung sino pa ang nang-aagaw, siya pa ang matapang. Ang sasarap paliguan ng kumukulong tubig! Nakakaloka!" Lumapit siya sa 'kin at marahang hinawakan ang kanang pisngi ko na biglang kumirot kaya saglit akong napapikit. "Ay, sorry, ma'am. Masakit pa rin po ba?"

I couldn't speak. I wasn't able to ask him kung napaano ang mukha ko at bakit makirot. Sinubukan kong lasahan ang loob ng bibig kong parang namamaga sa loob. May kung anong metal akong nakakapa roon. Parang sa braces ko noong bata ako, pero mas makapal pa.

"Ma'am, kukuha lang ako ng gamot para sa pain, ha? Hindi pa yata okay ang swelling sa mukha n'yo. Nood muna kayo diyan, babalik din ako agad."

Pasipol-sipol pa siyang lumabas na eksaktong pag-commercial sa TV.

A Designer's CreationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon