Dumadagundong ang bass ng speaker sa club, kasabay ng pag-ikot ng usok ng sigarilyo ang paglalayag ng bawat tao sa loob. Lamang ang amoy ang alak sa paligid—nakahihilo, nakalalasing tuwing masisinghot ng mahihina ang sikmura. Ang daming tao, napakaingay, naghalo ang bango at baho na hindi maipaliwanag.
Sa gitna ng naghalong saya at gulo, sinasamsam ni Cinnamon ang katahimikang binubuo ng sariling isipan habang sinisimot ang ikalimang baso niya ng rhum.
Sa kabila ng lahat ng pagdamba ng ligalig sa club, nakabuo siya ng sariling bilog na walang sinumang nakabasag sa kahit alin sa mga katuwaang dulot sa paligid. Nilulukob ng lungkot ang mukha niya, pagod, walang buhay, puno ng alala. Ngunit wala siyang magagawa, kailangan niyang mabuhay pa.
"Miss, pangatlong araw mo na rito, a."
Pag-angat ni Cinnamon ng tingin, ngisi ng isang lalaki ang nakita niya. Gaya ng nakasanayang gawain, sinukat niya ito ng tingin. Walang manggas ang suot nitong round neck T-shirt, halatang sinadyang punitin. Itinago ang laylayan niyon ang suot nitong denim jeans. Markado ng tattoo ang mga braso nito hanggang sa may siko. Pag-angat ulit ng tingin ni Cinnamon, kumikislap sa pagtama ng umiikot na spotlight ang suot nitong pilak na hikaw sa magkabilang tainga. Kuwadrado ang panga na ibinagay sa matangos na ilong—magandang kombinasyon para sa masusuwerteng nilalang na may magandang lahi. Kulay abo ang buhok nitong magulo at lampas sa tainga at umaabot ang likuran sa ibaba ng batok. Napangisi si Cinnamon nang matipid. Napaisip siya, 'Kailan nga ba nagiging maganda ang kahit anong magulo?' Sa laki ng bisig ng lalaki, kayang-kaya na iyong bumuhat ng isang sako ng bigas nang hindi nahihirapan. Matangkad at sa tingin niya ay papatak sa anim na talampakan. Kung kumilos ay kitang-kita ang kumpiyansa sa kilos, halatang marunong magdala ng sarili.
Sinubukang iwasan ni Cinnamon ang mata nito ngunit hinatak ng matingkad na tsokolateng mata ang paningin niya. Saglit na lumiit ang balintataw niyon pagpasadang muli ng rumorondang spotlight at lumaki rin pagkatapos lumisan ng nakabubulag na liwanag.
Naipaikot ni Cinnamon ang mata niya sabay iling. Hinalikan ng hangin ang puwitan ng basong hawak nang itungga niya ang lahat ng laman nito. Pabagsak niyang inilapag iyon sa harapan ng lalaki. "You're the bartender, right? Just tend at huwag ka nang mangialam sa buhay ng iba."
Sadya ang pang-iinsulto ngunit walang pagkainis na nasilayan sa matamis na ngiti ng lalaki. Kumikinang sa madilim na asul na ilaw ang mga ngipin nitong may magandang kurba at mahaba ang magkabilang pangil.
"Nagsasabi lang, Miss. Concern lang yung tao, huwag mong masamain," anang bartender na nagkibit-balikat sa sinabi ng customer niya.
Muling dinalaw ng ingay ng club ang pandinig ni Cinnamon. Dinadampa ng Faded remix ang dibdib niyang kanina pa namamawis gawa ng init ng naghalo-halong tao.
Nasalinan na naman ng panibagong laman ang baso, binawi iyon ng babae at niyakap ng magkabilang palad ang malamig na babasaging salamin.
Kung anong lalim ng pagtitig ni Cinnamon sa baso niya ay siya namang lalim ng pagtitig sa kanya ng bartender. Pinaglapat nito ang magkabilang kamay sa glass counter habang inoobserbahan ang babae sa harapan nito.
Lumilikha ng magulong linya ang natunaw na mascara sa mata ni Cinnamon. Nabawasan ang pula sa maputlang labi niya dahil sa naiiwang mantsa ng lipstick sa baso tuwing humahalik siya sa iniinuman. Mahahalatang panay ang suklay sa maalong buhok ng babae dahil wala nang matinong paling ang itim nitong buhok na namamahinga sa ibabaw ng dibdib ang dulo.
Cinnamon. Iyon ang sumisilip na pangalan sa suot nitong blouse na hindi pa nahuhubaran ng name tag.
Napapaisip ang bartender kung heartbroken ba siya. Ngunit gaya ng sinabi nito, ikatlong araw na ni Cinnamon sa bar, at ni isang aparisyon ng lalaki ay wala itong nababanggit tuwing malalasing. Nakakatulog lang ito nang tahimik at walang iniiyakan, hindi gaya ng ibang nagtatagal sa bar at nagwawala habang nagtatawag ng kung kaninong pangalan.
"May special service akong ino-offer," sabi nito kay Cinnamon, may tinging hindi naman gagawa ng masama ngunit hindi rin naman masasabing katiwa-tiwala.
Nagkrus muli ang tingin nilang dalawa. Inubos ni Cinnamon ang laman ng baso at ibinagsak na naman sa mesa ang hawak habang nananatili ang tingin sa lalaki.
"Free ako para sa isang all-night session. Mag-e-enjoy ka naman, sulit ang bayad."
"Bago ka lang ba rito?" Lalo lang umirap si Cinnamon sa sinabi nito. "Isa pang glass."
Hindi madaling mabentahan ng salita si Cinnamon. Kailangan ng oras—mahabang oras—para lang makinig siya sa ilang lumilipad na salita sa hangin.
Inalok ng bartender ang kamay niya bilang panimula.
"Jericho. Not a bad guy, don't worry." Tinabig lang ni Cinnamon ang kamay niya at itinuro na naman ang baso.
"Do your useless job. Where's my drink?"
Umangat ang kanang dulo ng labi ng lalaki at nanatili ang titig kay Cinnamon habang sinasalinan ng tamang dami ang baso nito, na sukat na sukat ang tamang dami kahit hindi siya nakatingin.
Sa kabila ng nagniniig na liwanag at dilim sa loob ng club, sumambulat ang ilaw sa smartphone ni Cinnamon na nakalatag sa mahabang mesa.
Lumipad ang paningin ni Jericho, sinisilip ang dahilan ng ilaw sa phone. Pinindot-pindot iyon ni Cinnamon, may nagpadala ng mensahe sa isang application na hindi siya pamilyar.
Paglipat niya sa tingin ng babae ay wala man lang itong kagana-gana sa ginagawa. Nang matapos ay pinatay na nito ang phone at minuto rin ang lumipas nang hindi na naulit ang pagbukas ng aparato.
"Cinnamon," pagtawag ni Jericho sa pangalan ng babae, mabigat ang tinig, malalim, sumasalungat sa tugtuging binubuga ng speaker.
Dahan-dahan ang pag-angat ng namumungay na mata ng babae sa bartender. Garantiya na ang tamang pangalang nabanggit dahil sa pagtaas nito ng kaliwang kilay.
Muling pagngisi kay Jericho, pinasadahan ng basang dila ang ibabang labi bago ulitin ang huling sinabi. "Cinnamon. Nice name."
"Tantanan mo 'ko," naiinis na sinabi ng babae.
"Susubukan ko," anang bartender sabay kindat at ngiti nang matamis.
Sa dami ng customer na pumapasok at lumalabas ng bar, tila ba may sira ang orasan ng mga nagpupunta roon dahil sa bilis ng oras. Sa daigdig bilang bibihira lang ang pinaglulugaran ng kunwaring saya, sinusubukang magtagal doon ni Cinnamon para lang maramdaman kung paano nga ba ulit ang matuwa. Kahit pa sa tagal niyang ginagawa ang paglalasing ay hindi pa rin niya iyon makita-kita.
Nauubos na ang mga tao, humihina na ang mga speaker, bumabalik na ang lamig na ibinubuga ng air conditioning system sa loob ng club.
At gaya ng mga nagdaang gabi, bagsak na si Cinnamon . . . at nagsasara na ang club.
"Cinnamon, kaya mo pa?"
Hindi siya sumagot, nakayuko lang sa bar counter at kanina pa tahimik.
"Cinnamon?"
Tiningnan ni Jericho ang paligid, naghahanap ng sagot sa tanong niya sa babaeng tulog na.
Napabuntonghininga na lang siya dahil mukhang walang may pakialam sa babaeng kausap niya—maliban sa kanya.
"Cinnamon, iuuwi na kita, ha?" Tinapik-tapik niya ang braso nito para gisingin ngunit wala na talaga.
Napaisip tuloy siya.
"Saan pala kita iuuwi?"
♥♥♥
BINABASA MO ANG
A Designer's Creation
Romance(Under editing) Hindi kahit kailan naging masaya ang buhay ni Cinnamon sa poder ng sarili niyang angkan. Bawat kibot, kuwentado. Bawat salita, sinusukat. Kailangang manatili sa tuktok at pedestal para lang makamit ang respetong hinihingi niya bilang...