Yareli's POV
HINDI ko alam kung paano ko nalampasan ang isang linggo na trabaho ko sa Cafe shop. Hindi ko mapigilang matulala sa kawalan dahil naaalala ko pa rin kung paano ako hinalikan ni Grant sa harapan mismo ng mga kapatid niya at ni Mayet.
"Girl, tulaley pa rin hanggang ngayon? Gulat ka pa rin sa unexpected kiss na ginawa sa'yo ni Grant?" Pinitik ni Mayet ang daliri niya sa harapan ko dahilan para matauhan ako mula sa pagkakatulala.
"Mayet, normal lang ba talaga 'tong takot na nararamdaman ko sa Steffano brothers?" nag-aalala kong sabi.
"Normal lang 'yan, girl. Kitang-kita naman na may pagka-aggressive talaga 'yong magkakapatid pagdating sa'yo. Rinig na rinig kaya ng dalawang gorgeous ears ko ang mga sinabi nila sa'yo nung sinundo nila." sabi ni Mayet at nag-umpisa na kaming lumabas mula sa loob ng Cafe shop. Kaming dalawa na lang ang naiwan dahil nauna nang umuwi ang iba pa naming mga katrabaho.
Kinuha ko ang dala kong payong sa loob ng bag ko dahil bumubuhos ngayon ang malakas na ulan at mukhang may bagyo. Nakasilong lang kami ni Mayet sa bubong ng Cafe shop.
"K-Kailangan ko na talaga silang iwasan," sabi ko at huminga nang malalim.
"Sa tingin mo ba talagang maiiwasan mo sila? Ayan rin ang plano mo noon, pero kita mo naman? Sila na ang gumagawa ng paraan para lang makita at lapitan ka. Hindi nga ako naniniwalang nagkataon lang na napadaan sila dito sa Cafe shop. Pakiramdam ko ay alam talaga nila na dito ka na magtatrabaho." sabi ni Mayet habang abala sa paggamit ng cellphone niya.
Medyo kinilabutan ako. Kung totoo man iyon, ibig sabihin ay may posibilidad na minamanmanan nila ang bawat kilos at galaw ko, pero hindi naman siguro sila aabot sa puntong gano'n. Sino ba naman ako para pagkaabalahan nila nang oras? Marahil ay atraksyon lang ang nararamdaman nila sa akin at mawawala rin kaagad.
Hindi ko na rin sila nakita pagkatapos ng isang linggo, at ang balita ko tungkol sa Steffano brothers ay umuwi na ang mga ito sa Maynila. Napanatag ang loob ko kahit papaano nang malaman iyon pero may agam-agam pa rin akong nararamdaman na hindi pa rito nagtatapos ang lahat sa amin.
"Hindi naman siguro," sabi ko nang pabulong na ikinailing na lang ni Mayet.
Nang may makita kaming isang tricycle ay kaagad ipinara iyon ni Mayet at nagmadali kaming pumasok sa loob. Nagpahatid kami hanggang sa Tayuman. Kahit may payong kaming dala ay hindi pa rin maiwasan na mabasa kami dahil sa lakas ng ulan. Basa kaming pareho ni Mayet pati na ang dala naming mga bag. Hindi talaga namin alam na uulan pala ngayon dahil kaninang umaga naman ay maaraw at maganda ang panahon.
"Ang kulit talaga ni Jestin! Kanina pa text nang text sa akin at tinatanong tayong dalawa. Sinabi ko nang nasa work pa tayo, e!" naiinis na sabi ni Mayet habang nag-ta-type sa hawak niyang cellphone.
"Nililigawan ka ba ni Jestin?" tanong ko na biglang ikinapula ng buong mukha niya.
"A-Ano. . . oo. Kahapon lang siya nanligaw." nahihiya niyang sabi na ikinangiti ko.
"Kailangan na ba namin mag-pa-party ni Ronnie niyan? Kayo kasing dalawa ni Jestin, nasa torpe stage pa kayo noong una." nakangiti kong sabi.
Nang matapos sa pag-ta-type si Mayet ay binalingan niya ako. "Alangan namang ako pa ang gumawa ng first move sa kolokoy na 'yon? Siya ang lalaki kaya dapat siya ang unang manuyo sa 'kin!" taas-noo niyang sabi na ikinatawa ko.
"Masaya ako para sa inyong dalawa." ani ko kahit may kaunting pagdududa pa rin ako kay Jestin. Kailangan kong magtiwala na mamahalin at alagaan niya ang kaibigan naming si Mayet.
Niyakap ako ni Mayet. "Salamat, girl. Sana ay matagpuan mo na rin ang lalaking magmamahal sa'yo nang tapat at totoo. 'Yong hindi ka ipagpapalit sa kahit ano pang ambisyon niya sa buhay."
BINABASA MO ANG
Steffano Brothers' Obsession (Published under PSICOM)
General FictionSi Yareli Tamayo ay isang mabait at mapagmahal na dalagang nakatira sa probinsiya ng San Felicidad. Nang makilala niya ang magkakapatid na Steffano na sina River, Efraim, Irvin, Grant, at Amir ay nagkaroon ng malalim na epekto ang mga ito sa kaniyan...
