Yareli's POV
KINABUKASAN ay nagising ako nang ako lang ulit ang mag-isa sa kama. Iyong tama ng bala sa binti ko at pilay ko sa paa ay medyo gumagaling na at hindi na masyadong masakit. Nang tiningnan ko ang lamesa ay puno ito ng iba't-ibang klase ng pagkain. Napabuntonghininga ako. Kailangan kong intindihin ang kondisyon ng Steffano brothers lalo na si River.
Naaawa ako sa kanya at naaalala ko pa rin 'yong araw na umiyak siya sa harapan ko at nagsisisi sa nagawa niyang kasalanan sa akin. Kahit nasasaktan ako sa sinapit ko, at sa tingin ko ay ako pa rin ang agrabyado ay pinatawad ko na lang siya dahil umaasa ako na balang araw ay maiisip din nila na mali itong ginagawa nila at hindi sagot ang pagdukot sa akin para lang makuha ako.
Bumangon ako sa kama at nagtungo sa CR para maligo at maglinis ng sarili. Hindi ko alam kung nasaan ang limang magkakapatid pero sa tingin ko ay babalik rin sila mamaya. Naligo ako at pagkatapos ay nagbihis ng isang kulay berdeng t-shirt at cotton shorts sa cabinet na mukhang bagong bili pa at mamahalin. Nang matapos akong magbihis at mag-ayos ng sarili ay nagsimula na akong kumain ng mga nakahandang pagkain sa lamesa na siguradong si River ang nagluto.
Pagkatapos kong kumain ay nagsipilyo muna ako bago tumambay sa bintana ng kuwartong tinutuluyan ko. Malayong-malayo sa siyudad ang lugar na ito at tanging karagatan, mga puno ng buko, mga ulap, at araw lang sa kalangitan ang nakikita kong tanawin sa labas.
Nakarinig ako nang may nagwawalis sa ibaba kaya sinilip ko kung sino ito. Nagulat ako nang makita ang isang matangkad at morenong lalaki na nagwawalis sa tapat ng gate ng bahay kung nasaan ako. Katulad ng Steffano brothers ay matangkad at malaki ang katawan ng lalaki. Hanggang balikat ang buhok niya at chinito. Naalala ko tuloy sa kanya si Vaness Wu ng F4 sa Meteor Garden dahil sa itsura nito.
Sino kaya siya? Ano'ng ginagawa niya rito? Kakilala rin ba siya ng magkakapatid? Ang akala ko ay walang ibang tao ang nandito sa isla, iyon pala ay mayroon din. Tila nabuhayan ako pero nang maisip ko ang kondisyon ng magkakapatid, pagmamakaawa, at pag-iyak ni River sa harapan ko ay napawi ang pag-asa ko na hindi ko sila puwedeng takasan.
Mukhang napansin ng lalaki na nakatingin ako sa kanya kaya napatingin ito sa direksyon ko at itinigil ang pagwawalis niya. Halata ang pagkagulat sa mukha niya nang makita ako at gano'n rin ako. Hindi ko na napansin kanina na guwapo rin pala siya.
"Miss? Tao ka ba? Hindi ka ba multo o manika? Huwag kang nananakot, ah?" sigaw niya para marinig ko. Medyo malayo siya sa direksyon ko at kailangan niya pang sumigaw para marinig ko ang sinasabi niya.
Natawa ako ng mahina. "Huwag kang mag-alala, tao ako!" sigaw ko pabalik.
Para siyang nabunutan ng tinik at ngumiti sa akin. Mas lalong lumitaw ang chinito niyang mga mata nang dahil sa pagngiti.
"Pasensya na, ang puti mo kasi masyado kaya ang akala ko ay multo o manika ka. Girlfriend ka ba ni Sir River?" tanong niya.
Gusto ko sanang sabihing hindi dahil hindi naman talaga ako nobya ni River pero tumango na lang ako bilang sagot para hindi niya malaman ang ginawa sa aking pagdukot ng Steffano brothers. Kahit ngayon lang ay gusto ko muna silang pagbigyan sa gusto nilang makasama ako.
"Oo. Nobya ako ni River." sagot ko na ikinatango ng lalaki.
"Gano'n ba, Ma'am? Ikinagagalak ko kayong makilala. Ako nga pala si Ezekiel, ang caretaker sa isla na 'to." Pagpapakilala niya at yumuko ito para mag-bow. Siya pala ang tagapangalaga sa isla kaya nandito siya na nagwawalis sa tapat ng gate ng bahay at kilala niya si River.
"Ikinagagalak din kitang makilala, ako naman si Yareli." nakangiting pagpapakilala ko.
"Ang ganda naman po ng pangalan n'yo, kasing ganda n'yo, Ma'am." sabi niya na ikinainit ng pisngi ko.
BINABASA MO ANG
Steffano Brothers' Obsession (Published under PSICOM)
Genel KurguSi Yareli Tamayo ay isang mabait at mapagmahal na dalagang nakatira sa probinsiya ng San Felicidad. Nang makilala niya ang magkakapatid na Steffano na sina River, Efraim, Irvin, Grant, at Amir ay nagkaroon ng malalim na epekto ang mga ito sa kaniyan...
