A friend's secret hatred and jealousy
Jestin's POV
KANINA pa namin hindi maawat si Ronnie sa pag-inom ng alak, at nandito siya ngayon sa bahay namin. Hindi siya puwedeng uminom sa bahay nila dahil paniguradong papagalitan siya ng Nanay at Tatay niya kapag ginawa iyon doon. Mahigit isang linggo na ring nawawala si Yareli, at patuloy kaming mga kaibigan niya, ang pamilya niya, at si Juancho sa paghahanap sa kanya. Kakatapos lang naming magbigay ng flyers sa iba't-ibang sitio ng San Felicidad, at umaasa kaming may nakakita kay Yareli.
Nang mawala siya, kasabay rin ang pagkawala ng magkakapatid na Steffano. Posibleng dinukot ng mga ito si Yareli dahil alam namin nina Mayet at Ronnie na may gusto kay Yareli ang mga lalaking iyon.
"Kung kailan gusto ko nang ipagtapat sa kanya na mahal ko siya, saka pa siya nawala!" sabi ni Ronnie na nasa matinding kalasingan.
Mga bata pa lang kami, alam ko nang mahal niya si Yareli. May nararamdaman din ako kay Yareli noon, pero nagpaubaya ako kay Ronnie dahil kaibigan ko siya at ayokong magkasira kaming magkaibigan dahil sa isang babae. Pinilit ko na lang ibaling ang atensyon ko kay Mayet, at nagugustuhan ko na rin siya, kaya niligawan ko siya, at ngayon ay girlfriend ko na siya.
Pero sa totoo lang, mas lamang pa rin ang pagkagusto ko kay Yareli, kahit mali itong nararamdaman ko.
"Huwag tayong mawalan ng pag-asa, Ronnie. Mahahanap din natin si Yareli," sabi ni Mayet, at hinagod ang likuran ni Ronnie.
"Sana nga, Mayet. Ang mga Steffano, sigurado akong sila lang ang kumuha at nagtago kay Yareli. Alam kong may interes sila sa kanya at hindi nila matanggap na ayaw sa kanila ni Yareli!" Tumawa si Ronnie sa kalasingan na ikinairita ko.
Masyado talaga siyang madrama at umaaktong parang boyfriend ni Yareli. Kaibigan lang rin niya ito katulad namin ni Mayet kaya sana ay kumilos siya nang naaayon sa status niya. Attention seeker na nga, feeling jowa pa. Tsk!
"Walang magagawa 'yang paglalasing mo para makita natin si Yareli," sabi ko dahil sa inis.
Tumango si Mayet. "Tama si Jestin, kaya umayos ka diyan, Ronnie."
Napayuko si Ronnie at parang nahiya sa sarili. "Pasensya na kung nagkakaganito ako. Talagang na-mi-miss ko lang si Yareli at gusto ko na siyang makita," malungkot niyang sabi.
Wala ba talaga siyang bahid ng kasamaan sa katawan? Hindi ko pa nga siya nakitang nakikipag-away at naging salbahe sa ibang tao. Simula pa noong bata kami, ganito na siya kaya gustong-gusto siya ng lahat ng tao sa San Felicidad. Ako na lang palagi ang nagiging pangalawa sa kanya, kesyo mas guwapo raw siya, mas attractive, mas matalino, mas magaling sa basketball, at mas pansinin.
Samantalang ako, palaging nag-e-effort sa sarili ko para kahit papaano ay umangat ako sa kanya. Nag-part-time na nga ako sa isang vulcanizing shop para makabili ng mga luho ko sa katawan. Nagpakulay ako ng buhok at nagpa-brace rin ng ngipin para mas lalo akong gumuwapo at magmukhang mayaman. Bumili rin ako ng pampaputi sa balat para maging mestiso ako katulad niya dahil natural na moreno ang balat ko. Mas maporma at maangas ako kaysa kay Ronnie, pero hanggang ngayon, siya pa rin ang pinapansin ng lahat, lalo na ng mga babae.
Mas mabuti na rin na napunta si Yareli kay Juancho, dahil kahit papaano ay naranasan niya na maging pangalawa. Hindi ako papayag na pati si Yareli ay makuha rin niya.
Ngumiti ako ng peke at inakbayan si Ronnie. "Naiintindihan ka namin, pre. Makikita rin natin si Yareli, kaya 'wag ka nang magpakasenti diyan, okay?" sabi ko.
Ngumiti si Ronnie at tumango. "Salamat dahil may mga kaibigan akong katulad ninyo, Jestin at Mayet," pagpapasalamat niya.
"No worries, Ronnie! Ikaw pa ba?" nakangiting sabi ni Mayet kay Ronnie, dahilan para mainis akong lalo. Pasimple kong hinila si Mayet palapit sa akin para mailayo kay Ronnie, at hinapit ko ang baywang niya.
BINABASA MO ANG
Steffano Brothers' Obsession (Published under PSICOM)
General FictionSi Yareli Tamayo ay isang mabait at mapagmahal na dalagang nakatira sa probinsiya ng San Felicidad. Nang makilala niya ang magkakapatid na Steffano na sina River, Efraim, Irvin, Grant, at Amir ay nagkaroon ng malalim na epekto ang mga ito sa kaniyan...
