Yareli's POV
NAPAILING ako habang pinagmamasdan si Mayet na kanina pa nanonood ng offline Kpop music videos ng grupong TREASURE sa cellphone niyang touch screen. Dinownload niya raw ang videos sa computer shop sa bayan at dahil mahina ang signal sa San Felicidad ay dinownload niya ito ng offline para raw may mapanood siyang videos sa cellphone niya.
Kanina pa siya tili ng tili habang nanonood tapos may mga sinasabi siyang 'I love you, Haruto sa akin ka lang! tapos 'I love you, Asahi. Kahit robot ka mahal pa rin kita!'
Kahit hindi ako maka-relate sa mga pinagsasabi niya dahil hindi naman ako mahilig sa Kpop ay hinayaan ko na lang siya sa trip niya. Nagtataka lang din ako kung bakit Haruto at Asahi ang pangalan ng favorite members raw niya sa grupong iyon e, hindi ba't korean pop group sila? Bakit parang pang Japanese ang pangalan ng members na iyon? Hindi ko na lang tinanong iyon kay Mayet dahil may mas importante pa pala akong iisipin.
Sigurado na ako sa desisyon ko, sa oras na makita ko pa ulit ang Steffano brothers ay lalayuan ko na sila at hindi ko na kakausapin. Mas makabubuti na rin iyon dahil simula nang makilala ko sila ay mukhang nagiging komplikado at magulo na ang lahat.
Hindi ko pa rin makalilimutan ang ginawang paghalik sa akin ni Amir. Hindi ko alam kung bakit niya ginawa iyon pero hindi tama iyon. Hindi siya ang first kiss ko kundi si Juancho. Kahit hindi naman ako minahal ni Juancho ay masaya pa rin ako na kahit papaano ay naibigay ko ang first kiss ko sa taong minahal ko.
Iyong nakita kong picture naming dalawa na nalaglag sa wallet niya ay itinabi ko na lang. Ayoko nang umasa ulit na totoo ang nakasulat sa likod ng picture. Hindi ko na kayang ibigay ulit ng buo ang pagmamahal ko sa lalaking kahit kailan ay hinding-hindi ako mamahalin. Kailangan ko nang kalimutan na may J.A akong nakilala. Kahit mahal ko siya ay handa na akong palayain siya sa puso ko. Napapagod na rin ako. Ilang beses na niya akong sinaktan at pinagsalitaan ng masasama kaya ito na siguro ang tamang panahon para ang sarili ko naman ang isipin ko.
Pagkatapos manood ni Mayet ng kpop music videos sa cellphone niya ay kaagad na kaming lumabas ng bahay nila. Dahil tapos na siyang maglaba kahapon ay may oras na para makapag-bonding kami.
"Girl, sigurado ka na ba talaga riyan sa desisyon mo? Iiwasan mo na 'yong Steffano brothers? Paano kapag nagtaka sila sa pag-iwas mo? Mukhang type ka pa naman ng mga guwapong nilalang na 'yon." tanong ni Mayet habang bumibili kami ng banana cue kay Aling Clara sa tapat ng tindahan nito.
Ikinuwento ko na sa kanya ang lahat tungkol sa Steffano brothers, ang mga sinabi ni Irvin kay Ronnie sa mall maging pati na rin ang paghalik sa akin ni Amir. Wala akong inilihim kay Mayet dahil mapagkakatiwalaan ko naman siyang kaibigan katulad nina Ronnie at Jestin.
"Ayon ang mas makabubuti, Mayet. Ayaw din ni Juancho na makipaglapit ako sa mga pinsan niya kaya iiwasan ko na sila." sabi ko at bumuntonghininga.
"Ano naman sa kanya kung maging close ka sa magkakapatid na 'yon? Hindi ba puwedeng maging friends lang kayo?" sabi ni Mayet habang kumakain na ng banana cue. Nang matapos kaming kumain ay nagsimula na kaming maglakad papunta sa favorite spot namin sa bukid.
"Sa tingin niya kasi ay kaya ako nakikipaglapit sa mga pinsan niya ay dahil sa kayamanan nila ang habol ko kapag napaibig ko raw ang isa sa magkakapatid na hindi ko naman intensyon." malungkot kong sabi.
"Ay wow, ha? Bakit masyado naman siyang takot kung magustohan ka ng isa sa mga pinsan niya? Labas na siya doon dahil hiwalay na kayo." napairap si Mayet at humalukipkip.
Hindi na ako sumagot dahil hindi ko rin naman alam ang sasabihin ko. Basta't nakapagdesisyon na ako na iiwasan ko ang Steffano brothers.
Nang makarating kami sa favorite spot namin sa bukid ay biglang napasinghap si Mayet dahilan para mapatingin ako sa kanya. Sinundan ko ang tingin niya at nabigla ako nang makita ang Steffano brothers na papalapit sa amin.
BINABASA MO ANG
Steffano Brothers' Obsession (Published under PSICOM)
General FictionSi Yareli Tamayo ay isang mabait at mapagmahal na dalagang nakatira sa probinsiya ng San Felicidad. Nang makilala niya ang magkakapatid na Steffano na sina River, Efraim, Irvin, Grant, at Amir ay nagkaroon ng malalim na epekto ang mga ito sa kaniyan...
