Chapter 9

63.6K 1.8K 678
                                        

Yareli's POV

KAARAWAN ni Kuya Yasewah kaya busy kaming dalawa ni Inay na magluto ng simpleng handa niya katulad ng pancit bihon, biko, inihaw na bangus, adobong manok, at sinigang na isda. Kahit hindi gaanong marami ang handa namin ay pinag-ipunan at talagang pinaghandaan namin ito ni Inay para kay kuya.

Ngayong araw ay 24 na taong gulang na si Kuya Yasewah. Pansamantala muna siyang nag-leave ng isang araw sa trabaho niya bilang isang mekaniko sa bayan ng San Felicidad para sa kanyang kaarawan.

Wala pa itong nagiging girlfriend kahit sa pagkakaalam ko ay may mga babae namang nagkakagusto sa kanya. Hindi na rin ako magtataka kung bakit single pa rin hanggang ngayon si kuya dahil talagang workaholic ito at wala na rin oras para sa buhay pag-ibig. Masyado itong responsable sa aming pamilya, at ang kapakanan lang namin palagi ang iniisip niya.

Kaya mas lalo akong nagsusumikap na makapagtapos nang pag-aaral dahil si Kuya Yasewah ang nagpapaaral sa akin. Undergraduate siya ng college at mas gusto niyang makapagtapos muna ako nang pag-aaral bago siya kaya ang plano ko na kapag nakapagtapos ako at naging isang ganap na guro na ay siya naman ang papag-aralin ko. Ipinangako ko iyon sa sarili ko na sa lahat ng pagpapakapagod ni kuya sa pagtatrabaho para sa pag-aaral ko at sa pamilya namin ay susuklian ko nang pagsusumikap para makapagtapos ako.

Nang matapos kaming makapagluto ni Inay ng mga handa ay binigyan niya ako ng 50 pesos at bumili raw muna ako ng isang litro ng coke sa tindahan. Kinuha ko ito at kaagad nagpunta sa sari-sari store nila Mayet.

"Pabili nga po ng isang litrong coke," sabi ko sa nagbabantay ng tindahan nila Mayet na si Kuya Dante, nakatatandang kapatid ni Mayet.

Ngumiti ito sa akin at kumuha ng coke sa refrigerator at pagkatapos ay ibinigay sa akin. Kaagad kong iniabot ang bayad ko.

"Pakisabi pala sa kuya mo na happy birthday. Pupunta ako sa inyo mamaya para makikain, ah?" nakangiting sabi ni Kuya Dante.

Tumango ako. "Sige po. Nasaan po pala si Mayet?"

"Um-attend sa binyag ng anak ng kumare ni Mama. Baka gabi na makauwi ang mga 'yon." sagot ni Kuya Dante.

"Gano'n po ba? Kapag dumating po si Mayet ay isama n'yo na lang po siya kung pupunta na kayo sa bahay." sabi ko.

"Sure, basta ikaw, Yareli." Kumindat sa akin si Kuya Dante na ikinatawa ko.

May itsura ang kuya ni Mayet kaya nga lang ay maloko at maraming nagiging girlfriend. Parang nakatatandang kapatid na rin ang turing ko kay Kuya Dante dahil mabait ito sa akin at kaibigan din siya ni Kuya Yasewah.

Nang bumalik ako sa bahay ay iniabot ko kay Inay ang binili kong isang litrong coke. Kinuha niya ito sa akin at pinakarga ang bunsong kapatid kong si Jingjing na halatang kagigising lang. Lumabas muna ako sandali sa bahay habang karga si Jingjing at tumingin sa malayo.

Isang linggo na simula nang iwasan ko ang Steffano brothers. Hindi ko na rin sila nakikita pero alam ko na nandirito pa rin sila sa San Felicidad base sa kuwento sa akin ni Mayet. Napanatag ang loob ko dahil hindi na nila ako tinangkang lapitan at kausapin muli. Mas mabuti na rin iyon dahil kung patuloy pa rin akong makikipagkaibigan sa kanila ay mas lalo lang magiging komplikado ang lahat. Lahat ng may koneksyon kay Juancho ay iiwasan at lalayuan ko na.

Ilang saglit pa ay dumating na si Kuya Yasewah kasama si Itay at laking gulat ko nang makitang kasama rin nila si River na nakangiti habang kinakausap sila.

Nang makita nila ako ay nilapitan ako ni Kuya Yasewah at kaagad inakbayan habang nakangiti. "Inimbitahan ko pala si River sa kaarawan ko. Nakita namin siya kanina ni Itay sa bukirin na nakatambay lang sa labas ng mansyon nila Governor Vicente kaya niyaya ko na siyang pumunta rito." sabi nito na walang ideya na pilit ko nang nilalayuan ang magkakapatid.

Steffano Brothers' Obsession (Published under PSICOM)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon