Namimitas ako ng mga halamang gamot sa kakahuyan nang makarinig ng impit ngunit malakas na pagdaing. Sa pagsunod sa pinanggagalingan ng boses ay idinala ako ng mga paa sa isang kweba. Dala ng kuryusidad ay lakas loob kong pinasok ito't tinumbok ang pinakadulo. Nanlaki ang mata ko nang makita ang isang malaking nilalang na may taas na sampung palapag. Nakahiga ito't nanginginig.
Nilapitan ko siya't nilapatan ng paunang lunas sa nag-aapoy niyang karamdaman. Sa kanyang paggaling ay nakinig ako sa mga kwento niya't naging malapit kaming magkaibigan. Ibinigay niya sa'kin ang isang singsing bilang regalo kasabay ng paglisan niya.