Chapter 22

48.5K 2.5K 1.5K
                                    

Message



Dahil sa pagtawag ni Hob ay kaagad akong bumalik sa lumang building. Hindi na din ako nakapag-isip pa ng kung ano. Gusto ko din naman kasi talagang malaman kung ano talaga ang lagay niya, kahit pa mukhang maayos naman dahil nakatawag pa siya.

Kahit gustong gusto kong magmadali paakyat sa second floor ay pinilit kong maging normal ang bawat kilos ko. Ayokog ipakitang nagmamadali ako, medyo kabado din na makasalubong ko nanaman si Engr. Crystal o kahit na sino at sinatahin ang pag-akyat ko.

Tatlong mararahang katok ang ginawa ko bago ko tuluyang binuksan ang pinto ng office ni Hob. Pagkasilip ay kaagad kong nakitang nakasandal ito sa kanyang swivel chair at nakapikit.

"Hob..." marahang tawag ko sa kanya.

Nang tuluyan na akong makapasok ay dahan dahan din naman siyang dumilat. Kahit hindi na niya sabihin sa akin ay kita at ramdam kong may iniinda siyang sakit.

"Gutom na ako. Ang tagal mo," salubong na sabi niya sa akin kaya nama kahit ayoko sanang awayin o sungitan siya ngayon ay mukhang magagawa ko.

Umayos siya ng upo kaya naman dumiretso na ako palapit sa table niya dala ang bag na pinaglagyan ko ng mga pagkain kanina.

"Ka-kamusta yung ano..." hindi ko maituloy ang sasabihin ko dahil hindi ko din naman alam kung anong dapat na itanong ko.

Pumungay ang mga mata niya na para bang antok siya. Itinuro niya ang kanyang kaliwang braso kaya naman napatingin din ako duon.

"Natumba yung mga bakal...nahulugan ako sa braso," sagot niya sa akin kaya naman kaagad akong tumango.

Marami pa sana akong gustong itanong sa kanya, mabuti na lang at napigilan ko ang aking sarili.

"Wala ng natira sa pagkaing dala ko kanina...pero may ano pa ako dito," magulong paliwanag ko sa kanya at kaagad na nilabas ang lunchbox na dala ko para kay Tatay.

Kahit naman sabihin kong iiwasan ko na siya at hindi na maghahabol pa kay Tatay ay hindi ko pa din maiwasang magdala ng pagkain para sa kanya. Kung minsan kasi ay hindi ko din naman kontrolado ang aking emosyon.

May mga pagkakataon din naman talaga na kahit galit ka o may tampo sa isang tao ay hindi mawawala yung kagustuhan mong alagaan pa din sila.

Tumaas ang kilay ni Hob nang ilapag ko sa harapan niya ang lunch box.

"Ipapakain mo yan sa akin? Eh hindi naman yan para sa akin," sabi niya sa akin kaya naman dahan dahan nang kumunot ang noo ko.

Mukhang nakita naman niya iyon kaya naman kahit maayos na ang kanyang pagkakaupo ay umayos pa ulit siya.

"Libre naman iyan. Hindi ko papabayaran sayo," laban ko.

Kaagad na nagliwanag ang kanyang mukha dahil sa aking sinabi kaya naman kaagad akong napa-irap sa kawalan.

"May sakit ka?" nakangising tanong niya sa akin kaya naman sinamaan ko na siya ng tingin. Hindi naman nawala ang ngiti sa labi niya.

Excited pa siyang buksan ang lunchbox pero nahirapan siya dahil isang kamay lang ang gamit. Mabilis akong humilig palapit sa table niya at ako pa mismo ang nagbukas non. Ramdam kong bahagyang nagulat si Hob dahil sa aking ginawa pero nanahimik na lang siya at hinayaan ako.

Maging ang mga kumbyertos na gagamitin niya ay ako pa mismo ang naglagay sa tamang gawi para hindi na siya mahirapan.

"Kumain ka na...baka ikamatay mo pa ang gutom," sabi ko at kaagad na tumalikod para itago ang pamumula ng aking pisngi.

When the Moon Heals (Sequel #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon