Chapter 30

51.7K 2.3K 1.7K
                                    

Real



Hindi kaagad ako nakagalaw o nakapagsalita pagkatapos kong marinig iyon mula kay Tatay. Pero mas lalong nangibabaw sa akin ang sakit ng makita ng dalawang mata ko, dito mismo sa aking harapan kung paano siya umiyak. Ramdam at kitang kita ko na nahihirapan na din siya, na hindi niya din gusto ang mga nangyayaring ito.

"Tutulungan kita, Tay..." sambit ko kahit ang totoo hindi ko din alam kung sa paanong paraan ako makakatulong sa kanya.

Marahan siyang umiling habang umiiyak kaya naman mabilis na tumulo ang masasaganang luha mula sa aking mga mata.

"Ayokong madamay ka...kayo ng Nanay mo," sambit niya kaya naman napasinghap ako.

"Tay, pamilya po tayo dito," sambit ko at pumiyok pa.

Pamilya kami dito, kahit pa sabihing matagal kaming tinalikuran ni Tatay ay pamilya pa din kami. Gagawin pa din naman ang lahat ng tulong kung kailangan niya. Kahit sa paanong paraan.

"Mahal na mahal ko kayo ng Nanay mo, Alihilani. Hindi ko kayo nakalimutan, hindi ko kayo nakalimutan...Mahal na mahal ko si Cleo," sabi pa niya kaya naman mas lalong sumikip ang dibdib ko.

Masakit ang tagpong ito pero mas masakit pa dahil sa loob ng mahabang panahon, inakala namin ni Nanay na kinalimutan na niya kami. Kung nandito lang sana si Nanay, kung naririnig lang sana niya ito.

"Hihingi po tayo ng tulong, Tay."

Marahan niyang pinahiran ang luha sa kanyang mga mata. "Ligtas tayong lahat kung mananatili ako sa poder ng pamilya ni Atheena. Ganoon din kayo...kaya naman kahit malayo ako sa inyo hanggang ligtas kayo ng Nanay mo...kaya kong tiisin," sabi pa niya kaya naman mas lalo akong napahikbi ng mas lalo akong maliwanagan.

Hindi na ako nakapagsalita pa at umiyak na lang kaya naman kaagad kong naramdaman ang paghila sa akin ni Tatay para yakapin ako ng mahigpit.

"Hindi ako naging mabuting ama sayo, Alihilani. Pero hindi nawala ang respeto at pagmamahal mo sa akin, mas lalo kong minahal ang Nanay mo dahil napalaki ka niya ng maayos kahit iniwan ko kayo..." sabi niya kaya naman mas lalong humigpit ang yakap ko kay Tatay.

Mahigpit na mahigpit dahil ngayon, hindi na bawal. Ngayon niyayakap na din niya ako pabalik. Ito ang bagay na matagal ko ng gustong gawin, ang bumalik si Tatay at mayakap ko siya ng malaya.

"Hindi niyo po gusto na iwanan kami, Tay." laban ko. Mas alam ko na ngayon.

Humikbi siya bago ko naramdaman ang paghalik niya sa aking ulo. Nagtagal iyon bago naramdaman ang marahan niyang paghaplos sa aking likod.

"Mas mabuting wala na kayong alam sa nangyari. Mas magiging delikado lang iyon para sa inyo," sabi pa niya sa akin ng medyo kumalma na kaming pareho.

Gusto kong magtanong. Gusto kong malaman ang lahat pero sa ngayon, gusto kong bigyan ng pagkakataon si Tatay na itama ang lahat ng kasalanan niya. Ito ang isa sa mga paraan niya at nirerespeto ko iyon.

Tipid siyang ngumiti matapos niyang haplusin ang aking pisngi. "Dalaga ka na talaga," sambit niya habang pinagmamasdan ako.

Tipid lang din akong ngumiti bago bumagsak ang tingin ko sa aking mga daliri.

"Kayo ni Engr. Jimenez?" tanong niya sa akin kaya naman biglang uminit ang aking magkabilang pisngi.

Nahihiya ako minsan na magsabi kay Nanay tungkol kay Hob, pero mas nakakailang pa lang kung kay Tatay iyon manggagaling.

"Hindi pa po, Tay. Nanliligaw pa lang po siya..." sagot ko sa kanya kaya naman ngumiti siya.

"Sagutin mo na," pang-aasar niya sa akin. Kahit galing kami sa iyak ay pilit na pinapagaan ni Tatay ang sitwasyon.

When the Moon Heals (Sequel #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon