Kinuha niya ang cellphone upang tawagan na naman si Kenneth. Halos tatlong minuto na rin siyang nasa coffee shop upang hintayin ang nobyo. Hindi naman ito ganito noon at hindi rin ito pumapayag na maghintay siya ng labis.
Ito nga ang isa sa naging dahilan kung bakit siya nahulog kay Kenneth. Nagpapahalaga ito sa oras ng iba at higit pa roon ay pinahahalagahan din siya nito.
Hindi mabura-bura sa kaniyang isipan ang unang beses na inaya siya nito na makipag-date. Si Kenneth ang unang lalaki na inaya siya ng ganoon. Umabot na lang kasi siya sa kolehiyo na hindi man lang dumaan sa kaniyang isipan na pumasok sa tinatawag nilang pag-ibig.
May angkin din naman siyang kagandahan at hindi rin naman nahuhuli ang kaniyang talino. May ipinagmamalaki rin naman siyang talento pero parang wala man lang nagtangkang manligaw sa kaniya. Ganoon siguro kapag hindi man lang nagpapakita ng interest ang babae, wala rin magtatangkang manligaw.
Pero labis niyang ipinagtaka kung bakit lumapit sa kaniya si Kenneth. May dala pa itong isang tangkay ng pulang rosas noong nilapitan siya. Kaklase niya kasi si Kenneth sa education noon kaya kung iisipin ay may pinagsamahan na rin sila kahit papaano. Sa loob ng halos tatlong taon ay medyo marami-rami na rin ang pinagsamahan nila ng binata.
Wala siyang naisagot noon kay Kenneth nang magtanong ito kung papayag ba siyang manligaw ito sa kaniya. Hanggang titig lang ang kaniyang nagawa at hindi niya alam kung paano ibuka ang bibig upang lumabas doon ang kaniyang sagot. Pero hindi niya matandaan kung paano siya tumango, ang natatandaan lang niya ay ang pagyakap sa kaniya ni Kenneth na naging hudyat na kiligin ang mga kaklase niya.
Ganoon pala kapag niligawan.
Lumipas ang tatlong minuto pero hindi pa rin sinasagot ni Kenneth ang tawag niya. Kinakabahan siyang inilapag sa lamesa ang kaniyang cellphone at nagpasiya na lang na magligpit. Parang wala ng senyales na pupunta pa ang nobyo niya. Sayang, may maganda pa naman siyang balita.
Pero gano'n siguro talaga, hindi marunong makisama ang panahon. Kung kailan may gusto siyang sabihin sa nobyo, ngayon pa talaga hindi nagpakita.
Nagpasiya siyang umalis na lang ng coffee shop at bumalik sa boarding house kung saan siya kasalukuyang nakatira habang naghahanap ng maaaring mapasukan na trabaho habang naghihintay siya ng board exam. Mas mabuti na lang din iyon, pandagdag ng allowance niya. Nakahihiya na rin kung palagi na lang siyang hihingi ng pera sa Mama niya, gipit din naman 'yon.
Parang kailan lang din nang sagutin niya si Kenneth, akalain mo nga naman na ang bilis tumakbo ng panahon. Third year pa lang sila no'n pero ngayon, graduate na. Malapit na nga ang second anniversary nila.
Ang malungkot nga lang, gusto ni Kenneth na pumunta sa America. Pero, paano siya? Paano sila? Ayaw pa naman niya na maghiwalay sila ng matagal.
Huminga siya nang malalim at tumayo na. Sapat na siguro ang tatlumpong minuto na paghihintay niya.
Hawak niya ang cellphone na linisan ang lugar na iyon.
Ang pag-alis ni Kenneth ang gusto niya sanang pag-usapan nila. Papayag na lang siya na umalis ito total mas importante ang gagawin ng nobyo niya roon. Para din naman ito sa kinabukasan ng lalaki. Sino ba naman siya upang pigilan ito? Sino ba naman siya upang harangan ito sa mga plano nito sa buhay?
Nobya lang siya. Nobya lang siya ni Kenneth.
Biglang tumunog ang cellphone niya, senyales na may nagpadala sa kaniya ng mensahe sa messenger. Tumigil siya sa paghakbang at binuksan ang cellphone upang tingnan kung sino ang nag-message.
Baka si Kenneth na 'to, masigla niyang bulong sa sarili.
Pero biglang tumigil ang oras at natigilan din siya sa nakita. Hindi kayang bumukas ng bibig niya at hindi niya magawang pumikit upang hindi makita ang laman ng mensahe.
Bakit ganoon? Bakit ang sakit? Bakit magkasama sila? Bakit kailangan na nakaakbay pa?
Maraming tanong ang dumagsa sa utak niya na hindi niya kayang sagutin. Maraming masasakit na tanong ang nagtakbuhan sa isip niya na tanging si Kenneth lang ang makasasagot.
Biglang tumunog na naman ang cellphone niya at ang kapatid pa rin ni Kenneth ang nagpadala.
"Nasa airport na kami, Ate Ella. Kuya Kenneth told me na isekreto ang lahat ng ito but I can't. I can't betrayed you," pagbasa niya sa mensahe.
Agad niyang ipinasok sa bulsa ang cellphone at tinakbo niya ang daan. Hindi niya alam kung ano ang dapat na gawin sa mga panahon na iyon. Gusto niyang tumakbo. Gusto niyang sumigaw. Gusto niyang manampal.
Matatanggap naman niya ang lahat pero huwag namang ganito. Kaya niyang tanggapin kung nais man siyang saktan ng nobyo niya pero huwag namang ganito. Huwag namang best friend pa niya ang ipalit nito! Huwag naman gano'n!
Hindi niya alam kung ano ang sumunod na nangyari. Bigla na lang nagkaroon ng sunod-sunod na pagbusina ng mga sasakyan at nakahiga na siya sa mainit na kalsada.
BINABASA MO ANG
Deal with Mr. Rafael
RomanceIsang one night stand ang nakapagbago sa buhay ni Ella Jane Vertudazo at hindi niya alam kung bakit siya pumayag sa isang deal na inalok ni Rafael Sanrojo sa kaniya. Isang deal na nag-udyok sa kaniyang ligawan ang binata kahit alam naman niyang hind...