Napalabi si Ella Jane nang biglang nawala sa paningin niya ang prinsipi na kanina lang ay hawak ang kaniyang kamay. Dahan-dahan ding nawala sa paningin niya ang mga bulaklak na nagbigay ng maganda at mabangong amoy sa paligid. What's happening?Pero biglang bumalik ang prinsipi at muling hinawakan ang kaniyang kamay. Inilapit nito sa labi ang kaniyang kamay at hinalikan.
“Akala ko iiwan mo na ‘ko, Your Highness,” aniya at muling ngumiti.
“Hinding-hindi kita iiwan,” sagot ng prinsipi na nagbigay ng tila kiliti sa kaniyang tiyan.
Pero ang ngiti ng prinsipi ay biglang nagbago. Ang ngiting nagpakilig sa kaniya ay biglang naglaho at napalitan ng tumutulong dugo. Sobrang bilis ng pangyayari at ang nasundan na lang niya ay ang pagkagat nito sa kaniyang leeg na naging dahilan ng kaniyang pagsigaw.
“Hoy, Ella Jane! Bitawan mo nga ang kamay ko! Ano ka ba! Naging bampira ka na? Loka-loka ka talaga!”
Agad siyang napabangon nang marinig ang sigaw ng kaniyang Mama. Napadilat agad siya at palinga-linga.
Bumuga siya ng hangin. Panaginip lang pala.
“Bumangon ka na, nasa labas si Kapitan. Hinahanap ka,” ani ng Mama niya.
Muli siyang humiga sa kama. Prinsipi na sana 'yon eh, naging bampira pa.
“BAKIT po ako?” magalang na tanong ni Ella Jane sa kanilang Kapitan na kasalukuyang nililinis ang hinubad nitong salamin.
Nakapagtataka kung bakit ito biglang pumunta sa bahay nila. Akala pa naman niya ay may nagawa siyang mali o ‘di kaya ay may nagawa siyang kasalanan kaya dinalaw siya. Pero wala naman siyang maalalang ganoon.
Dalawang dekada at anim na taon na rin naman siyang naninirahan sa barangay nila pero wala naman siyang kinasangkutan na problema o gulo. Eh halos nga hindi siya dumadalo sa mga aktibidad nila sa barangay kapag hindi naman talaga kailangan ang presensiya niya.
Okay na siya kahit ganito lang. Okay na siya kahit hindi siya kilala ng mga ka-barangay niya. Ang importante, masaya siya.
Muli niyang hinarap si Kapitan. Kanina pa ito tapos na magpahayag sa dahilan kung bakit ito napadalaw sa kanilang maliit na tahanan. Naputol tuloy ang panaginip niya.
“Eh, bakit hindi?" balik-tanong sa kaniya ng Kapitan at isinuot ang salamin nito sa mata. Inayos pa nito ang buhok nito kasabay nang pag-upo nito nang maayos. “Education graduate ka naman sa pagkakaalam ko, bakit hindi mo gamitin iyon?”
Idiniin niya ang ibabang labi at pilit na hindi ibuka ang mga iyon baka kung ano pa ang masabi niya. Ayaw niyang maalala ang bagay na tungkol sa pag-aaral niya noong kolehiyo. Nagsisisi siya kung bakit iyon ang kinuha niya. Puwede naman kasi siyang kumuha ng ibang kurso, bakit education pa ang kinuha niya?
Napailing siya at mas lalong idiniin ang mga labi.
“Ha?” gulat na tanong ng kanilang Kapitan at muling hinubad ang suot na salamin. “Aba’y pasensiya na, Ella. Akala ko talaga education ang course mo–”
“Education naman po talaga, Kapitan.”
“Iyon naman pala, bakit hindi mo tanggapin ang inaalok ko sa’yo? Ikaw nga ang nilapitan ko kasi akala ko ay tatanggapin mo,” anito na siya namang pagpasok ng kaniyang Mama sa sala na may dalang palamig at inabutan si Kapitan. “Salamat, Mare.”
Mare? Magkumpare at kumare pala ang Mama niya at ang Kapitan ng barangay nila? Palitap-lipat ang tingin niya sa dalawa na nakangiti pa rin.
Mas lalo siyang napailing.
BINABASA MO ANG
Deal with Mr. Rafael
RomanceIsang one night stand ang nakapagbago sa buhay ni Ella Jane Vertudazo at hindi niya alam kung bakit siya pumayag sa isang deal na inalok ni Rafael Sanrojo sa kaniya. Isang deal na nag-udyok sa kaniyang ligawan ang binata kahit alam naman niyang hind...