Agad napabalikwas ng bangon si Ella nang yumakap sa kaniyang mukha ang malamig na tubig. Dumaloy iyon patungo sa kaniyang buhok at leeg. Napamura pa siya sa kaniyang isip at nagtanong kung sinong gumawa no’n. Ang ganda pa naman ng tulog niya bunga ng pagod.
Sobrang pagod ang humawak sa mga binti niya pababa sa kaniyang paa. Feeling detective kasi siya kahapon at sinundan pa talaga niya si Rafael. Ewan din ba kung anong pumasok sa utak niya at nagawa siyang sundan ito hanggang sa makauwi.
Akala niya kasi ay mag-iinom na naman ito. Concern lang siya sa mga bata na hindi na naman sisiputin ng magaling nilang guro, yes, iyon lang talaga ang dahilan niya.
Hindi ba talaga puwedeng concern lang siya?
Baka kasi kung may makaaalam ng ginawa niya ay iba na naman ang pagkaintindi. Wala siyang gusto sa lalaking ‘yon, wala na talaga.
Daig pa niya ang dancer na sumayaw buong maghapon, sobrang sakit ng binti niya. Hindi na kasi siya nakapagpalit ng flat na sandal. Nagmadali kasi siyang lumabas nang makita niyang nagligpit na ng gamit ang suspect niya.
Iniisip niya kasi no’n na susuntukin niya talaga si Rafael kapag uminom na naman ito. Baka nga kalbuhin niya pa. Pero pasalamat na lang din siya na hindi ito lumiko ng daan. Iyon nga lang, parang siya naman ang hindi makapasok sa trabaho, sobrang sakit ng katawan niya.
Hinayaan na lang niyang dumaloy sa mukha niya ang tubig. Wala naman din kasing ibang gagawa niyon sa kaniya dahil sila lang naman ng Mama niya ang nandito sa bahay.
“'Ma,” aniya at pinahiran ang mukha. Bunga ng lamig ay nagising ang natutulog niyang kaluluwa.
“Mabuti naman at gising ka na,” malamig na tugon ng kaniyang Mama at pagkatapos no’n ay padabog na isinara ang pinto ng kaniyang kuwarto.
Tinapik niya ang kaniyang noo. Iniwan siya agad ng kaniyang Mama na ganito kamiserable ang kaniyang hitsura. Binasa siya nito tapos iiwan lang naman pala.
“Hindi mo na ba ako mahal, 'Ma?” tanong niya na alam niyang hindi na masasagot ng kaniyang Mama. Muli siyang pumikit at humiga sa kama. “Hindi mo na ba ako mahal?”
NAGMAMADALI siyang pumasok sa classroom niya pero hindi napigilan ng kaniyang mata na sulyapan ang classroom ni Rafael. Bakit kasi magkatabi pa sila ng classroom? Naging makasalanan tuloy ang kaniyang mata.
Naka-de-kuwatro pa itong nakaupo habang hawak ang isang libro na parang fairytale yata ang tema. Hindi niya masiyadong kita kung ano ang nakaukit sa pabalat ng libro. Medyo tinatangay ng hangin ang basa nitong buhok at focus na focus ito sa binabasa.
Kahit may iilan ng estudyante sa loob ng classroom nito ay hindi niya alintana. Hindi niya alintana ang ingay sa loob ng apat na sulok na iyon, tila nga ay naging isa itong musika habang minamasdan niya si Rafael.
Baliw na yata siya.
Embes na sa sarili niyang classroom siya papasok ay pumasok siya sa classroom ni Rafael. Abot hanggang tainga ang kaniyang ngiti nang tahakin niya ang pinto ng classroom at kumatok pa siya roon. Pero hindi man lang siya nilingon ni Rafael.
“Good morning, Teacher Ell!” bati sa kaniya ng mga bata.
Ngumiti siya sa mga bata pero agad niyang sinulyapan ang gurong sinaniban ng kasungitan.
“Nag-greet na sa akin ang mga bata pero hindi man lang niya ako tiningnan,” bulong ng utak niya. “Bastos!”
Padabog siyang naglakad pabalik sa kaniyang classroom.
“DAHAN-DAHAN sa paglabas, kids!” pahabol niya sa mga bata na agad nagsitakbuhan nang sabihin niya na puwede na mag-recess.
Kahit kailan talaga ang recess ang pinakapaborito ng mga bata. Kahit siya naman noon, kapag tinatanong siya kung ano ang favorite subject niya ay hindi siya magdadalawang-isip na recess ang isagot.
BINABASA MO ANG
Deal with Mr. Rafael
RomanceIsang one night stand ang nakapagbago sa buhay ni Ella Jane Vertudazo at hindi niya alam kung bakit siya pumayag sa isang deal na inalok ni Rafael Sanrojo sa kaniya. Isang deal na nag-udyok sa kaniyang ligawan ang binata kahit alam naman niyang hind...