Chapter 29

170 15 0
                                    

1 year later

“Ito naman si Kapitan,” nakangiting wika ni Ella Jane habang hawak ang invitation card na inaabot niya sa Baranggay Captain nila. “Siyempre hindi ka po namin makakalimutan.”

Lumapit sa kaniya si Rafael at inakbayan siya. Nakangiti ito nang sulyapan niya at kinindatan pa ang Kapitan nila.

“Ano, Kap? Bilib ka na ba?” Nagpaguwapo pa ito sa harap ng Kapitan at sinuklay ang buhok na para bang may pinabibiliban.

Palihim niya itong kinurot sa tagiliran pero hindi man lang siya nito pinansin.

“Sabi sa’yo, Kap eh. Bakit ayaw mo kasing maniwala na kaya kong bingwitin ‘tong pinakamagandang guro sa baranggay natin.” Lumayo ito sa kaniya at pinaharap siya rito. “Kita mo na? Pakakasalan pa ‘ko.”

“Hay nako, Kap—” aangal pa sana siya pero parang walang narinig ang dalawa.

“At alam mo ba, Kap? In love na in love si Ella Jane sa’kin. Hindi ‘to pumapayag kapag hindi nakikita ang kaguwapohan ko.”

Napailing na lang siya at lumayo sa dalawang lalaki na parang mga ewan.

Mabilis na lumipas ang isang taon sa kanilang dalawa ni Rafael. Parang kailan lang noong sinusungitan pa siya nito dahil ayaw nitong nakikita siya sa Baranggay Hall. Parang kailan lang noong panay sulyap lang siya rito at nagkukuwento pa sa kaniya si Kuya Marlon tungkol sa nakaraan ni Rafael. Ang bilis talaga ng panahon.

Hindi pa nga niya nakalilimutan ang araw na sumakit ang katawan niya dahil sinundan niya si Rafael habang nakasuot sa mahabang heels niya. At ang mga araw na sinusundan niya ito sa bar na naging dahilan kung bakit nabuo ang deal nila.

Nagpakawala siya ng isang malalim na hininga. Kung siguro isusulat ang kuwento nila ni Rafael at gagawing movie, kawawa ang artista na gaganap bilang siya dahil panigurado na sasakit din ang katawan nito kalalakad.

“Ang lalim no’n ah.”

Mabilis siyang lumingon upang tingnan kung sino ang bigla na lang lumapit sa kaniya. Nakangiting Kuya Marlon ang kaniyang nakita.

“Nagdadalawang-isip ka na ba na magpakasal sa lalaking ‘yon?” tanong nito sa kaniya at ngumuso upang ituro ang nobyo niya. “Kapag nagpakasal na ba kayo, babalik pa kayo rito?”

Kumembot siya upang patumbahin ang lalaki gamit ang balakang niya. Naamoy niya na ayaw nitong umalis siya bilang guro. Napangiti siya pagkatapos niyang gawin iyon. Wala naman talaga siyang plano na umalis sa trabaho kahit na may negosyo na sila ng Mama niya.

Tinulungan sila ng Mommy ni Rafael na magtayo ng negosyo noong nakaraang taon. Masaya siya nitong tinanggap at wala siyang makitang ayaw siya nito para sa anak. Binigyan din nito ng puhunan ang Mama niya at ang Nanay ni Rafael na ginamit naman ng mga ina nila upang magtayo ng bakery sa kanilang lugar at sa tabi ng bakery ay may maliit na espasyo kung saan naglalaman ng maraming DVD’s na for rent. Pero nang tingnan niya kung anong mga DVD’s iyon ay napailing na lang siya, lahat ay Korean drama.

Hindi nga siya nagkamali na magkakasundo ang dalawa na addict sa mga Koreano.

Samantalang sila ni Rafael, napagkasunduan nilang magtayo ng computer shop na malapit din sa bakery ng mga magulang nila. Kumpleto iyon sa mga gamit at may air-con pa kaya dinadagsa ng mga bata. Hindi lang mga bata ang pumupunta sa computer shop nila kun’di pati ang mga estudyante na kailangan ng madaliang encoding.

“Natatakot ka ba, Kuya?” tukso niya sa lalaki. “Don’t worry, hindi mawawalan ng magandang dilag ang Baranggay Hall na ‘to.” Kinawayan niya ang Kapitan nila at sumigaw, “Diba, Kap? Maganda ako?”

Natawa na lang siya nang itinaas ng Kapitan nila ang kamay nito at nag-thumbs up.

“'Kita mo na?” tukso na naman niya kay Kuya Marlon. “Sabi sa’yo eh, maganda ako.”

Napailing na lang ang lalaki at naglakad palayo sa kaniya.

“ELLA, dapat Ninong ako ha?”

Panay tango si Ella kapag may Konsehal na lumalapit sa kaniya at sinasabing dapat Ninong o Ninang sila. Sino ba naman siya upang tanggihan ang napakagandang offer na ‘yon?

Ang isa sa pinakatamang desisyon na nagawa niya sa buong buhay niya ay ang pagpayag niya sa offer ng Baranggay Captain nila. Marami siyang nakilalang mga mababait na tao na handang tumulong sa kaniya at ibalik ang ngiti sa labi niya. At ang pinakainportante ay nakilala niya si Rafael. Ang Rafael na hindi niya inakalang bubuo sa buhay niya.

“Ay hindi ka puwede, Konsehal,” tanggi naman ni Rafael na nasa tabi niya at kumakain ng turon. “May utang ka pa kaya sa’king isandaan. Ang sabi mo babayaran mo ‘yon kapag nakasweldo ka na. Ilang suweldo na ba ang dumaan? 'Di mo pa rin binabayaran.”

Yumakap ang tawanan sa loob ng opisina. Siniko niya si Rafael pero hindi pa rin ito nagpatinag. Patuloy pa rin ito sa pagnguya samantalang siya ay nasapo na lang niya ang kaniyang noo.

“Ah, gano’n?” Hinarap ng lalaking Konsehal si Rafael na sinabihan nitong may utang kuno rito. “Eh kung kuwentahin ko kaya ang turon na kinain mo ngayon at noong nakaraan? Isali na rin natin ang turon na kinain mo rin noong isang linggo. Magkano na kaya ‘yon, ‘no? Baka nga kapag binilang natin ‘yon, ikaw pa ang may utang—”

“Konsehal? Sino ba ang nagsabing may utang ka sa’kin?” bawi ni Rafael na naging dahilan ng pagtawa na naman nila.

Loko-loko talaga, aniya at napailing na naman siya.

“Mabilis ka naman pala kausap eh,” anito at tumayo. “Oh, paano? Aalis muna ako, Kap. May ititinda pa ako na turon, ihahatid ko sa bahay niyo.”

Nagtawanan na naman ang mga Konsehal at may nagsabi pa na maghatid din ito sa kani-kanilang bahay.

“I-sure mo, Ella, na isali ang pangalan ko sa list ng Ninong at Ninang ha? Baka magbago na naman ang isip ng mapapangasawa mo, kakasuhan ko talaga ‘yan.”

Tumango na lang siya sa Konsehal at lumabas na ito ng opisina.

“Sino pang magpapalista? Basta i-sure niyo rin ang regalo ha?” aniya at sinamahan ng pagtawa.

Noon, ganito rin sila pero hindi niya katabi si Rafael. Ganito rin sila dati pero hindi kasal ang pinag-uusapan kun’di ang mga bagay na ikauunlad ng mga tao sa baranggay nila. Hindi niya inaasahan na may bagong kabanata pa ng kaniyang buhay at makakasama niya ang lalaking hawak ang kamay niya ngayon.

Ang daming nagbago sa buhay niya mula nang makilala niya si Rafael. Ang dami niyang natutunan, ang dami niyang nakuhang magandang asal. Natuto siyang magpatawad at i-control ang galit niya. At higit sa lahat, nakaya niyang maging masaya kahit na masasabi na niyang hindi na niya kaya.

Pinisil niya ang kamay ng kaniyang nobyo. Hindi niya rin inakala noon na mahahawakan niya ng ganito ang kamay ni Rafael. Parang kailan lang talaga noong halos lumabas na ang ugat ni Rafael sa leeg dahil hindi siya nito kilala. 'Tapos ngayon, hawak kamay na niya.

Hinarap niya ang nobyo at bumulong sa tainga nito.

“Mahal na mahal kita,” aniya kahit sobrang ingay ng mga kasama niya sa opisina.

“Mahal na mahal na mahal na mahal din kita.”

Hindi niya napigilan na ilabas ang ngiti sa labi at halikan ang pisngi ni Rafael.

“Isang lechon akin,” ani ng isang Konsehal na nagpatigil sa paglalambing niya sa nobyo at isinulat ang sinabi nito sa dala niyang notebook.

“Oh? Sino pa?” tanong na naman niya na para bang naglilista lang kung sino pa ang uutang sa dala niyang tinda.

“Isang lechon akin,” sabay-sabay na saad ng mga Konsehal sa loob ng opisina.

Deal with Mr. RafaelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon