Nagsalubong ang kilay niya nang makitang pangiti-ngiti si Rafael na pumasok ng Baranggay Hall. Nasa ikalawang palapag sila ng mga oras na iyon at as always, late na naman si Rafael. Sa lahat ng meeting ng mga staff sa baranggay nila na nakadalo sila ay palagi naman talagang late ang binata. Walang bago roon.
Ang tamis pa ng ngiti nito na hindi kailanman dumaan sa isip niya na kayang ngumiti ni Rafael ng ganoon. Maliban sa pagsimangot at wala ng kayang gawin ang binata.
Mayroon pa pala, ang sungitan siya.
“Good morning,” anito at kumatok pa sa pinto sa nakabukas naman. “Sorry at late na naman ako.”
Nagtawanan ang mga staff at tumayo si Kuya Marlon.
“Palagi kang late, Rafael. Pati mga bata mo ay nasanay na,” tukoy ni Kuya Marlon sa mga estudyante ni Rafael.
“Nah, nasanay ang mga bata ni Rafael na si Ella Jane ang nag-aalaga,” singit naman ng isang Kagawad nila na pinabaunan pa ng tawa.
“Ano ba kayo, nakalimutan niyo na bang mag-asawa ang dalawang ‘yan?”
Hindi na niya alam kung sinong nagsalita no’n. Kinuha niya ang earphone niya at isinaksak iyon sa tainga niya. Saka na niya ito tatanggalin kapag nagsimula na ang meeting.
Palagi na lang talagang ganito kapag nagkakasama ang mga staffs nila sa baranggay. Sila palagi ni Rafael ang napagti-trip-an ng mga ito. Wala naman siyang ginawa kun’di ang magpakabait pero parang trip lang talaga ng mga itong gawin silang topic.
Ang importante lang naman sa kaniya ay may matatanggap siyang sahod every month kahit pa araw-araw siyang pag-trip-an. Kaya naman niyang lagyan ng earphone ang tainga niya kapag nagsimula na ang mga itong magloko.
Nang pumasok na si Kapitan ay saka lang niya hinubad ang earphone.
“Mabuti naman at magkatabi ang dalawang guro natin ngayon,” ani ng Kapitan nila na naging dahilan ng panibagong tukso.
Leche!
NAPUTOL ang pagtuturo niya sa mga bata nang may kumatok sa pinto. Sabay-sabay na nagsitinginan ang mga estudyante niya sa pinto at sabay-sabay din na bumalik ang tingin sa kaniya.
Hindi siya gumalaw ni nagsalita man lang. Nag-isang linya ang kaniyang mga kilay na tiningnan ang lalaking naglakas-loob na putulin ang kaniyang pagtuturo. Walang iba kun'di si Rafael Sanrojo.
Matamis pa itong ngumiti sa kaniya at sinuklay ang buhok gamit ang mga daliri. Para tuloy itong nag-a-advertise ng shampoo na anti-dandruff. Napailing na lang siya.
“Class—”
“Ma’am Ella, recess na po ng mga bata,” pagputol ni Rafael sa kaniya.
Idiniin niya ang mga labi at naningkit ang kaniyang mga mata. Ano ba talagang kailangan ng lalaking ‘to at pati pagtuturo niya ay dinamay pa? Pinilit niyang pinakalma ang sarili sa pamamagitan ng paghinga nang malalim. Pero nakailang pagbuntonghininga na siya pero mas lalo lang uminit ang ulo niya.
“Alam ko,” aniya at hinarap si Rafael. “Anong pakialam mo?”
Ngumiti lang ito at pumasok sa loob ng classroom. “May dala kasi akong pagkain.” Ngumiti na naman ito at kumindat pa. “Gusto mo?”
“Hin—”
“Kasi ako gusto kita.”
Napalunok siya ng laway nang wala sa oras at tinitigan ang binata. Anong pinagsasabi nito? Gusto siya ni Rafael?
Biglang umugong ang tuksuhan. Marami pa lang nakikinig sa usapan nila maliban sa mga batang wala namang naiintindihan kung ano ang nangyayari. Nilingon niya ang puwesto kung saan nagmula ang ingay na bigla namang tumahimik nang dumapo ang tingin niya. Mga yaya at ina pala iyon ng mga bata.
BINABASA MO ANG
Deal with Mr. Rafael
RomantizmIsang one night stand ang nakapagbago sa buhay ni Ella Jane Vertudazo at hindi niya alam kung bakit siya pumayag sa isang deal na inalok ni Rafael Sanrojo sa kaniya. Isang deal na nag-udyok sa kaniyang ligawan ang binata kahit alam naman niyang hind...