NAPAHINTO sa paglakad si Ella Jane nang makita niya ang lalaking naging dahilan ng puyat niya noong nakaraan, walang iba kun’di si Rafael. Nakatingin ito sa kaniyang mata habang ang isang kamay ay nasa baba at naka-de-kuwatro pa ito. Halos ‘di ito kumukurap katulad niya na para bang may hinihintay.
Nag-iwas siya ng tingin at pumasok na sa kaniyang classroom. Hindi na lang siya nagpahalata na nagulat siya nang makita niya ito sa kaniyang classroom na daig pa ang presidente ng Pilipinas kung makaupo. Mabuti na lang dahil iilan lang ang nasa loob ng classroom niya, kaya lang niyang bilangin gamit ang kaniyang mga daliri sa dalawang kamay at panay laro pa ang mga bata.
Sinulyapan niya muna ang suot na relo at tinahak ang kaniyang mesa. Wala siyang panahon na makipag-away at makipaglaro sa lalaking naging dahilan na naman kung bakit hindi siya nakabawi ng tulog kagabi. Naglakbay sa kaniyang isipan at diwa kung ano marahil ang rason na naman nito sa hindi nito pagpasok.
Great, kung maka-de-kuwarto ang gago parang hindi pumasok kahapon.
Gusto niya sanang iikot ang mga mata pero baka bigla na naman siya nitong pagalitan dahil daig pa niya si Kapitan. Pero ano bang pakialam niya? Nadamay nga siya sa kaartehan nito kahapon.
Hindi niya ito binigyan ng tingin, diretso lang siyang naglakad patungo sa kaniyang puwesto. Inilipag niya ang mga dala at itinali ang medyo basa pa niyang buhok. Hindi siya kumibo ni nag-good morning man lang sa kasama niyang guro. Hindi nga niya lubusang maintindihan kung bakit tinatawag pa niya itong kasama na halos isampal na nga nito sa kaniya na ayaw nitong makasama siya.
Pero sabagay, ayaw din naman niya.
Kusang dumapo ang tingin niya kay Rafael na hiniling niyang hindi na lang sana niya ginawa. Kumindat pa talaga ito sa kaniya na sinamahan pa ng ngiti. Ilang beses niyang pinagalitan ang utak niya, sinabi ba naman nito na ang cute ng ngiti ni Rafael.
Magkaaway yata ang utak at ang sarili niya.
“Good morning, Ell,” bati nito sa kaniya.
Really? Good morning?
“Anong maganda sa umaga?” inis niyang tanong sa lalaki. “Hindi maganda ang umaga ko dahil absent ka kahapon!”
Mas lalo niyang pinagalitan ang bibig. Hindi niya yata kakampi ang sariling bibig dahil parang pinahalata ng bibig niya na affected siya sa hindi nito pagpasok. Sa totoo lang, wala siyang pakialam kung hindi man ito pumasok ng isang buwan. Ang kinaiinisan lang niya ay nagluto pa talaga siya ng cookies, nag-effort pa siya para lang sa lalaki tapos hindi man lang ito pumasok!
Tumawa lang si Rafael na biglang naging dahilan kung bakit lahat yata ng dugo niya sa katawan ay umakyat sa ulo niya. Buwesit talaga ang binatang ‘to!
“Alam mo, Sir Rafael, hanap ka po ni Teacher Ell.”
Kung kanina ay umakyat lang ang dugo niya, ngayon ay nilayasan na talaga siya ng dugo niya sa sinabi ng isa niyang estudyante. Ang galing, parang pinagkakaisahan na talaga siya ng lahat.
“Sabi pa ni Teacher Ell, "Look oh, I'm sad na" tapos with teary eye pa po,” maarte na dagdag ng bata.
Kinagat na lang niya ang dila upang mapigilan ang sarili na ilabas ang hinanakit niya sa bata. Wala naman siyang matandaan kahapon na may sinabi siyang gano’n. Parang napaghahalataan tuloy na future writer itong estudyante niya, magaling gumawa ng kuwento.
“Really?” manghang tanong naman ni Rafael sa bata at tumayo pa ito upang lapitan ang batang kausap.
Padabog niyang inilapag ang cellphone pero parang walang narinig ang dalawa at patuloy lang sa pag-usap.
BINABASA MO ANG
Deal with Mr. Rafael
RomansaIsang one night stand ang nakapagbago sa buhay ni Ella Jane Vertudazo at hindi niya alam kung bakit siya pumayag sa isang deal na inalok ni Rafael Sanrojo sa kaniya. Isang deal na nag-udyok sa kaniyang ligawan ang binata kahit alam naman niyang hind...