Chapter 17

119 18 0
                                    

Hawak ang cellphone ay tulalang nakatingin sa maitim na langit si Ella Jane habang tinatangay ng hangin ang kaniyang buhok. Tinatanong niya ang sarili kung kaya ba niyang tawagan ang loko-lokong lalaki na naging dahilan kung bakit siya nagpa-load. Talagang nag-effort pa siya para matawagan lang ang lalaking ‘yon. Hindi na nga niya lubusang natatandaan kung kailan ang huling punta niya sa tindahan na tanging load lang ang dahilan. Wala naman din kasi siyang pagagamitan ng load.

Ngayon lang niya naisip na masiyado na pa lang makaluma ang ibinigay na tip sa kaniya ng pinsan. Hindi kaya masiyadong halata na wala talaga siyang alam kung paano manligaw? Pero sabagay, wala namang mawawala sa kaniya kung susubukan niya.

Nasapo niya ang noo. Totoo naman talagang wala siyang alam, bakit natatakot siyang malaman iyon ni Rafael?

“Jesus, mababaliw na ‘ko!”

Nang makauwi siya kanina ay agad siyang humingi ng number ni Rafael sa mismong kapitan nila. Kinapalan niya talaga nang tudo ang mukha niya nang oras na iyon. Wala naman siyang naisip na puwedeng mahingan ng number ng lalaki maliban sa mabait nilang kapitan. Pero bago pa siya nito binigyan ay nakatanggap muna siya nang nakalolokong tingin na para bang may nagawa siyang masama.

Nilunok na niya ang hiya at pride niya kanina. Hindi iyon ang panahon upang isipin pa ang pride niya na matagal nang tinapakan ni Rafael. Mas importante sa kaniya ngayon na manalo sa larong sinimulan nila nito. Kung alam lang niya na magiging ganito rin pala ang resulta, sana nakapaghanda man lang siya. Sana inunahan na niya ito.

Muli niyang sinulyapan ang cellphone na hindi niya mabitawan. Nagdadalawang-isip pa siya kung tatawagan niya ba ang lalaki o hindi. Tinatanong pa niya ang sarili kung may natitira pa ba siyang pride o wala na talaga. Sana man lang sagutin siya ng sarili niya, oo o hindi lang naman ang sagot pero parang ang hirap sagutin ng kaniyang tanong.

Pero laro lang naman ‘to, wala namang mawawala kung kunwari ay liligawan niya si Rafael.

Tama, ang importante hindi ako mahuhulog sa kaniya, pag-cheer up niya sa sarili at pinindot na ang call button sa kaniyang cellphone.

Wala na talagang atrasan ‘to.

Bawat ring ng cellphone ay dumadagdag sa kaba na nararamdaman niya. Pero pilit niyang ibinubulong sa sarili na hindi naman siya dapat kabahan. Laro lang naman ang lahat, puwede na hindi siya magseryoso.

“Hello?”

Tila may nagbuhos sa kaniya ng malamig na tubig. Tila animo’y tumigil sa paghampas ang hangin sa kaniyang balat at nawala ang lamig na atmospera na kanina lang ay yumayakap sa kaniya. Wala sa sariling muli siyang tumingin sa kawalan at tulad pa rin kanina ay wala ni isang bituin ang nagpakita.

Isa lang ang sumipot na tanong sa kaniyang isipan. Mali ba ang numero na ibinigay sa kaniya ng kapitan o baka pinaglalaruan din siya nito? Bakit ibang boses ang narinig niya sa kabilang linya? Nawalan tuloy ng silbi ang kaba na naramdaman niya kanina nang tawagan niya ang numero.

“Hello?”

Huminga siya nang malalim at pilit na pinakalma ang sarili. Baka siya ang may mali, baka may numero na namali ang kaniyang pagpindot. Ilang beses na rin niyang naranasan iyon.

“Good evening po,” aniya at pinilit ang sarili na maging kalmado. Hinanda na rin niya ang tainga na baka biglang sumigaw ang kausap dahil namali siya ng tawag. Iyon naman palagi ang nangyayari sa kaniya noon.

“Magandang gabi rin, hija. Maaari bang malaman kung anong pangalan mo?”

Kinagat niya ang ibabang labi. Bakit parang pamilyar ang boses ng kausap niya? Sa tingin niya ay parang narinig na niya ang boses na ‘to.

Mukhang mabait naman at wala siyang nararamdaman na takot.

“Si Ell—”

“Cellphone kasi ito ng anak ko.”

Naputol ang sasabihin niya nang biglang nagsalita ang nasa kabilang linya. Hindi pa pala ito tapos nang sumagot siya.

“Naiwan niya sa mesa. Ano bang kailangan mo sa anak ko, hija? Sasabihin ko kapag umuwi na siya,” patuloy nito.

Hindi kaya Mama ito ni Rafael? Baka hindi mali ang number.

“Si Nilda pala itong kausap mo. Kilala mo ba ang anak ko?” Bigla itong tumawa. “Sabagay, tumawag ka nga eh. Ano nga ulit ang pangalan mo?”

Nilda?

“Manang Nilda?” banggit niya sa pangalan nito.

Kaya pala pamilyar ang boses nito dahil ito pala ang nakausap niya noon sa Baranggay Hall. Iyong ginang na palaging itinataas ang bangko ni Rafael. Ngayon ay alam na niya kung bakit, anak pala nito ang lalaki.

Pautal-utal ang pagsasalita ng ginang na sinamahan pa ng hindi magandang signal. Ang tanging narinig lang niya ay ang pagtanong muli nito sa kaniyang pangalan.

“Ako po ito, si Ella Jane. Iyong kasama ni Rafael sa trabaho.”

Tudo ngiti pa siya kahit hindi naman siya nakikita ng kausap. Tumayo na siya at bumalik sa loob ng bahay. Nasayang din ang effort niya sa paglabas dahil wala naman ni isang bituin. Iyon pa naman ang tanging dahilan kung bakit siya lumabas.

“Ella?” patanong nitong banggit sa kaniyang pangalan.

Nasa may pintuan na siya nang tumango siya bilang sagot sa ginang.

“Yes po, Manang. Si Ella po ito.”

“Ay oo!” Tumawa ito ng pilit.

Kahit hindi niya nakikita ang mukha ng kausap ay nakikita niya sa kaniyang balintataw kung paano nito ginawa ang pagtawa. Sabagay, alam naman niyang hindi nito inaasahan ang tawag niya.

“Ano pa lang kailangan mo at napatawag ka?” tanong nito sa kaniya ilang segundo ang lumipas nang nasa kuwarto na siya. “Bakit kaya hindi naka-save ang number mo sa cellphone ng anak ko?”

Bago siya sumagot ay kinuha muna niya ang unan at inilagay iyon sa hita. Gusto niyang sabihin sa Mama ni Rafael na hindi na ito dapat magtaka kung bakit hindi naka-save ang number niya sa cellphone ng anak pero pinigilan niya ang sarili. Wala naman itong alam kung ano ang pinagdadaanan nila ng lalaki. Ni wala nga itong kaalam-alam na nakatulog siya sa bahay nito.

Mahilig pala sa sekreto ang lalaking iyon.

“Ella?”

Natauhan siya sa muli nitong pagtawag sa kaniyang pangalan. Ngayon lang niya naisip kung bakit nga siya napatawag. Wala namang ibang rason maliban sa gusto niyang manligaw kay Rafael pero ayaw naman niyang iyon ang isagot sa ginang.

“Ano po.” Muli niyang kinagat ang ibabang labi. Wala siyang maisip na ibang rason. “May gusto lang po sana akong itanong kay Rafael.” Hilaw siyang ngumiti kasabay nang pagpapasalamat na sa cellphone lang niya kausap ang ginang.

“Ay gano’n ba? Sayang ngayon pa lang talaga umalis si Rafael at naiwan pa talaga itong cellphone niya. Hayaan mo, sasabihin kong tumawag ka.”

“Hala!” gulat niyang banggit.

“Bakit?”

“Ay sige po, Manang Nilda. Pakisabi na lang po kay Rafael na tumawag ako.”

Ibaba na niya sana ang tawag pagkatapos niyang magpaalam sa ginang pero bigla niyang naalala ang tagpo na umiiyak at galit na galit si Rafael. Gusto niyang itanong sa ginang kung bakit.

“Manang?” muli niyang tawag dito.

Pero may pumipigil naman sa kaniya na itanong iyon. Pakiramdam niya wala naman siya sa tamang posisyon na magtanong tungkol sa buhay ng lalaki.

“Ano ‘yon?”

“Puwede po bang magtanong?” aniya at huminga nang malalim.

Wala naman sigurong magsama kung magtatanong siya. Depende pa rin naman iyon sa ginang kung sasagutin nito ang tanong niya o hindi.

“Ano ba iyon, hija?”

“'Nay? Nakita niyo po ba ang cellphone ko?”

Bigla niyang pinatay ang tawag nang marinig ang boses ni Rafael sa kabilang linya.

Next time na lang ako magtatanong.

Deal with Mr. RafaelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon