Chapter 9

127 18 0
                                    

Mabilis lumipas ang isang linggo na halos hindi man lang niya namalayan. Nang bumangon siya sa araw na iyon ay napabulong siya. Iyon na ba talaga ang weekend? Seryoso na ba? Bakit parang ang bilis? Wala na ba talagang extension? Parang isang oras lang daw eh. Hindi man lang niya nasulit.

Nagmamadali lang siyang naglakad papunta sa Baranggay Hall. Laking pasasalamat talaga niya na walking distance lang mula sa bahay nila ang Baranggay Hall. Hindi na niya kailangan pang ipagsiksikan ang sarili tuwing sasakay siya ng tricycle. Sawang-sawa na siyang ipagsiksikan ang sarili niya na daig pa niya ang isang isda na pinasok sa sardinas.

Nagbuga siya ng hangin at hinubad ang high heel niya. Ngayon pa talaga nagloko ang pinakamamahal niyang high heel, nakipag-away pa naman talaga siya sa tindera dahil ayaw magpatawad. Trenta pesos lang naman ang gusto niyang ibawas pero sobrang sakit pala sa bangs iyon ng tindera. Akala mo naman ikayayaman niya talaga.

“Seryoso ka na, girl? Sira ka na talaga?” bulong niya sa high heel pero agad siyang natigilan nang marinig niya ang pagtugtog ng Lupang Hinirang. “Kairita! Late na ‘ko!”

Hinubad na lang niya ang isang pares ng high heel niya at tinakbo ang daan patungo sa Baranggay Hall.

“HA? Absent na naman siya?”

Nasapo niya ang noo nang sunod-sunod na pumasok ang mga estudyante ni Rafael. Naiirita siya na nalulungkot din dahil naalala na naman niya ang nangyari noong nakaraan.

“Oo eh, may sakit daw sabi ng Mama niya.”

Sinulyapan niya ang Kapitan na nasa harap ng mesa niya at hinila ang isang upuan upang makaupo. Kung sabihin niya kaya sa Kapitan nila ang nangyari? Baka makatulong din ito sa problema ni Rafael.

Napailing siya. Hindi dapat siya manghimasok, family problem ang hinaharap ng binata. Baka kaya na nitong sulusiyonan iyon na hindi sila manghihimasok.

“Nakausap niyo na po, Kap? Mukhang hindi maganda ang aura no’n mula pa noong may activity tayo sa City Hall,” aniya.

“Oo, pinuntahan ko siya. May hindi pagkakaintindihan lang daw.” Tumayo na ang Kapitan nila at tinapik siya sa balikat. “Huwag kang mag-aalala, kaya na ‘yon ng crush mo.”

Naiwan siyang nakatulala. Crush? Hindi niya crush si Rafael!

Masiyado ba siyang showy kaya napagkakamalan siyang may gusto kay Rafael? Hindi ba puwedeng curious lang siya? Bakit may pagtingin agad? Curious naman siya sa lahat ng bagay eh, kaya nga nadidisgrasya siya minsan. Pero hindi naman ibig sabihin no’n na may gusto na agad siya sa isang tao.

Kasi kung totoo man, ang dami niya pa lang crush kung gano’n.

Nakapangalumbaba siya at hinarap ang black board na walang sulat. Puno na naman ng mga bata ang classroom niya. Kung subukan niya rin kayang mag-absent, palaging si Rafael na lang ang may excuse. Tao rin kaya siya, kailangan niya ring magpahinga. Pero kung umakto si Rafael ay parang ito lang ang tao.

Naisip din kaya nito kung kumusta siya tuwing hindi ito pumapasok? Naisip din kaya nito kung kaya niya bang magturo ng isangdaan na estudyante? Naisip din kaya nito—

Tinampal niya ang pisngi. Hindi naisip iyon ni Rafael. Kasi kung totoong naisip nito iyon ay hindi ito papayag na hindi pumasok sa trabaho. Wala talagang konsensiya eh.

“Talaga? Are you for real? May gana ka pa talagang ipakilala ako bilang pamangkin mo? Ang galing mo talagang magsinungaling, ang galing mong gumawa ng kuwento.”

Bumuntonghininga siya. Baka may problema lang talaga si Rafael kaya hindi nito nakayang pumasok. Tila isang clip ng movie na pumapailanlang sa kaniyang utak ang eksena na sinusuntok ni Rafael ang puno.

Deal with Mr. RafaelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon