Nagsusuklay na siya sa harap ng salamin nang pumasok ang kaniyang Mama dala ang kape na hiningi niya. Maaliwalas ang mukha nito na siyang hinahanap-hanap niya tuwing umaga. Ngumiti ito pagkatapos malapag ang kape sa mesa.
Maaga siyang gumising, mas nauna pa nga siya sa alarm clock niya. Siya pa ang gumising sa alarm clock niya na nakalimutan niya pa lang bilhan ng bagong battery. Pero nang maalala niyang regalo pala iyon ni Kenneth ay dinala niya iyon at nilagay sa basurahan.
Tapos na siyang mag-decide. Itatapon na niya lahat ng mga bagay na may kinalaman kay Kenneth. Hindi man madali pero sa bawat pagtapon niya ay nabubunutan siya ng tinik. Nakaramdam siya ng ginhawa at maganda na ang kaniyang bawat paghinga.
Daig pa niya ang isang manonood na nabunutan ng tinik pagkatapos mapanood ang buong teleserye. Pero at least, alam na ang buong nangyari.
“Mukhang ang ganda ng gising natin ah?” Lumapit sa kaniya ang Mama niya at bumulong, “Anong mayro’n? Tapos na ba ang menstruation mo?” Humalakhak ito at agad na lumayo sa kaniya. Parang alam na nitong may gagawin siya.
Ang Mama niya talaga. Sumabay na rin siya sa halakhak nito at binigyan ng matalim na tingin.
Sabagay, ganito naman talaga ang pakiramdam niya kapag tapos na ang menstruation niya. Ewan din ba at daig pa niya ang iniwan ulit kapag may dalaw siya. Parang pasan niya ang buong mundo at ibinigay sa kaniya lahat ang mga problema ng tao. Mas gugustuhin pa niyang mag-solve ng Math problem, huwag lang siyang dalawin ng menstruation.
“Marinig ka ng mga kapitbahay natin, baka sabihin pa na bugnutin ako tuwing may regla.” Pero patuloy pa rin sa pagtawa ang Mama niya at iniwan siya sa kusina. “Mama!”
Napailing na lang siya at hinigop ang kape niya. Sasabihin pa naman niya sana na first day niya ngayon sa trabaho pero iba ang takbo ng utak ng Mama niya.
Ano kayang mangyayari mamaya? Sana mabait ang mga bata, bulong niya at muling humigop ng kape.
“Mama,” tawag niya sa kaniyang Mama na patuloy pa rin sa pagtawa. “Kulang po yata ng asukal itong kape eh. May galit po ba kayo sa’kin?”
Pero sana, mabait din ang lalaking ‘yon. Ayokong may kasamang daig pa ang mood ko kapag may dalaw, tukoy niya sa lalaking makakasama niya sa trabaho.
***
“Good morning, children!”
Agad na nagsitayuan ang mga bata at ang iba ay nagpalakpakan pa sabay sabing, “Nandito si Kapitan!”
Iba talaga ang impluwensiya kapag ikaw ang leader. Daig pa ang isang artista kapag dumaan ang isang pinuno. Pero hindi niya rin lubos maisip kung paano nagagawa ng isang leader ang ngingiti kahit alam naman nilang ang kaharap nilang tao ay hindi sa kanila ibinigay ang boto.
Siguro kapag ikaw ang nanalo, hindi mo na iisipin kung bumoto ba ito sa iyo o hindi. Total, ikaw na ang panalo eh. Bakit kailangan pa na isipin mo iyon? Kasi kahit bumoto man sa iyo o hindi, serbisyo mong paglingkuran ang mga nasasakupan mo.
Napailing siya nang lihim. Ayaw niyang isipin ang politiko ng ganito kaaga. Wala rin naman siyang balak na tumakbong Kapitan kaya mas mabuti na tumahimik na lang. Wala siyang plano na tahakin ang magulong mundo ng politika.
Muli na namang may sumigaw na nandito raw kamo ang Kapitan. Ang cute lang, ganito rin sila noon kapag pumapasok ang guro nila. Minsan nga ay pantakot pa ng class president nila ang teacher nilang palaging magkasalubong ang mga kilay. Kapag narinig ang isang sigaw na ‘Nandito si Ma’am’ ay bumabalik sa dating anyo ang classroom nila na dinaanan ng malakas na bagyo.
Nakaka-miss din naman talaga mag-aral.
“Good morning, Captain!” sabay-sabay na pagbati ng mga bata. Hindi mabayaran kahit ilang libo ang matamis na ngiti ng mga batang kaharap niya. Hindi niya kayang i-imagine na ganito ka-cute ang tuturuan niya.
BINABASA MO ANG
Deal with Mr. Rafael
RomanceIsang one night stand ang nakapagbago sa buhay ni Ella Jane Vertudazo at hindi niya alam kung bakit siya pumayag sa isang deal na inalok ni Rafael Sanrojo sa kaniya. Isang deal na nag-udyok sa kaniyang ligawan ang binata kahit alam naman niyang hind...