SABADO. Ilalapag na sana ni Ella Jane ang hawak na cellphone nang bigla na namang tumunog iyon. Kanina pa tumaas ang dugo niya dahil sa buwesit na caller niya na para bang wala talagang magawa sa buhay. Pang-apat na sigurong tawag iyon ng kung sinumang herodes ang gustong sirain ang weekend niya.
“Last ka na talaga, kapag hindi ka pa nagsalita, block ang kahahantungan mo.” Napakamot pa siya sa ulo niya at muling kinuha ang cellphone.
Tuwing sinasagot niya kasi ang tawag ay wala siyang naririnig na nagsasalita sa kabilang linya. Ewan kung trip lang ba talaga nitong sirain ang araw niya o bored lang ito sa buhay. Iyon nga ang kinaiinisan niya, marami namang tao riyan na bored din, bakit siya pa talaga ang trip nitong guluhin?
Hinanda na niya ang sasabihin niya pero bigla siyang natigilan nang makitang ibang numero ang nakapaskil sa kaniyang cellphone. Nanay iyon ni Rafael. Biglang bumalik sa kaniyang alaala ang huling tagpo na nakasama niya ang binata.
Ilang araw na ba ang lumipas? Dalawa? Tatlo? Pero pakiramdam niya ay parang kahapon lang nangyari iyon.
Matapos ang fiesta ay hindi na niya muling nakasama pa ang lalaki. Hindi na kasi ito pumasok noong Friday sa hindi niya rin malamang dahilan. Hindi rin ito nagpaalam sa kaniya.
Napailing siya, bakit naman magpapaalam sa kaniya si Rafael? Ano ba siya para sa binata? Hindi nga rin siya sigurado kung may puwang ba siya para dito o laro lang talaga ang lahat.
Hindi niya alam kung sasagutin ba niya ang tawag ng Nanay nito o hahayaan na lang ang cellphone niya na tumunog. Pero hindi naman kasali si Manang Nilda sa nangyayari sa kanila ni Rafael.
Nang pipindutin na niya sana ang cellphone ay saka naman namatay ang tawag. Ang galing talaga ng timing.
Gaya rin sa nangyayari sa kanila ni Rafael. Kung kailan parang nahuhulog na siya ay nagiging malabo na rin ang binata. Hindi naman siguro tamang pagkatapos ng tagpong iyon ay hindi na magpapakita si Rafael sa kaniya. Sabagay, hindi naman siya dapat magtaka dahil mahilig naman talagang um-absent ang Rafael na iyon.
“Hello, Manang?” sagot niya nang muli na namang tumawag ang ginang.
Wala siyang narinig na ingay mula sa kabilang linya. Wala kahit ingay man lang ng manok katulad sa narinig niya nang nakausap niya ito sa tawag noon. Nagtaka na naman siya, baka katulad din ito sa isang caller niya kanina na mangugulo lang din.
Muli niyang tiningnan ang cellphone, baka mali lang pala ang nakita niya kanina. Baka hindi talaga Nanay ni Rafael ang tumawag sa kaniya, baka namamalikmata lang siya. Pero nang inilayo niya ang cellphone sa kaniyang tainga ay saka pa niya narinig ang boses ng ginang.
“Ella.”
“Hello, Manang Nilda,” aniya at inilapit sa tainga ang aparato. “Ayos lang po kayo?”
Muli na namang naghari ang katahimikan katulad kung paano naging tahimik ang buhay niya sa hindi pagpansin ni Rafael sa kaniya. Naging tahimik lang ang buhay niya kapag hindi niya kasama si Rafael at hindi siya kinukulit nito. Minsan nakaka-miss naman pala kapag nasanay na ang isang tao na may nangungulit. Minsan hindi maiwasan na hahanap-hanapin ang mga taong nangungulit.
Hindi ko naman hinahanap si Rafael eh, pagsinungaling niya.
“Hija, kasama mo ba si Rafael?” Nabasag ang gumugulo sa isip niya nang nagsalita ang ginang.
Gusto niya sanang iwaksi sa isipan si Rafael pero ang binata naman pala ang pakay ng ginang. Kung ano talaga ang mga bagay na gusto niyang iwasan ay siya namang lapit nang lapit. Pero nang siya naman ang lumapit, ito naman ang umiiwas. Saan siya lulugar?
Umiling siya at hinarap ang kisame niyang napabayaan na. May mga gagamba na gumawa na ng sariling bahay. Pinanood niya ang bawat pag-ikot ng electric fan.
BINABASA MO ANG
Deal with Mr. Rafael
RomansaIsang one night stand ang nakapagbago sa buhay ni Ella Jane Vertudazo at hindi niya alam kung bakit siya pumayag sa isang deal na inalok ni Rafael Sanrojo sa kaniya. Isang deal na nag-udyok sa kaniyang ligawan ang binata kahit alam naman niyang hind...