“Ella.”
Natigil siya sa paglakad nang marinig ang boses ng barangay captain nila. Nais pa naman sana niyang magmadali pero parang nais pa siyang pigilan ng Kapitan nila. Uuwi na lang sana siya, para kasing hindi nakahintay ang Kapitan nila at naghanap na agad ng iba.
Ang galing ng talent, grabe, bulong niya sa sarili.
Sabagay, lahat ng lalaki ay ganoon talaga ang ugali. Oo, nilalahat na niya. Mga lalaki na hindi marunong tumupad sa mga pangako pero panay bitaw naman ng pangako. Bakit ba kasi parang ang dali lang sa mga lalaki na mangako? Daig pa ang extra rice sa canteen nila noong high school. Ang mali nga lang din, naniwala siya. Parang hindi na siya nasanay.
Ilang lalaki na ba ang nangako sa kaniya na hindi marunong tumupad? Ilang lalaki na ba ang nagbitaw ng pangako na pinaniwalaan niya? Si Kenneth?
No, hindi lang si Kenneth. May iba pa na ayaw na niyang banggitin pa. May iba pa na ayaw na niyang isipin pa. May iba pa na ayaw na niyang maalala pa.
Pero sabagay, bakit hindi pa ba kasi siya nasanay? Bakit nasasaktan pa rin siya? Para kasing gripo ang bibig ng mga lalaki. Kung makabitaw ng pangako para lang nakikipag-usap ng simple. Para bang pagkatapos mangako, wala ng babalikan pa.
Akala siguro ng mga lalaki, bibili lang sila through online at hindi babayaran. Grabe, ang galing! Ang galing manloko. Para bang wala silang masasaktan.
Pagkatapos niyang tumigil sa paglakad ay nagbilang pa siya ng tatlong segundo bago lumingon. Ayaw niyang makarinig siya ng salitang sorry ngayon. Ayaw niyang may manghingi ng tawad sa kaniya dahil hindi tumupad sa pangako.
Mahirap bang tumupad? Mahirap gawing totoo ang mga salitang binitawan? Mahirap bang huwag manakit ng damdamin? Bakit panay pangako lang sila at hindi man lang gumawa ng paraan upang tuparin?
Paglingon niya ay nag-aayos ng salamin ang Kapitan nila at ngumiti sa kaniya. Medyo gusot pa nga ang t-shirt nito na parang takot padaanan ng plantsa.
May gana pa talagang ngumiti, ano? Para bang hindi nanakit ngayon. Pero kahit anong ngiti pa ‘yan, para kay Ella, kung hindi tumupad, peke pa rin.
“Pumunta ka, ibig bang sabihin niyan ay pumapayag ka na?” nakangiting tanong nito sa kaniya.
Aba! Para yatang iba ang ihip ng hangin ngayon. Parang kung umakto ang Kapitan nila ay parang wala itong tinanggap na aplikante kanina.
“Opo.” Labis-labis ang pagpigil niya na huwag mang-insulto. Baka rin kasi iba ang pagkaintindi niya kaya may mukha pang iniharap ang Kapitan nila.
Napakamot ito sa ulo nang muling mag-angat ng tingin.
Heto na, mukhang ito na ang oras na hihingi ito ng pasensiya. Inihanda niya ang sarili, gusto pa nga niya sanang takpan ang tainga niya.
“May nag-apply dito kanina bago ka dumating. Akala ko kasi hindi ka na pupunta.” Tumingin ito sa suot na relo.
Mukhang tama nga ang hinala niya. Bakit naman niya naisip na mali ang akala niya, sobrang halata na nga diba? Sino bang niloloko niya? Niloko na nga siya, lolokohin pa niya ang sarili.
“Alas nueve na rin ng umaga eh,” patuloy nito. “Akala ko talaga hindi ka na tutuloy. Pero ayos lang naman sa akin kung dalawa kayo, mas maganda nga iyon para hindi kayo mabigatan sa trabaho. Lalo na at bata ang tuturuan niyo, medyo makulit pa naman ang mga bata natin dito. Alam mo naman siguro iyon. Pero asahan niyo na lang na liliit ang sahod kumpara sa sinabi ko sa’yo kahapon.
“Tingin ko naman ay papayag din iyong binata na nakausap ko kanina. Medyo matino naman iyon tingnan, maiintindihan naman niya siguro ako.” Ngumiti ito. “Ano? Payag ka? Tatawagan ko agad ang lalaking ‘yon. Mukhang interesado talaga iyon sa trabaho eh.”
BINABASA MO ANG
Deal with Mr. Rafael
RomanceIsang one night stand ang nakapagbago sa buhay ni Ella Jane Vertudazo at hindi niya alam kung bakit siya pumayag sa isang deal na inalok ni Rafael Sanrojo sa kaniya. Isang deal na nag-udyok sa kaniyang ligawan ang binata kahit alam naman niyang hind...