TANGING cellphone lang ang nadala ni Ella Jane nang umalis siya sa bahay ng nobyo niya. Nobyo niya ba talaga si Rafael o naging nobyo lang niya ang lalaki dahil gusto nitong makuha ang brand new car at brand new nitong relo.
Inilapat niya ang noo sa pinto at pumikit. Dinama niya ang isinisigaw ng puso niya. Sumisigaw ito ng tama na dahil hindi na nito kaya. Bakit hindi pa rin siya nadala? Bakit sumubok pa rin siya? Hindi pa ba siya natuto nang iwanan siya ng una niyang nobyo? Mas magaan pa nga iyon para sa kaniya dahil tao ang ipinalit nito sa kaniya. Pero si Rafael? Bagay lang! Bagay na nasisira pa.
Pinaglalaruan lang siya nito. Pinaglaruan lang nito ang damdamin niya. Mas pinili nito ang sasakyan at relo kumpara sa kaniya. Nasaan na ang sinabi nitong mahal siya nito?
Mahal? Hindi naman totoo ang salitang ‘yon eh. Kasi kung totoo ‘yon, bakit nasasaktan ako? Bakit dalawang beses pa talaga akong naloko?
Tumalikod siya upang ang likod naman ang ilapat. Kahit anong gawin niyang pagkausap sa mga luha niya ay hindi pa rin iyon nakikinig. Patuloy pa rin sa pagtulo na para bang ayos lang kahit masira ang make up niya.
Akala niya talaga maayos na ang lahat. Akala niya totoo ang lahat ng ipinakita ni Rafael sa kaniya gaya ng sinabi nito. Akala niya hindi ito seryoso sa deal gaya ng sinabi nito sa kaniya. Akala niya mahal talaga siya ni Rafael.
Akala lang ba talaga niya ang lahat?
Tiningnan niya ang ulap na parang sasabayan pa ang paghihinagpis niya. Maitim na iyon at tila dinadamayan siya sa kaniyang pagtangis. Gusto niyang magtanong kung bakit ganito ang buhay niya. Bakit lahat ng lalaki na naging bahagi ng buhay niya ay iniiwan din siya? Hindi ba siya karapat-dapat na mahalin? Wala ba siyang karapatan na maging masaya?
Muntikan na niyang mabitawan ang hawak na cellphone nang bigla iyong nag-vibrate. Mas hinigpitan niya ang paghawak bago iniharap iyon sa sarili upang mabasa kung anong notification ang natanggap niya.
Mas lalong nalukot ang mukha niya nang mabasa na galing iyon sa lalaking naging dahilan kung bakit siya umiiyak. Hindi na siya nag-abala na buksan pa ang cellphone upang mabasa ang buong mensahe. Hinahanap lang naman siya nito at parang wala itong kaalam-alam sa mga nangyari.
Mukhang wala naman siguro talagang nararamdaman si Rafael sa kaniya. Pero kung pagbabasehan ang mga inaakto nito ay parang may nararamdaman ito. Siguro magaling lang talagang umakting si Rafael. Siya lang naman itong hindi marunong mag-drama.
Bigla na namang nag-vibrate ang cellphone niya. Iba na ang nakita niya sa cellphone niya, mukha na iyon ni Rafael na inilagay niya sa contacts information. Tinatawagan siya ng lalaki, nagtataka na siguro ito kung bakit wala siya sa bahay nito.
Gusto na lang niyang pumikit upang hindi mabasa ang laman ng kaniyang cellphone. Pero mas pinili na lang niyang patayin ang cellphone upang hindi na siya nito ma-contact.
Wala naman na silang dapat pag-usapan pa. Malinaw na sa kaniya ang lahat na pinaglalaruan lang siya nito. Ang mas malala pa, ginagamit lang siya nito upang magawa ang task na pinapagawa ng mga kaibigan nito. Ginamit lang siya ni Rafael upang makuha ang gusto nito.
Shit! Mukhang mas masakit ‘yon!
Tila may humawak sa puso niya upang kurutin iyon nang kurutin. Parang may mga langgam na nasa loob ng dibdib niya at kinakagat siya. Ang sakit-sakit ng ginawa nito sa kaniya, parang ayaw niyang tanggapin.
Wala sa sariling binuksan niya ang pinto at isinara iyon. Hindi pa nga niya tuluyang naisara ang pinto ay nakita niya ang Mama niya na nasa gilid lang pala at may dalang tabo upang diligan ang mga alaga nitong bulaklak. Wala siyang nabasa na emosiyon dito maliban sa mga mata nitong parang may sinasabi pero hindi lang niya alam kung ano.
BINABASA MO ANG
Deal with Mr. Rafael
RomanceIsang one night stand ang nakapagbago sa buhay ni Ella Jane Vertudazo at hindi niya alam kung bakit siya pumayag sa isang deal na inalok ni Rafael Sanrojo sa kaniya. Isang deal na nag-udyok sa kaniyang ligawan ang binata kahit alam naman niyang hind...