HAHAWAKAN na sana ni Ella Jane ang baso nang biglang narinig niya ang pagtunog ng kaniyang cellphone. Napatayo siya at hinarap si Rafael na may hawak ng kaniyang cellphone. Kampante pa itong tiningnan ang screen at pinindot iyon. Narinig niya ang boses ng kaniyang Mama.
Hinablot niya iyon at lumayo kay Rafael.
Loko! Ano kayang balak ng lalaking ‘yon?
“Hello, ‘Ma?” Halos hindi niya marinig ang boses ng kaniyang Mama sa sobrang pagkabog ng puso niya. Hindi lang naman siya umuwi kagabi, siguradong puputak ang kaniyang ina.
Ano naman din kasing pumasok sa isip niya? Kasalanan talaga ni Rafael ang lahat! Kasi kung hindi ito gumawa ng kahina-hinala, hindi naman niya susundan ang lalaki. At hindi rin siya makararating sa bar kung hindi niya ito sinundan. Si Rafael talaga ang may kasalanan.
Nilingon niya ang lalaki nang makalabas na siya sa pinto. Hindi niya alam kung paano sasabihin sa Mama niya ang lahat. Hindi niya alam kung anong kasinungalingan ang gagamitin niya ngayon. Ayaw niyang malaman ng Mama niya ang nangyari pero ayaw din naman niyang magsinungaling.
Nakita niyang umupo si Rafael sa upuan na inupuan niya kanina. Ito ang umubos sa hotdog na kinain niya. Tingnan mo nga naman, ibinigay pa sa kaniya pero ito rin naman pala ang kakain. Ang galing talaga!
“Nasaan ka?” pagalit na tanong ng kaniyang Mama. “Bakit hindi ka umuwi kagabi?”
Sinasabi na nga ba. Napapikit na lang siya at hinilot ang kaniyang ulo. Mas lalong nadagdagan ang sakit na nararamdaman niya. Anong isasagot niya? Alangan namang sabihin niya na hindi siya nakauwi dahil nagpasarap siya? Baka mas lalong magalit ang kaniyang ina.
Gusto na lang niyang matulog at hilingin na sana panaginip lang ang lahat. Gusto na lang niyang magtago at hindi na lumabas upang walang makaalam sa ginawa niya. Gusto niyang lamunin na lang siya ng lupa! Ngayon na, as in ngayon na talaga!
“Ma’am Ella, gamot niyo po. Kailangan mo munang uminom bago tayo pumasok sa Baranggay Hall.”
Napalingon siya sa binata, may hawak itong baso at gamot. Ngumiti ito sa kaniya. Ano na namang drama ng lalaking ‘to?
“May sakit ka?” gulat na tanong ng nasa kabilang linya. “Ella? Nasaan ka? Anong gamot? Sino ‘yang kasama mo?”
Natahimik siya at hinigpitan ang hawak sa cellphone. May biglang kumislap sa utak niya. Parang alam na niya kung bakit umaakting itong kaharap niya.
Umubo siya kunwari, tama lang upang mapaniwala ang kausap niya na masama ang pakiramdam niya.
“Ano, ‘Ma, lagnat lang po. Medyo tumaas ang lagnat ko kagabi.” Dios ko po, sana mapatawad siya ng Mama niya. “Nandito po ako sa bahay ni Rafael—”
“Hello, Ma’am,” saad ni Rafael nang hablutin nito ang cellphone. “Si Rafael po ito, Ma’am.” Inabot nito sa kaniya ang gamot at baso. “Uminom ka muna ng gamot upang ‘di ka balikan ng lagnat mo.”
Tulala siyang napatingin sa binigay nitong gamot. Pain reliever iyon, para siguro sa sakit ng ulo niya. Pinagmasdan niya ang binata na kausap ang kaniyang Mama. May feelings din naman pala ang lalaking ‘to.
BUMALIK si Ella Jane sa mesa pagkatapos ibalik ni Rafael ang cellphone. Tapos na itong makipag-usap sa Mama niya. Wala pa rin itong reaksiyon kahit na nakipag-usap na ito sa kaniyang Mama.
“Anong sabi ni Mama sa’yo?” tanong niya at pilit na kinukuha ang atensiyon ng lalaki.
“Tapusin mo muna ang pagkain mo, mag-usap agad tayo.” Iniwan siya nito sa kusina at pumasok sa kuwarto.
BINABASA MO ANG
Deal with Mr. Rafael
RomanceIsang one night stand ang nakapagbago sa buhay ni Ella Jane Vertudazo at hindi niya alam kung bakit siya pumayag sa isang deal na inalok ni Rafael Sanrojo sa kaniya. Isang deal na nag-udyok sa kaniyang ligawan ang binata kahit alam naman niyang hind...