WALA sa sariling inamoy ni Ella Jane ang suot niyang blusa at inalam kung dumikit pa ba ang pabangong ginamit niya kanina nang lumabas siya ng bahay. Mabuti na ang sigurado, baka peke ang inutang niya sa kapitbahay na hindi pala aabot kahit isang oras lang ang pabango na tinda nito. Nang masiguro niya na kumapit pa pala ang pabango ay inayos na niya ang suot at humakbang palapit sa gate.
Ito ang pangalawang beses na nakapunta siya sa bahay ni Rafael. Ilang kalye lang naman ang agwat nila pero pakiramdam niya ay sobrang layo nila ng lalaki. Mabuti na rin iyon para maiwasan niya ang malas. Dahil hanggang ngayon ay tumalab pa rin ang kulam, mukhang wala yatang expiration date ‘yon. Ang malas niya talaga.
Hindi niya alam kung dapat ba siyang malungkot dahil hindi niya matandaan kung paano siya nakarating sa bahay ni Rafael noon. Ang laki siguro talaga ng tama sa kaniya ng alak at pati ang detalye na iyon ay hindi niya maalala. Hindi niya rin alam kung dapat ba niya iyong ikatuwa na hindi niya maalala ang tagpong ‘yon dahil hindi siya nahirapan na kalimutan iyon.
Ang tanong nga lang, nakalimutan niya ba talaga o umaakting lang siya?
Hindi naman siya magaling umakting, siguro nakalimutan niya na talaga. Wala rin naman siyang maisip na rason upang alalahanin pa iyon. Isa pa, iyon din ang rason kung bakit gustong-gusto niyang manalo sa deal nila ng lalaki. Ayaw niyang ipagkalat nito na may nangyari sa kanila.
Pero kaya ba talaga ni Rafael na ipagkalat iyon?
Who knows?
Kinuha niya ang maliit niyang salamin sa dala niyang shoulder bag. Mabuti nang masigurado na maayos ang mukha niya bago siya humarap kay Rafael. Wagas pa naman iyon kung tuksuhin siya, para bang perpekto na talaga.
Ngumiti siya sa salamin at nakita na hindi na pala maayos ang lipstick niya gaya kanina bago siya umalis ng bahay. Nilagyan niya muli ang labi at gumawa ng tunog pagkatapos ilapat ang ibaba at itaas niyang labi.
“Perfect,” aniya at muling ngumiti pagkatapos ay ibinalik niya sa shoulder bag ang lipstick at salamin.
Huminga siya nang malalim at tinawag ang pangalan ni Rafael.
“Siguro naman maaakit din siya sa ganda ko ngayon, tudo effort pa naman ako.”
Ilang sandali pa ay bumukas na ang pinto at iniluwa niyon ang ina ng binata. Ngumiti ito nang makita siya at binuksan din ang gate ng bahay.
Ilang araw na ba na hindi ito nakadalaw sa baranggay hall? Hindi na niya rin natatandaan. Huli na yata noong nagkuwento ito tungkol kay Rafael na hindi niya rin inasahan na anak pala nito.
Halos wala rin namang nagbago sa pisikal na anyo ng ginang. Nakikita niya pa rin dito ang pagiging masiyahin nito.
Nang tuluyan na nitong nabuksan ang gate ay nagtanong ito sa kaniya kung bakit siya napadalaw. Pero bigla rin naman itong natigilan at muli na namang ngumiti.
“Happy fiesta pala, Ma’am Ell. Muntik ko tuloy makalimutan.” Mahina itong napatawa. “Halika, pasok ka.”
Tinugon niya ang ngiti ng ginang at pinaunlakan ang pagpapasok sa kaniya. Wala siyang makita ni isang bisita na naroon sa loob ng bahay. Wala nga ni isang dekorasiyon o ipinagbago man lang sa bahay mula noong huling punta niya.
“Wala po yata kayong bisita, Manang Nilda. Wala po bang dumalaw?”
“Ay, wala kaming handa, hija.” Tinuro nito ang maliit nitong sofa. “Upo ka muna. Anong gusto mo, tubig o juice?”
“Ay ‘wag na po kayong mag-abala, Manang. Uuwi rin po ako kaagad.”
Hilaw itong ngumiti at tiningnan siya. “Si Rafael ba ang sadya mo?”
BINABASA MO ANG
Deal with Mr. Rafael
RomantikIsang one night stand ang nakapagbago sa buhay ni Ella Jane Vertudazo at hindi niya alam kung bakit siya pumayag sa isang deal na inalok ni Rafael Sanrojo sa kaniya. Isang deal na nag-udyok sa kaniyang ligawan ang binata kahit alam naman niyang hind...