MABILIS na lumipas ang isang linggo sa buhay ni Ella Jane. Pagkatapos ng pag-uusap nila ni Rafael tungkol sa Papa niya ay gumaan ang kaniyang loob at mas naging malapit siya sa lalaki. Aminin man niya o hindi, palaging dumadaan sa isip niya ang maamong mukha ng binata.
Hindi niya inakalang may sense pala kausap ang Rafael na ‘yon, na may mga punto rin naman pala siyang makukuha. Akala niya kasi puro panlalait lang ang kaniyang maririnig dito. Wala kasi itong ibang ginawa noon kun’di ang ipamukha sa kaniya na hindi siya nito kilala at iparinig ang lahat ng panlalait nito sa kaniya.
Pero mula nang araw na iyon, nagbago ang kaniyang paningin sa lalaki at sinubukan niyang ibigay ang kapatawaran sa kaniyang Papa na matagal na panahon niyang ipinagkait rito. Ilang araw lang ang lumipas ay dumalaw siya sa puntod ng kaniyang Papa.
Masakit para sa kaniya ang biglaang pagkawala nito. Hindi man lang ibinigay ng panahon na muli niya itong makita na may buhay at lakas pa. Hindi niya inaasahan na sa huling pagkikita pala nila ay hindi na niya masisilayan pa ang ngiti nito na matagal na niyang gustong muling makita.
Pero kahit gaano pa kasakit iyon ay hindi niya ipinakita sa lahat. Pinanindigan niya ang mukha na may puno ng galit at hinanakit. Ayaw niyang makitaan siya ng awa sa mukha niya. Ayaw niyang bigyan ang mga taong nakapaligid sa kaniya na kaya niyang kalimutan ang lahat ng nangyari dahil patay na ang kaniyang Papa.
Nang dumalaw siya sa puntod ng kaniyang Papa ay wala siyang ibang ginawa kun’di ang umiyak at hinayaan ang luha na lumabas sa kaniyang mga mata. Gusto niyang pagalitan ang sarili dahil hinayaan niyang makulong siya sa kaniyang mapait na nakaraan. Hindi man niya alam kung ano ang dahilan ng kaniyang Papa kung bakit mas pinili nitong iwanan siya, gusto na lang niyang pakawalan ang mga hinanakit niya sa mundo.
Nakaharap lang siya sa black board at pinagmamasdan ang buong dingding niyon. Hindi niya alam kung anong design ang gagawin niya upang magkaroon naman ng buhay ang ikalawang tahanan niya. Naghanap naman siya ng mga design sa internet, halos lahat ay maganda kaya ngayon ay nalilito siya kung ano ang pipiliin niya. At hindi niya rin alam kung ano ang babagay para sa classroom niya.
Napahawak siya sa baba niya at pinagmasdan nang maiigi ang dingding. Napailing na lang siya at kinuha ang mga bond paper na nagkalat sa mesa niya. Puno iyon ng mga pictures na napili niya sa internet.
Ang hirap naman pala, bakit ko ba naisip ‘to?
Muli siyang napailing pero agad din naman siyang natigilan nang may biglang gumapos sa kaniyang beywang. Kahit hindi na niya alamin, sa amoy palang ay alam na niyang si Rafael iyon.
“Anong iniisip ng guro namin?” tanong nito sa kaniya habang nakayakap pa rin.
“Kung makaguro ka, parang hindi ka guro ah.” Napahalakhak na lang siya at sumandig sa dibdib nito.
“Ikaw lang naman ang guro ng buhay ko.”
Mas lalong lumakas ang tawa niya dahil sa napaka-corny nitong joke.
“Ay,” anito at kiniliti siya sa tagiliran. “Makatawa naman ‘to. Seryoso kaya ako.”
“Akala ko kasi joke eh,” aniya sabay takbo palayo rito.
“Kapag nahuli kita—”
“Anong gagawin mo?” nakataas ang kilay na tanong niya kay Rafael.
“Hahalikan kita.”
Nang marinig niya ang sagot ni Rafael ay hindi na siya nagdalawang-isip na tumakbo palabas ng classroom.
KAHIT anong bilis si Ella Jane tumakbo ay nahabol pa rin siya ni Rafael. ‘Di hamak kasi na mas mabilis itong tumakbo sa kaniya. Agad nitong sinakop ang kaniyang labi nang makabalik sila sa loob ng classroom.
BINABASA MO ANG
Deal with Mr. Rafael
RomanceIsang one night stand ang nakapagbago sa buhay ni Ella Jane Vertudazo at hindi niya alam kung bakit siya pumayag sa isang deal na inalok ni Rafael Sanrojo sa kaniya. Isang deal na nag-udyok sa kaniyang ligawan ang binata kahit alam naman niyang hind...