Dalawang mahihinang katok ang bumasag sa katahimikan naming dalawa. Hindi ako nakaimik sa tanong niya dahil masiyado akong nagulat sa mga sinabi niya.
Ano'ng ibig niyang sabihin do'n? Na may iba akong agenda sa pagpasok ko rito? At siya raw ang pakay ko? E hindi ko nga alam na siya ang CEO nito!
Naulit ang dalawang katok nang hindi gumalaw si RK sa likuran ko. Nanatiling malapit ang bibig niya sa tainga ko kaya dinig na dinig ko ang mabibigat na paghinga niya. Biglang bumalik sa akin ang pakiramdam na malapit siya sa akin. Mabilis ang pagbayo ng diddib ko at parang nanlalambot ang mga tuhod ko. Pigil na pigil din ang paghinga ko at pakiramdam ko bubulagta na ako anumang oras.
Naulit ulit ang mga katok kaya lakas loob na akong nagsalita dahil wala yata siyang balak gumalaw.
"M-May tao," mahinang sambit ko, medyo kabado dahil baka anumang oras, bubukas 'yon at makikita ang posisyon naming dalawa.
"That's not gonna open unless I talk," seryosong bulong niya. "Back to what I was asking, why are you really here for, Brea?"
Napababa ako ng tingin at dumapo ang tingin ko sa mauugat na kamay niyang nasa magkabilang gilid ko. Ang hahaba ng mga daliri niya at mala-kandila. Maugat na parang ginagamitan ng puwersa kahit na natural lang naman 'yon.
"P-Puwede bang...saka na tayo mag-usap? M-May tao kasi." Kinagat ko ang labi ko.
Dismayado siyang bumuntonghininga bago sumulyap sa gilid. Nagtagal ang tingin niya ro'n bago muling may kumatok.
Muli siyang bumuntonghininga.
"Come in," napipilitang aniya bago marahang umalis sa likuran ko upang harapin ang kung sino sa labas.
Napapikit ako at nakahinga nang maluwag.
"Uh sir..." mahinang boses ng isang lalaki.
Nang lumingon ako ro'n ay nakita ang isang matangkad na lalaking naka-corporate suit na nasa early 30's na yata ang edad. Singkit at clean cut ang buhok.
Napatingin agad siya sa akin dahilan ng pagkatigil niya sa pagsasalita.
"The conference room is ready. Your meeting will be in five minutes," anang lalaki na kuryoso sa presensya ko sa loob.
"I'll be there, Harvey." Si RK na nakakunot noo at nakapamaywang, halatang iritado.
Tumango naman ang lalaki at muli pa akong sinulyapan ng isang beses bago lumabas. Nagkatinginan kami ni RK.
"We'll talk later," seryosong aniya bago sumunod na lumabas.
Nang sumarado ang pinto ay bigla na lang ako nanghina at napasandal sa mesa. Nakaawang ang mga labi at natulala. Hindi makapaniwala sa mga nangyari. Unti-unti akong napahawak sa dibdib ko na hindi man lang humupa sa pagbayo. Malakas pa rin ang pintig nito na para akong nakipagmarathon.
Bakit pa ba niya gustong mag-usap kami? Hindi pa rin siya nakaka-move on sa nangyari noon? Gano'n ba kalaki ang tingin niya'y naging kasalanan ko sa kanya kaya niya naisip na siya ang pakay ko rito? Bakit ko naman siya magiging pakay? Ano namang mapapala ko sa kanya? Ano'ng iniisip niyang pakay ko sa kanya?
Hindi kami nakapag-usap no'ng araw na 'yon dahil sunod-sunod ang meetings niya at ako naman, inabala ko rin ang sarili sa trabaho. Nagpasalamat ako na hindi kami nagpang-abot dahil talagang hindi ko alam ang sasabihin. Iniisip ko kasi na kahit sabihin ko ang totoo, baka hindi lang niya ako paniwalaan.
Gayunpaman, naisip ko rin na, ano bang ikinatatakot ko? Totoo namang aksidente lang ang pag-apply ko rito at hindi ko alam na siya ang CEO at may-ari. Kung maaga ko lang nalaman, hindi ko rin ito ikokonsidera. Hindi dahil sa pride o ano. Nahihiya lang talaga ako at tingin ko wala akong karapatang magtrabaho rito. Gaya nga ng sabi ko, hindi ako guilty dahil hindi ako nag-cheat sa kanya, guilty lang ako sa hindi ko pagsabi ng totoo. Guilty dahil nakita ko ang totoong sakit sa mga mata niya no'ng araw na 'yon. Totoong nasaktan ko siya.
BINABASA MO ANG
Heartless Boy
RomansaWhen the famous casanova Ransom Khaleed Laurel transfers to a small University in the province, things have never been the same for Brea Kasandra Almazan. No one gets her attention because she believes that men are all the same: rascal, player, skir...