Kabanata 15

257 7 9
                                    

Bumalik na sa normal ang lahat mula no'ng lumabas ang totoo. Hindi na ako binubully at pinag-uusapan. Nakahinga ako nang maluwag do'n at nagpasalamat nang malaki kay Harlow na siyang tumulong. Nga lang, bumalik ang karma kay Ainhoa. Siya na kasi ang madalas pag-usapan ngayon at siya naman ang iniiwasan. Hindi ko nga lang siya makitaan ng pagsisisi sa mukha dahil taas-noo pa rin siyang naglalakad sa kabila ng bulungan sa kanya sa paligid. Nanahimik na rin si Maicah at mukhang natauhan. Pero gaya ni Ainhoa, maangas pa rin siyang tumingin sa akin. Hindi ko na nga lang siya pinapansin dahil sayang sa oras.

Hindi na ako bumalik sa pagsasayaw kahit na ipinipasok uli ako ni Keyla. Humingi rin siya ng dispensa sa akin dahil hinusgahan niya ako agad at tinanggal. Tinanggap ko na lang 'yon pero hindi ko na tinanggap ang offer niyang bumalik ako. Alam kong sayang din ang scholarship ko ro'n pero mas mabuti siguro kung pagtutuunan ko na lang ng pansin ang pag-aaral ko.

Kinausap naman ako ni Jase isang araw at humingi rin siya ng sorry sa ginawa niyang pag-iwan sa akin sa ere. No'ng araw pa na 'yon, halos nakapikit na ang isang mata niya dahil sa pambubugbog na natamo. At alam ko na kung sino ang may gawa no'n. Gaya ng iba, tinaggap ko na lang ang sorry niya at iniwasan siya para matahimik na rin ang buhay ko.

Mabilis na humupa ang issue na 'yon tungkol sa akin at nagpasalamat ako na hindi na ito lumabas pa ng school. Bumalik na ang payapa kong pagpasok kaya lang isang malungkot na balita naman ang sumalubong sa akin sa bahay.

Si Ate Axelle, umuwi na dahil naghiwalay na raw sila ng asawa niyang si Sanjay. Nagulat ako ro'n pero kahit papaano nagpapasalamat dahil ramdam ko naman na hindi talaga siya mahal ng asawa niya. Sa aura pa lang ng lalaki na 'yon, nakakaduda na. Samahan pa ng muntik nang hindi niya pagpayag sa kasal nila.

Inalo ko si ate sa mga nagdaang araw na malungkot siya at sinuhestyon kong mag-enroll na lang siya sa CSU nitong second sem para makabalik siya sa pag-aaral. Sayang naman kasi kung tuluyang hihinto siya. Sayang ang taon. Ang akala ko hindi siya papayag dahil bukod sa nagluluksa pa siya dahil sa pagkamatay ng anak niya, naghiwalay pa sila ng asawa niya. Laking gulat ko nang pumayag siya at no'ng lunes na lunes, sinamahan ko siyang magpa-enroll.

Mabilis na lumipas ang mga araw, linggo, buwan hanggang sa taon. Nagfocus ako sa pag-aaral at binawasan na ang panonood ng games at paglalakwatsa. Talagang nagsunog ako ng kilay at halos mangangayat sa dami ng research at thesis. Pero nagbunga ang lahat ng 'yon nang makamit ko ang with higest honor award no'ng grumaduate ako ng senior high.

"Congrats Brea! Ih!" kinikilig na sambit ni Evie at palundag na yumakap sa akin.

"Congrats din!" Yumakap ako pabalik.

Isa rin kasi siya sa with high honors awardee sa klase namin. Habang magkayakap kami ay nahagip naman ng mga mata ko si Ainhoa na nakatingin sa amin ng blangko sa malayo. Nakaramdam ako bigla ng lungkot dahil friendship goals kasi namin ito e. Ang sabay-sabay na grumaduate with flying colors. With honor din naman siya kaso lang...hindi na kami magkakasamang tatlo. Sayang ang friendship na nasira o baka wala naman talagang friendship na nabuo dahil never niya kaming itinuring na totoong kaibigan.

Nagpakain si amang no'ng araw na 'yon dahil graduation ko at nakakaiyak na sobrang proud siya akin. Actually, lahat sila ay sobrang proud sa akin. Kahit mga kapitbahay na minsang lumait sa amin ay humanga sa nakamit ko.

"Ang suwerte niyong mag-asawa sa mga anak ninyo, Nilda," anang babaeng kapitbahay namin na suki ni Inang sa meryenda. "Magaganda na, matatalino pa."

"Naku...maraming salamat." Nahihiyang napakamot sa ulo si Inang.

"Hindi gaya ng anak ni Martha. Hindi naka-graduate dahil buntis."

Napababa ako ng tingin sa kinukuha kong pagkain sa lamesa. Tama siya. Grade 12 kami no'ng mabuntis si Maicah at dahil hindi niya kinaya ang kahihiyan, hindi na siya pumasok. Halos magtayo ng matayog na bakuran si Aling Martha dahil pinag-uusapan. Hiyang-hiya at sa isang iglap, tumiklop bigla ang chismis queen.

Heartless BoyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon