Gaano kasakit ang magmahal? Sobrang sakit na aabot ka sa puntong hindi ka na makahinga. At sa mga oras na 'yun, wala ka nang ibang pagpipilian kundi ang umalis. Kailangan mong umalis upang maisalba mo ang iyong sarili. Upang hindi ka tuluyang maubos. Dahil kahit gaano pa kasakit ang magmahal, deserve mo pa rin naman ang mabuhay. Kahit na kaunting pagmamahal na lang ang naitira mo sa sarili.
Minsan selfish ang desisyong 'yun pero iyon lang ang tanging paraan para maisalba mo ang sarili sa tuluyang pagbagsak. Nagmahal ka at ibinigay mo ang lahat tapos sa huli, nasaktan ka lang. Ano ba naman 'yung pahalagahan mo rin ang sarili mo hindi dahil sa selfish ka at para lang sa sarili mo, kundi para na rin sa pamilya at iba pang taong mahalaga sa'yo.
Kahit na gaano mo gustong isipin na p'wedeng magtagal ang pagmamahal, hindi naman ang gano'n ang buhay. Darating talaga tayo sa puntong kailangan nating magdesisyon. Kahit pa masakit. Kahit pa mahirap. Kung ito ang makabubuti sa atin, bakit hindi? Oo nga't hindi lang pagmamahal ang pundasyon ng isang relasyon, naghahalo ang commitment at compromise rito. At ito ang pinanghahawakan natin kahit pa mahirap o magiging mahirap in the future. Kaya lang, may mga bagay talaga na kailangang bitawan o isuko dahil hindi na ito para sa atin. 'Wag nating piliting maging posible ang mga bagay na imposible na nating makuha.
May karapatan tayong magluksa o umiyak. Kahit pa gaano kahaba o katagal dahil nga nasaktan tayo. Pero sa tahimik na pagluluksa natin, kailangang matutunan nating tumanggap at bumangon ulit dahil nagpapatuloy ang buhay at kailangan nating umusad kahit na unti-unti na ring nawawalan ang kakayahan nating magmahal.
Hindi mo naman kasi kailangang ibigay ang lahat kapag nagmahal ka. Kailangan mo ring magtira ng kahit kaunti para sa sarili mo dahil ito rin ang maghihilom sa'yo sa mga susunod mo pang pagdadaanan. Ito ang magiging gamot sa pagluluksa ng puso mo at ito ang uri ng pagmamahal na magtuturo sa'yo kung paano maging matatag sa buhay.
Love is amazing. But when it's not working nothing hurts quite as deeply. Kaya karamihan sa atin, natatakot. Pero gaya ng sabi nila kung mahal mo talaga ang isang tao, kailangan mong maging matapang. Dahil ang takot ay walang puwang sa pagmamahal.
Ang kaso... hindi naman lahat ng tao kayang magsakripisyo. Hindi lahat ng tao kayang magmahal nang sobra-sobra. Hindi lahat ng tao kayang itaya nang buong-buo ang puso. Dahil may mga kagaya ko na mamamatay kapag ginawa 'yun. Malalim ako umibig at natatakot akong mawala ko ang sarili habang nagmamahal. Madali akong masaktan pero dahil sa pag-ibig, natuto akong maging mas malakas at mas matatag.
"Ang sarap, ma'am! Sigurado akong magugustuhan 'to ng mag-ama mo!" palatak ni Josephine, ang kasambahay na kasama namin rito sa Singapore.
Kumuha uli siya ng sabaw at saka masayang hinigop.
"Mm! Ang sarap talaga!"
Natawa ako nang bahagya at saka naghugas ng kamay. Nasa gano'ng ayos kami nang tumunog ang doorbell ng condo na tinutuluyan namin.
"Oh, baka sila na 'yan!" tarantang sabi niya bago mabilis na tinungo ang pinto.
Napalingon naman ako ro'n habang naghuhugas. Tumunog ang pinto at magkakasunod na yabag ang narinig ko bago ang boses ng anak ko.
"Momma!"
Napangiti agad ako nang masilayan ang guwapong mukha ng limang taong gulang kong anak na umamba agad ng yakap. Nagpunas muna ako ng kamay sa suot na apron at saka lumuhod upang magpantay kami.
"Hey big boy, how's school?" masayang tanong ko habang hinahaplos ang mahaba at shaggy na buhok niya.
"Proudly standing," nakangising aniya.
Napatawa agad ako sa pamimilosopo niya na alam ko na kung kanino niya natutunan.
"Ano na namang pinagtuturo mo rito?" nakasimangot kong tanong kay Ransford, bagaman sumisilip ang ngiti ko.
BINABASA MO ANG
Heartless Boy
RomanceWhen the famous casanova Ransom Khaleed Laurel transfers to a small University in the province, things have never been the same for Brea Kasandra Almazan. No one gets her attention because she believes that men are all the same: rascal, player, skir...