"Brea, napansin kong matagal na 'tong laptop dito ah? Bakit hindi mo na ginagamit?" tanong ni Inang sa may sala.
Pababa na ako mula sa kwarto at handa nang pumasok sa eskwela nang lingunin niya. Nakahawak pa siya ng walis habang itinuturo ang laptop sa baba ng babasaging lamesita kasama ng iilang libro.
"Ah, sira na po 'yan, Inang," simpleng tugon ko.
"Gano'n ba? Naku, sayang naman. Sabagay matagal na naman yan, gamit pa 'yan ng ate mo nong high school siya. E ano'ng ginagamit mo? Nakikilaptop ka?" Bumaling siya sa akin.
"Hindi po 'nang. Sa internet cafè ako gumagawa ng projects kaya minsan ginagabi ako." Napakamot ako sa leeg.
"Gano'n ba. Oh siya sige. Sasabihin ko sa Amang mo ang tungkol d'yan para mapagawa at nang hindi ka na ginagabi d'yan sa daan."
"Wag na po, 'nang." Umiling ako. "May ipon naman ako e. Bili na lang ako kahit 'yong second hand lang."
Taka siyang lumingon sa akin. "May ipon ka? Paano ka naman nakakaipon e kulang pa nga ang budget na naibibigay ko sa'yo."
"Nag tu-tutor ang matalino mong anak Inang kaya nagkakapera." Matamis akong ngumisi.
Though hindi lang naman dahil do'n. Ayaw ko nang banggitin pa na nakikipagpustahan din ako dahil malamang sasabunin ako ni Amang 'pag nalaman niya. Masama pa naman magalit 'yon lalo na dahil pulis. Baka bigla na lang akong barilin.
"E magkano naman ang kinikita mo d'yan?" usisa niya na huminto pa talaga sa pagwawalis para lang mausisa akong mabuti.
"Malaki rin. Big time kaya mga ti-nu-tutor-an ko. Mga anak mayayaman." Mas lalong lumawak ang ngisi ko na halos maging sarkastiko.
"Oh siya, basta 'wag mong pababayaan 'yang pag aaral mo ha? Gumaya ka sa ate mo, masipag mag aral. Gusto ko grumaduate ka rin ng may honor."
"Naman! E kumusta na ba si ate?" tanong ko.
Mula kasi no'ng mag Maynila 'yon madalang nang tumawag sa akin. Dati rati naman nagvivideo call pa kami ngayon kahit text wala na.
Nagpatuloy sa pagwawalis si Inang. Sinusundan ko naman ang ginagawa niya.
"Ewan ko nga ro'n, madalang na lang niya ako tawagan. Baka kako busy lang. E alam mo naman sa kolehiyo 'di ba, mas busy."
"E ba't kasi sa UP pa siya nag aral, Inang e p'wede naman sa CSU. Mas mura na, lagi pa natin makikita." Halos umismid ako.
"Ewan ko ba d'yan sa Amang mo. Masiyadong maarte. Hay, hayaan mo na't siya naman ang nagpapa aral. Padadalhan ko nga siya sa linggo pambayad niya ng apartment."
Napabuntonghininga ako. Siguradong hindi rin madali ang buhay ni Ate Axelle sa Maynila lalo na't nag iisa siya. Gusto ko rin sana siyang matulungan kaya lang wala pa akong mahanap na part time job ngayon. Bukod sa pagtututor, pakikipagpustahan lang ang paraan ko para magkapera. Hindi bale, babawi na lang ako sa kanya 'pag nakapasok na ako sa trabaho.
"Sige na 'nang, alis na 'ko. Inform niyo ako pag tumawag si ate ah? Pakisabi tawagan niya rin ako. Nami-miss ko na siya e." Tuloy-tuloy na ang lakad ko papuntang pintuan.
"Sige, mag iingat ka ha? 'Wag magbulakbol. Aral mabuti," pahabol niya.
Napatawa ako. Ganyan lagi si Inang, mapagpaalala. Para namang bulakbol ako e nangunguna nga ako sa klase. Pero kahit papaano naiintindihan ko naman siya. Hindi kasi nakapagtapos si Inang ng kolehiyo kaya gusto niya kaming mga anak niya makapagtapos. Ganoon rin si Amang, 'pag sinabing bawal jowa, bawal jowa. Tsk. As if naman magjojowa ako e ayoko nga sa mga lalaki. Hindi kasi ako matiwala sa lalaki dahil alam kong landian lang ang gusto nila. Kapag nakuha ka na, iiwan ka nang parang basura.
BINABASA MO ANG
Heartless Boy
RomanceWhen the famous casanova Ransom Khaleed Laurel transfers to a small University in the province, things have never been the same for Brea Kasandra Almazan. No one gets her attention because she believes that men are all the same: rascal, player, skir...