/9/ Happy Birthday

125 10 12
                                    

(May 4, 1985)

Nang dumating ang Sabado, nagkita kami ni Abi sa may entrance ng Luxuriant, gaya ng napagkasunduan. Maaga kaming nakaalis, wala pang alas kwatro ng hapon.



Mula sa Makati ay sumakay kami ng bus papuntang Sta. Mesa. Bumaba kami sa isang major road at doon kami nakasakay ng jeep patungo sa apartment nila Rex at Ben.



"Magkasama pala silang nakatira sa iisang bubong?" Tanong ko kay Abi nang makababa na kami ng jeep at nagsimula nang maglakad patungo sa nasabing bahay.



"Oo, nangungupahan sila," tugon ni Abi. "Galing silang Cebu, at nagbalak makipagsapalaran dito sa Maynila. Isang taon na silang nandito."



"Saan ka naman nakatira?"



"Dito lang din, dalawang kanto lang mula kina Rex at Ben," ngiti ni Abi. "Tumigil muna ako sa pagkokolehiyo dahil nagkasakit ang aking ina at kailangan kong magtrabaho para suportahan siya at ang aking kapatid sa high school. Umalis kasi si tatay, sumama sa kanyang babae. Di bale ako ang tumigil sa pag-aaral, huwag lang si Annie, honor student kasi siya at graduating na next year. Bwisit talaga tatay namin oh!"



Napatingin sa malayo si Abi at bumalik ulit ng tingin sa akin. "Pasensiya na, masakit pa rin isipin."



Tinapik ko ang balikat ni Abi. "Naiintindihan ko, magkwento ka hangga't gusto mo."



Di mapigilang ngumiti si Abi. "Alam mo, parang di ka galing sa mayamang pamilya. Ang gaan ng loob ko sa iyo."



"Salamat ah, nakikibagay lang ako. Pero gusto ko naman kasi gawin."



"Alam ko naman iyon! Ay, nandito na tayo kina Rex!"



Nakatayo na kami ni Abi sa tapat ng isang pulang gate. Nagkataong bukas iyon at agad kaming pumasok. Sinalubong kami ng tatlong batang naghahabulan, na agad tumabi nang kami ay dumaan.



Sa kanan namin ay may mga hilera ng 2-storey houses na gawa sa semento ang ibaba at ang second floors naman ay gawa sa kahoy. Binilang ko ang mga kabahayan, limang units pala ito.

 

May mga numero na nakalagay sa bawat pintuan na aming dinaanan: 1A, 2B, 3C, at 4D. Tumigil kami sa pinakadulong bahay, na 5E.



"Andito na tayo sa bahay nila Rex." Kumatok si Abi sa pinto at agad itong bumukas.



"Hi! Ang aga ninyo ah!"



"Happy birthday, Rex!" Pinalo ni Abi ang balikat ni Rex at inakay ako papasok sa loob.



"Aba, trespassing! Teka, si Andie ba iyan?"



Nilingon ko si Rex at ngumiti sa kanya. "Happy birthday sa iyo!"



"Aba, salamat po at napadalaw kayo sa aming munting tahanan, Miss Miranda!" Ngisi nito.

MementoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon