"Ibaba niyo ako! Tulong!"
Kahit sa malayo ay narinig ko ang sigaw na iyon. Tinig ito ng isang babae na takot at nagmamakaawa. Balak ko na sanang lagpasan na lang ito ngunit di ko mapigilan ang sarili na hindi tumulong. Minsan na rin akong may tinulungan na babae dati, na sinagip ko mula sa isang lalaki na isasakay siya sa kotse at dadalhin kung saan.
Pinabilis ko ang arangkada ng aking motorsiklo at sinundan ang boses. Nakarating ako sa isang back alley, at mas malinaw kong narinig ang babaeng humihingi ng tulong. Tumingin ako sa aking kaliwa at naaninag ko ang isang matangkad na binata na buhat ang isang nagpupumiglas na dalaga sa kanyang balikat. May dalawa pa itong kasama na nakasunod dito. Sa isang tingin pa lang ay ramdam ko na may hindi sila magandang binabalak sa kawawang dalaga.
Itinigil ko ang aking motorsiklo sa harapan nila para wala silang takas. Hindi na ako nagdalawang-isip na bumaba sa motor at tumakbo ako sa lalaking may buhat sa dalaga. Nilakasan ko ang sipa sa kanyang binti, na naging dahilan para mawalan siya ng balanse at mabitawan ang dalagang buhat niya sa kanyang balikat. Agad ko siyang sinapo, at kahit suot ko ang aking helmet, ay nakikita ko ang aking paligid. Naaninag ko ang mukha ng babae. Nanlaki ang kanyang mga mata sa akin at ramdam ko ang panginginig ng kanyang katawan.
Isinantabi ko ang takot na dalaga at sinunggaban ko ng isang suntok sa ilong ang walang-hiyang binata na may hawak sa kanya. Knock-out ito sa isang iglap. Walang sinabi ang kanyang yabang at malaking pangangatawan laban sa aking lakas ng kamao. Minsan na akong nag-aral ng boxing ngunit di ko na lang tinuloy. Buti ay alam ko pa ang basic movements nito.
Nang makita ko ang dalawang lalaki na papasugod na sa akin, sinunod ko na rin sila. Ang unang lalaki ay nasuntok ko sa ilong na siyang nagpatumba dito. Ang pangalawa naman ay knock-out din, ngunit may natitira pa itong lakas para bumangon at gumanti sa akin. Agad kong hinablot ang kanyang braso at pinuruhan ko siya sa sikmura, na naging dahilan para tuluyan siyang mawalan ng malay.
Nakabangon pa ang lalaking una kong sinuntok. Umaapaw ang dugo sa kanyang ilong at ayaw pa rin patalo. Nang itinaas niya ang kanyang kamao papunta sa akin ay ginamit ko ang aking kaliwang kamao laban sa kanya. Napatumba ko na rin siya, kasama ng dalawa niyang alipores na nakahandusay sa daan.
"Umalis na kayo bago ako magsumbong sa mga bouncers dito." Inangat ko ang aking eye shield sa helmet, ngunit huli na ang aking paalala. Nagsilabasan na ang mga tao mula sa isang kalapit na disco house para usisain ang mga pangyayari. Napuno ng usapin ang paligid, mga napasigaw, nagtatanong, at humihingi ng tulong. Lahat sila ay nakatingin sa mga sugatang lalaki na nasa harapan ko ngayon.
Hinanap ko ang dalagang aking tinulungan. Buti na lang ay kasama na niya ang dalawang babae, na mga kaibigan niya siguro. Pareho nilang hawak ito at pilit na pinapakalma.
May mga nagsilabasang bouncers mula sa disco at pinulot ang tatlong nakahandusay na lalaki. Inilayo nila ang mga ito sa eksena, siguro dadalhin sa pagamutan. Nagsilalisan na rin ang mga nag-uusisa, at naiwan na lang ang tatlong dalaga sa gilid.
Pinagmasdan ko ang babae na iniligtas ko. Buti ay nasa maayos na ito, ngunit nanaig pa rin ang aking mapanghusgang ugali. Halata na may-kaya ito, base sa kanyang pananamit at mga alahas.
"Pakisabihan iyang kaibigan niyo na mag-ingat," paalala ko. "Maraming masasamang loob ngayon. Kayo talagang mga mayayaman, mga spoiled brats."
Napanganga ang dalagang aking sinagip, ngunit di niya magawang sumagot sa akin. Nanginginig pa rin siya, gawa ng nakalabas ang kanyang mga balikat at nakasuot ito ng sleeveless. Kaya hinubad ko na lang ang aking denim jacket at ipinatong ko na lang ito sa ibabaw ng kanyang mga balikat.
BINABASA MO ANG
Memento
Historical FictionWATTYS 2022 SHORTLIST (ERA Series Book 3)-COMPLETED A careless, rebellious daughter faces punishment from her father. She must survive the everyday routine of a department store staff and deal with her growing pains during the mid-1980s. *** Set in...