Miss Anna Diana Miranda,
Andie for short.
Habang binabasa mo ang aking liham, malamang ay wala na ako sa Maynila at nasa malayo na.
Nagpapasalamat ako na naging magkaibigan tayo sa maiksing panahon. At sa panahong ito, hindi ko inaasahan na may namuo rin akong damdamin para sa iyo.
Ngayon alam mo na ang lihim ko. Lihim na matagal ko nang tinago kasama ng aking pagkatao. Sa sulat mo na lang ito malalaman, sapagka't hindi kita kayang harapin habang dala ko ang bigat ng aking nakaraan.
Hindi ako karapat-dapat para sa iyo. Ikaw na galing sa buena familia, habang ako na isang latak ng pagkakamali ng aking mga magulang. Kahit naisin man natin na ibigin ang isa't isa, ito ay magdudulot ng gulo at problema sa mapayapa at matiwasay mong pamumuhay. At hindi ko nais na maging parte ka ng aking magulong buhay.
Lumaki ako sa Pasil, Cebu. Anak ako ng isang babae na minsan nagtrabaho bilang escort girl. Kung sino-sino ang mga naging kliyente nito, hanggang sa nabuntisan siya ng isang mayamang Don sa amin. At ako ang naging bunga ng kanilang pagkakamali. Alam ng aking tunay na ama ang aking pagkatao, ngunit itinago ako ng aking ina sa kanya, dahil magiging eskandalo ito kung lumabas.
Palaging wala ang aking ina. Lumaki ako sa aking lola at nang pumanaw ito, kinuha ako ng aking nanay kasama ang aking nakababatang kapatid na lalaki, na anak din niya sa iba. Iba-ibang mga lalaki ang kalaguyo nito hanggang sa permanente na siyang tumira sa aking amain o stepfather.
Hindi naging mabuti sa akin ang amain na ito. Palagi niya akong binubugbog tuwing lasing ito, kasama ng aking ina at maliit na kapatid.
Hanggang sa may nakilala si inay na foreigner at isinama ang kapatid ko. Iniwan niya ako sa aking amain dahil sinisisi niya ako sa kanyang mga pasakit sa buhay. Nang hindi na ako makatiis, lumayas na ako sa amin noong ako ay labintatlong taong gulang.
Nagpagala-gala ako sa mga kalye ng Carbon Market at Cebu City, para magnakaw at humanap ng makakain sa araw-araw. Hanggang sa nahimatay ako sa daan dahil sa taas ng aking lagnat.
Nang magising ako, nasa ospital ako kasama ang isang lalaki na di ko kilala. Ayon dito, aampunin na ako ng kanilang "Big Boss." Nakausap ko ang Boss na ito at pumayag ako sa kanyang alok, kapalit ng pagkain, matitirahan, at pag-aaral. Kahit na ang kapalit nito ay ang pagtatrabaho ko para sa kanilang mga illegal na gawain.
Mabuti ang Boss na ito sa akin. Dito ko rin nakilala si Rex, na ampon din ni Boss. Nakakatuwang isipin na pinag-aral niya kami hanggang matapos namin ang high school. Lahat ay ibinigay sa amin, ang isang normal na pamumuhay kahit na galing sa maling gawa ang aming pera. Malaki ang utang na loob ko sa aking amo. Kahit isang beses ay hindi pabigat ang tingin sa amin ng aming amo. Minahal niya kami na parang tunay na ama.
Pagkatapos ng high school, ay naging parte kami ni Rex ng grupo. Gumagawa na rin kami ng kanilang mga gawi, mula illegal shipments hanggang big-time robbery. Bilang reward, binibili kami ng mga luho, mula relos, magagandang damit, sarili naming motor, alak, at pati na rin babae. Kung nagtataka ka man, may pailan-ilan din akong karanasan sa mga babae, ngunit wala akong minahal sa mga ito. Dati akong kagaya mo na puro saya at luho lang ang inaatupag. Siguro, para bumawi na rin sa masaklap kong pamumuhay noong bata ako.
Ngunit lahat ng bagay ay may katapusan. Napatay ang aking amo ng karibal na sindikato at binilinan ako na umalis na kami ni Rex sa Cebu. Binuwag ang aming grupo at pinaghatian namin ang perang naiwan. Lumipad kami ni Rex sa Maynila at gamit ang pera namin, ay nagsimula kami ng bagong buhay.
Kung saan-saan kami nagtrabaho hanggang sa mapunta kami sa Luxuriant. Nang una kitang makita pagkatapos kitang iligtas noong gabing iyon, alam kong may iba sa iyo. Lalo na naging magkasama tayo sa records bar para magtrabaho.
Ayaw ko man sa iyo noong una, hindi ko napigilan ang sarili na mahulog ang loob sa iyo. Ramdam ko na gusto mo rin ako, pero pinili kong huwag sundin ang bulong ng aking puso. Ito ang paraan ko para ingatan ka at hindi ka masaktan dahil sa akin. Tama na para sa akin na magkaibigan tayo sa ating maiksing panahon ng pagkakakilala.
Andie, sana mag-aral ka nang mabuti. Sana matupad mo ang iyong mga pangarap. Ako ay aalis na at huwag mo na akong hanapin pa. Ipagpatuloy mo lang ang iyong buhay nang wala ako. Kaya mo iyan, may makikilala ka na mas karapat-dapat.
Mauunawaan ko na sasama ang loob mo sa akin. Lilipas din iyan.
Babalik ako ng Cebu dahil may kailangan lang akong asikasuhin. Tungkol ito sa aking tunay na ama, na inalok ako na mag-aral ng kolehiyo. Nilunok ko na ang aking pride at tinanggap ito, kahit labag ito sa aking kalooban.
Baka sakali na maipagmalaki ko na ang aking sarili sa panibagong yugto na ito. Kung kapalaran natin na magkita muli, siguro taas-noo na akong makakaharap sa iyo, at naging maayos din ang aking sarili at buhay. Siguro nga hanggang magkaibigan na lang tayo. Sana matanggap mo rin iyon.
Itago mo ang aking denim jacket bilang memento ng ating nakaraan. Minsan nag-krus ang ating landas at wala akong pinagsisisihan sa aking naging buhay. Sana di ka rin magsisi na nakilala mo ako.
Ikaw ay mananatili sa aking mga alaala.
Gihigugma ko ikaw. Mahal kita.
At magpatuloy ka sa iyong buhay na dala ang memento ng aking pagmamahal.
Benjamin Robles
---
Napasandal ako sa manibela habang tahimik na lumuluha.
Natapos ko nang basahin ang liham ni Ben sa akin.
Sana umamin na ako sa kanya noong una pa lang.
Ngunit takot ako na tanggihan niya ako, kaya hinayaan ko na lang itong maging lihim. Nakakapanghinayang na pareho pala ang binubulong ng aming mga puso. Na mahal niya pala ako gaya ng aking pagmamahal sa kanya.
Ngunit magkaiba ang aming mga mundo, at mas pinili ni Ben na manahimik para ingatan ako.
Balewala sa akin ang kanyang nakaraan. Mas lalo ko siyang naunawaan dahil dito, at wala itong halong panghuhusga.
Dito natatapos ang masasaya naming mga araw. At oras nang magpatuloy sa buhay nang wala siya sa aking tabi.
Pinunasan ko ang aking mga luha at tiniklop ang liham ni Ben. Binulsa ko ito, pinaandar ang kotse, at nagmaneho pauwi.
Isang malawak na ngiti ang bungad ko sa aking pamilya nang ibalita ko sa kanila ang pagiging Dean's Lister ko. Nag-enjoy kami sa cake na uwi ko bilang dessert.
At natapos ang aking araw na parang hindi ko dala ang isang malaking heartbreak.
Ngunit nang mag-isa na ako sa aking kwarto, tahimik akong lumuha habang nakikinig sa aking Walkman ng cassette tape ni Julie Vega, na regalo sa akin ni Ben.
Now he's just a bittersweet reminder of my first love.
If ever we meet again, I will tell him that I love him. Or loved him.
Pero tutuparin ko ang aking pangako sa sarili at sa kanya, na pagbubutihan ko ang aking pag-aaral. At ipagmamalaki ko ang aking sarili balang araw.
Benjamin Robles, mahal din kita. You are my best heartbreak, a love that got away.
BINABASA MO ANG
Memento
Historical FictionWATTYS 2022 SHORTLIST (ERA Series Book 3)-COMPLETED A careless, rebellious daughter faces punishment from her father. She must survive the everyday routine of a department store staff and deal with her growing pains during the mid-1980s. *** Set in...