Monday na at nag-announce sa school na wala raw pasok . Kaya ngayon ito kaming mga estudyante naglalakad na pauwi. At ito namang si Lanz kanina pa nakasunod sa akin. kanina ko pa kasi siya hindi pinapansin dahil sa baloon na binigay niya sa akin nung Sabado. Hindi ko talaga siya kinakausap hanggang sa makarating kami sa tapat ng bahay namin.
"Sorry na talaga hindi ko lang naman napansin na may nakasulat pala sa baloon na nakita ko sa simbahan nung Sabado eh," sabi niya.
Napairap ako sa hangin at lumingon sa kaniya. Kaagad naman siyang napahinto sa paglalakad.
"Sorry na kasi Barbi," sabi niya habang nakasimangot na parang tutang inabanduna ng amo sa basurahan.
"Lanz naman! Kailan mo ba talaga ako seseryosohin, huh? Hindi ko lang maintindihan kung bakit kailangan mong manguha ng hindi sa 'yo para lang ibigay sa akin? Bakit hindi mo ba kayang magbigay ng galing sa 'yo? Yung may effort mo naman yung hindi galing sa iba at para sa iba!" naiinis kong sabi habang papasok kami ngayon sa sala ng bahay namin.
Napalingon kaagad sa amin si Junior. Kaya naman hinila ko si Lanz sa kamay para magmadaling makatawid sa sala papunta sa kusina. "Hindi mo ako kailangan bigyan ng mga materyal na bagay! Hindi ko kailangan yun lalo na kung hindi naman talaga galing sa 'yo!" dagdag ko pa sa pabulong na tono pero may gigil.
Yumuko si Lanz at napansin ko ang pagsimangot niya. "Barbi hindi ko na kasi alam ang gagawin ko para kausapin mo ako nung Sabado eh! Eh 'di ba dun lang naman nagsimula ang galit mo sa 'kin? Kasi hindi kita binigyan ng flowers at chocolate nung Valentines Party?" sabi niya.
Napalingon ako kay Junior at ngayon ay nakakunot-noo na siyang nakatingin sa amin ni Lanz mula sa sala. Siguro ay hinuhusgahan na niya ako nang husto sa isipan niya. Napailing siya at inalis ang tingin sa amin.
Sumimangot ako at walang emosyon na tiningnan sa mga mata si Lanz. "Bakit ba kasi sumunod ka pa rito?" tanong ko.
Huminga siya nang malalim. "Ha? Eh— Gusto kitang makausap Barbi," sabi niya.
Nanatili akong nakasimangot. "Kung may sasabihin ka sabihin mo na. Marami pa kasi akong gagawin eh. Medyo busy kasi ako ngayon," sabi ko bago ako nag-iwas nang tingin sa kanya.
Medyo hindi pa rin nababawasan ang tampo ko sa kaniya eh. pakiramdam ko ay nadadagdagan lang lalo.
Sa puntong ito hindi ko na naman napigilan ang sarili ko na ikumpara kay Savannah. Pero siyempre sino ba naman ako para magreklamo? Alam ko namang mas matimbang sa kanya ang babaeng yun. At ang masakit pa ay parang tinatanggap ko na lang na pangalawa na lang ako para kay Lanz.
Hinawakan ako sa kamay ni Lanz. "Bukas mo na lang gawin ang mga dapat mong gawin, pwede?"tanong niya.
Binalik ko ang tingin sa kanya. "Ayos ah! Makapag-demand ka parang walang nangyari ah!" sabi ko bago ko siya inirapan.
Pero mas humigpit ang pagkakahawak ni Lanz sa kamay ko. "Barbi gusto ko na talaga makipagbati sa 'yo," sabi niya.
Huminga ako nang malalim at hinila siya sa kamay papunta sa upuan ng mesa. "Dito tayo mag-usap," sabi ko.
Umupo kaming dalawa tapos mas lalong sumeryoso ang mga tingin niya. "Barbi..." Hinawakan niya ulit ang kamay ko. "Kung nagseselos ka kay Savannah, hindi ko na uulitin ang ginawa ko. Hindi ko na siya kakausapin. Iiwasan ko na siya para lang hindi ka magalit sa 'kin," sabi niya.
Napakunot-noo ako. "Bakit ka nagpapaliwanag sa akin? Ano ba tayo? Kahit naman sino ang kausapin at lapitan mo wala rin naman akong karapatang pigilan ka. Magkaibigan lang naman tayo 'di ba?" Umirap ako at naghalukipkip. "Kaya lang naman ako nagtatampo sa 'yo dahil hindi mo ako binigyan ng flowers and chocolates nung Thursday eh. Yung hindi galing sa iba," sabi ko.
BINABASA MO ANG
Dear Chocolate Box
RomanceAng buhay ay parang kahon ng tsokolate. kapag natanggap mo, wala kang ideya kung ano ang nilalaman nito. Ngunit para sa isang taong tunay na nagmamahal, handang lasapin ni Barbi Dixon ang pait ng mga pagsubok ng buhay makita at makasama lang niya u...