"Nandito na tayo sa bahay natin Barbi!" nakangising sabi ni Lanz.
Napaismid naman ako. Bahay namin?
Isang malaking bahay na may malawak at mataas na gate na itim. Nagpaiwan si Shaina sa kotse ni Lanz para raw siguradong hindi ako magtatagal sa loob. Pagpasok namin ay nakita ko na kaagad si Savannah sa sofa na nakaupo kasama ang kuya niyang si Dan.
Tumayo siya at naglakad palapit sa amin at saka siya kumapit sa braso ni Lanz. Napabuntong hininga ako at napayuko na lang.
Sa harap ko pa talaga ha! Dinala ba ako dito ni Lanz para lang patayin ako sa selos?
Nagkatinginan kami ni Savannah at nababasa ko sa mga mata niya nawala siyang pinagsisisihan. Napabuntong-hininga ulit ako at yumuko tapos binaling ko ang tingin ko kay Dan.
"Barbi, buti at napapunta ka dito ni Lanz," nakangiti niyang sabi. At tulad sa nakasanayan ay tonong Ilonggo pa rin siya.
Ngumiti ako sa kanya. "Actually—" Lumingon ako kay Lanz at nahuli ko siyang nakatingin sa akin. "Actually, sapilitan niya akong dinala rito. Binuhat niya ako ng walang pasabi at sapilitan na isinakay sa kotse niya!" sabi ko.
Umismid si Lanz at napakunot-noo.
Nanunudyo akong ngumiti at umirap sa kanya. Tapos binalik ko ulit ang tingin ko kay Dan. "Walang pormal na pakiusap ang pagdala niya sa akin dito. Kidnapping ang nangyari—"
Naputol ang sinasabi ko nang bigla na lang lumapit sa akin si Lanz at tinakpan ang bibig ko.
Sapilitan kong inalis ang mga kamay niya sa bibig ko. Tapos tiningnan ko siya nang masama. "Ano ba? Kidnap naman talaga ang nangyari 'di ba?" galit kong sabi.
Nung una ay natigilan siya tapos bigla siyang ngumiti. "Ah kidnap pala, huh! Hali ka rito!" sabi niya sabay hila sa braso ko.
Sapilitan niya akong hinila at dinala sa kung saan. Mabilis ang mga hakbang niya papunta sa hindi ko alam kung anong part ng bahay niya ito. Feeling ko kusina 'to. May nakita kasi akong lamesa na may mga nakalatag na pagkain.
Sinipat-sipat ko pa ito pero hindi ko ma-distinguish kung anu-ano yung mga nakahain sa mesa.
Hindi ko tuloy napigilan ang mag-overthink. Masarap kaya yung ulam nila ngayon?
Natatapilok ako sa sobrang bilis humakbang ni Lanz. Pero nakatuon lang ang atensyon ko sa mesang puno ng pagkain.
"Lanz! Anong ginagawa mo kay Barbi? Huminahon ka nga!" tanong ni Dan habang nakasunod sa amin ni Lanz.
Tumigil sa paglalakad si Lanz kaya napahinto rin ako. Hinila niya ang upuan sa tapat ng mahabang mesa tapos inupo niya ako dun. "Pakakainin ko lang siya. Hindi pa kasi nakakain 'to eh. Na-skip na niya ang lunch dahil sa layo ng biyahe namin papunta rito," nakangiting sabi ni Lanz. At ang mga ngiti niyang yun ay alam kong may sahog na panunudyo sa 'kin.
Tumingala ako sa kanya. Tapos hinawakan niya ako sa balikat. Nilapit niya ang bibig niya sa tainga ko at bumulong. "Kumain ka na. Pahahatiran ko na lang sa kasambahay ng pagkain yung sigurista mong kaibigan sa labas," sabi niya.
Huminga ako nang malalim. Gusto kong mainis kaso naamoy ko yung ulam sa mesa. Parang biglang nag-vibrate ang tiyan ko. Kaya palalampasin ko na lang muna ngayon ang inis ko kay Lanz dahil gutom na rin talaga ako. Next time na lang siguro ako maiinis sa kanya.
Tumango ako. Buti naman at madaming pagkain dito. Kumain na ako ng marami at pagkatapos ko ay nag-usap na kaming lahat sa sala.
"Barbi, hindi ko alam na bestfriend mo pala si Lanz. Hindi ka naman kasi nagsasabi sa akin eh." Umpisa ni Dan sa usapan. As usual sa tonong Ilonggo pa rin siya.
BINABASA MO ANG
Dear Chocolate Box
RomansaAng buhay ay parang kahon ng tsokolate. kapag natanggap mo, wala kang ideya kung ano ang nilalaman nito. Ngunit para sa isang taong tunay na nagmamahal, handang lasapin ni Barbi Dixon ang pait ng mga pagsubok ng buhay makita at makasama lang niya u...