Nakabalik na kami ngayon sa Bacolod City. Nung una ay ayaw pa akong payagan nila mama. Pero nung sinabi namin ang dahilan ay napapayag na rin namin sila. Nag-aalala rin kasi sila para kay Lanz.
Dumiretso na kami sa bahay ni Dan para kunin ang kotse ni Lanz. Pagdating doon ay naabutan namin si Tita Marta. Wala raw doon si Dan, at inaasikaso ang mga bata sa ospital kasama si Shaina.
Gustong-gusto kong pumunta sa ospital para dalawin si Sister Cora at ang mga bata pero hindi ako pinapayagan ni Lanz. Pinaiimbistagahan na rin naman na daw ngayon ang nangyari. Maging ang mga bata ay under observation na rin daw.
Lumapit si Tita Marta at kaagad niyang niyakap si Lanz at hinampas sa balikat. "Saan ka ba nanggaling, Lanz? Pinag-alala mo 'ko!" sabi niya at saka napalingon sa akin.
"Magandang araw po. Tita Marta," bati ko sa kanya habang nakangiti.
May idea na rin kasi ako kung sino siya dahil nabanggit na rin naman na siya sa akin ni Lanz kanina habang nasa biyahe kami. Si Tita Marta raw yung nasa ibang bansa dati, na kapatid ng papa niya.
Ngumiti siya sa akin at hinawakan ako sa mga kamay. "You must be Barbi, right?" tanong niya sa 'kin.
Napalunok ako at napangiti kay Tita Marta. "Yes tita... Ako po si Barbi," sabi ko.
Nagulat ako nang yakapin ako ni Tita Marta. Hindi ko inaasahan na gagawin niya sa 'kin 'to. Akala ko ay masungit siya at hindi rin niya ako magugustuhan para kay Lanz.
After niya akong yakapin ay humawak siya sa mga kamay ni Lanz.
"I'm sorry... My son," mangiyak-ngiyak niyang sabi.
Napakunot-noo ako. "Son? Totoo ba ang narinig ko?" tanong ko habang nakatingin kay Lanz.
Tumingin sa akin si Lanz at marahang tumango. Lalo naman akong naguluhan.
Humikbi si Tita Marta at tumingin sa akin. "Ako talaga ang tunay na ina ni Lanz, Barbi." Ngumiti siya sa akin habang may bahid pa rin ng mga luha sa kanyang mga mata.
"Hindi ko na kasi alam ang gagawin ko nun eh. Nung nagbuntis ako sa kanya... Hindi ako pinanagutan ng kanyang ama. Kaya natakot ako na baka hindi ko siya kayang buhayin nang mag-isa. Kaya iniwan ko siya sa kuya ko."
"Nagpunta ako sa New york para magtrabaho. At nung umuwi ako rito, binata na ang anak ko. Seventeen years old na siya nun at alam kong hindi na talaga ako makikilala ng anak ko."
Huminga ako nang malalim. "Kung ganun po ang mga magulang na kinalakihan ni Lanz ay hindi pala niya tunay na mga magulang?" tanong ko.
Tumango naman si Tita Marta. "Oo. At hindi ko alam na hindi pala tama ang trato nila sa anak ko. Kaya nag-decide na lang ako na kunin na siya kay Kuya. Binayaran ko si Kuya ng kalahating milyon para lang makuha ko sa kanya ang anak ko. Tinulungan ko rin ang asawa niya na makapunta sa New York para makahanap ng matinong trabaho."
Tumango-tango ako. "Kaya po pala biglang nawala noon si Lanz?" tanong ko.
Tumango si Tita Marta. "Nabawi ko sa kanila si Lanz at sinuportahan ko ang pag-aaral niya hanggang sa makatapos siya sa kolehiyo. At hindi rin naman niya ako binigo dahil naging mahusay siya at lisensyadong Engineer," sabi niya.
Kahit pa halos napaliwanang na sa akin ni Tita Marta ang lahat ay naguguluhan pa rin ako sa mga nangyari.
Huminga ako nang malalim at lumingon sa nakayukong si Lanz. "Okay lang naman po sa akin na umalis si Lanz nun. Ang hindi ko lang po maintindihan ay kung bakit kailangan pang palabasin na patay na si Lanz? Sobrang sakit po para sa akin nun," sabi ko habang naiiyak na naman.
Napasimangot si Tita Marta at hinawakan ako sa kamay. "Kagagawan lahat iyon ni Kuya. Kahit ako ay nagalit sa ginawa nila. Maging ako ay nabiktima rin ng fake death ni Lanz. Gusto nilang itago sa akin ang anak ko," sabi niya.
Nanggigil ako sa nalaman ko. Awang-awa ako lalo dahil sa nangyari kay Lanz.
"Patawarin mo 'ko Barbi kung nahirapan ka dahil sa biglaang pag-alis ni Lanz. Hindi ko alam na may naiwan siyang isang mahalagang tao sa lugar na yun. At ang lahat ng kasalanan ni Kuya, ay sinisigurado kong mabibigyan rin ng hustisya balang-araw," sabi ni Tita Marta habang nakahawak pa rin sa kamay ko.
Tumango lang ako at ngumiti sa kanya. "Huwag po kayong mag-alala. Okay na rin naman na po ako ngayon. Ang mahalaga lang naman po sa akin ay magkasama na po kami ngayon ni Lanz," sabi ko.
Tumango siya at ngumiti. "Masaya rin ako para sa inyong dalawa. Kaya lang hindi pa rin ako makakampante hangga't hindi naaayos ang problema sa Greycom Building," sabi niya.
Narinig ko na ang tungkol sa Greycom Building. Pero wala akong idea tungkol dun. "Ano po ba ang problema sa Greycom, tita?" tanong ko.
"Nanalo ang design ng building na ginawa ni Lanz sa award-winning Global na ginanap pa sa New York. Ito ang Greycom Building. Gustong bilhin ni Mr. Bamford ang blueprint ng Greycom Building... Mr. Bamford, is my boss in New york. Nag-work ako sa kanya as secretary for more than fifteen years. Ang plano kasi ng building ay itatayo sana sa Mambukal. Okay na sana ang lahat pero biglang pina-cancel ni Lanz ang project. Sabi kasi ni Lanz ay mas okay raw na ilipat ang location sa San Diego, USA." Sabi niya.
Huminga siya nang malalim at napasimangot. "Pero hindi pumayag Si Mr. Bamford. Sabi kasi niya na magbabayad siya kahit magkanong gusto namin para lang mabigay namin sa kanya ang blueprint, at itatayo sa kung saan unang napag-usapang itayo," dagdag pa nya.
Tiningnan ko si Lanz na nakatingin lang sa amin ni Tita Marta. "Eh anong plano mo ngayon, Lanz?" tanong ko sa kanya.
Umiling siya. "Pinaghirapan ko yun eh! Bakit ko naman ibebenta sa kanya?" sabi ni Lanz.
Huminga nang malalim si Tita Marta. "Hindi naman na nagpumilit pa si Mr. Bamford eh. Kaya ang akala ko ay magiging maayos na ang buhay ng anak ko. Pero mas lalong nagulo ang lahat nung nangialam na si Kuya. "Kitang-kita ko ang galit sa mga mga mata ni Tita Marta habang sinasabi yun.
"Nalaman ko na lang na may malaki rin siyang utang na naiwan dito sa Pinas, dahil sa sugal. At palagi niya akong sinisingil ng utang na loob sa pagpapalaki niya sa anak ko," sabi niya bago mapasimangot at matamlay na umupo sa sofa.
"Magkano naman po ang halaga na hinihingi niya?" tanong ko.
Umiling si Tita Marta. "Babayaran siya ng malaking halaga ni Mr. Bamford basta mapapayag niya si Lanz na pakasalan si Candace. Ang nag-iisang anak na babae ni Mr. Bamford," sabi ni tita.
Sa puntong ito hindi na ako makaiyak. Gusto kong sumabog sa galit dahil sa nalaman ko sa ginagawa nila kay Lanz. Hindi nila pwedeng gawin kay Lanz 'to.
Lumapit ako kay Lanz at umupo sa tabi niya. "Bakit hindi ka nagsabi sa 'kin, Lanz?" tanong ko.
"Lanz is not good when it comes to explaining himself. Please forgive my son Barbi, kung hindi niya nai-explain nang maayos ang sarili niya sa 'yo lalo na sa ibang tao. Sana maintindihan mo si Lanz," sabi ni Tita Marta.
Huminga ako nang malalim. "Hindi naman po ako papayag na gawin nila yun kay Lanz," sabi ko.
Tumingin lang sa akin si Lanz. Para siyang isang bata na naghihintay sa desisyon ko.
Napabuntong-hininga ako. "Unang-una, bumalik na tayo sa bahay mo," sabi ko.
Umiling si Lanz. "Pero nandoon si Candace eh," sabi niya.
Tumayo ako sa upuan. "Wala akong pakialam! Ako na ang nakapangalan sa bahay na yun 'di ba? Kaya wala siyang karapatang tumira dun!" sabi ko.
BINABASA MO ANG
Dear Chocolate Box
RomanceAng buhay ay parang kahon ng tsokolate. kapag natanggap mo, wala kang ideya kung ano ang nilalaman nito. Ngunit para sa isang taong tunay na nagmamahal, handang lasapin ni Barbi Dixon ang pait ng mga pagsubok ng buhay makita at makasama lang niya u...