Chapter 2
Nagising ako kaninang umaga na hindi nakabusangot ang aking mukha. Good mood rin ako. Minsan talaga may pagka-weird yung emosyon ko eh. Bumibigla na lang.
Maaga akong naligo kasi kung tatamad tamad naman ang kilos ko baka bungangaan na naman ako ni Mama. Matapos kong maligo, nagbihis agad ako ng uniform at inayos ang mukha ko sa harap ng salamin. Ang ganda ko talaga.
Ngumisi pa ako sa sarili ko bago ko hinagilap ang aking bag at lumabas na ng kwarto. Kasabay ko pang lumabas si Papa na nakasuot na rin ng uniporme niya. At as usual kahit umagang umaga busangot na naman ang mukha niya.
Inilapag ko sa sofa yung bag ko tapos dumiretso ako sa kusina. Naabutan ko doon si Mama na naghahanda ng almusal namin. Umupo ako sa pwesto ko at pinagmasdan siya. Pareho rin ni Papa, masungit na naman ang mukha at awra nito.
Dumating na rin si Papa sa hapag at sakto ring tapos na si Mama mag-ayos ng mesa kaya nagsimula na rin kaming kumain. Kumain ng tahimik. Tanging mga kutsara at tinidor lang ang maririnig. Sinangag, pritong itlog, hotdog ang agahan namin. May nakahanda na ring kape.
Napahinga ako ng malalim at binalingan silang dalawa. "Ma, Pa, malapit na po yung prom namin sa school. Sasali po ba ako?" Tinaasan ako ng kilay ni Mama at pagkatapos ay bumalik siya sa pag-subo. Si Papa naman ay kinunutan ako ng noo.
"Bakit naman hindi? Isang beses lang yun kung mangyari sa buhay. Sumali ka. Kaysa naman magkulong ka na naman sa kwarto mo." Binalingan ko si Mama na walang kibo.
Pinagpatuloy ko na lang yung pagkain ko. Narinig ko si Mama na huminga ng malalim. "Mamaya sumama ka sa akin, magpapasukat na tayo ng gown mo." Pinigilan ko ang aking pagngiti.
Mukhang magiging maganda talaga yung mood ko ngayon buong araw.
Tinapos namin yung agahan. Isasabay rin daw ako ni Papa ngayon sa motor niya. Nasa labas na ako ng bakuran at inaantay si Papa na nagpapaalam kay Mama. "Soledad, baka gabi na akong makakauwi mamaya. Ang daming trabaho sa opisina." Tinanguan lang siya ni Mama. Hinalikan ni Papa si Mama sa pisngi at pagkatapos ay naglakad na rin.
Ako naman ay tumakbo papalapit kay Mama at yinakap ito at hinalikan rin sa pisngi. Nagusot pa ang mukha nito nung mag iwan pa ako ng laway sa pisngi niya.
Napahagikgik ako at tumakbo na ulit bago pa ako mahagip ng kamay niya. Umangkas ako sa motor ni Papa at muling kinawayan si Mama na nakamasid lang rin sa amin. Malamlam na ang bukas ng mukha nito.
Ilang sandali lang rin ay nasa may main gate na kami ng Rizal National High School ni Papa. Bumaba ako sa motor niya at hinalikan rin siya sa pisngi. Serysoso lang ang mukha nito nung haplusin niya ang buhok ko. "Mag-aral ng mabuti ha? Sabihin mo kapag may umaaligid na saiyo diyan." Tumawa ako ng bahagya sa tinuran niya. Kahit nga siguro tignan man lang ako ng ilang segundo ng mga lalaki rito ay hindi magawa. Hindi ko alam kung takot sila sa akin o takot sila kay Papa.
Pumasok na ako at diretso agad sa building naming mga seniors. Nang makapasok ako sa room namin ay dali-dali kong hinanap ang kaibigan kong si Dira. At halos manlaki ang mga mata ko nung nasa harapan ko na pala ito at dinumog na ako ng yakap. Napakunot ang noo ko.
"Andaaaaa! Namiss kita!" Taka akong napatingin sa mukha niya. Ang saya talaga ng mukha niya at parang hindi man lang nga siya naging tulala ng ilang araw. Hinila niya ako paupo sa upuan ko habang ako naman ay taka pa ring nakatingin sa kanya. Nagsisimula na siyang magkwento ng kung ano anong kabardagulan niya sa kanila.
BINABASA MO ANG
IMPRISONED
Vampire"You can't escape me because you belong in here-in this prison. You're my prisoner, Chlorine. . ." - S. P. DE WARREN