Chapter 15
Kulay pulang ilaw at madilim na paligid. Mga rehas at mga mantsang dugo sa dingding at puting kama. Masangsang na amoy na parang galing sa sugat ng isang tao. Ang pakiramdam na parang hinihingal at takot na takot ako. Nilalamig ako pero tagaktak naman ang malapot at butil-butil kong pawis sa buo kong katawan. Ang mga mahihinang mga yabag na galing sa kung saan. Ang kakaibang sinag ng pulang buwan. At ang anino ng katawan ng isang lalaking parang nakatingin sa akin. Dama ko ang mainit nitong titig sa aking mukha at katawan.
Heto na naman. Heto na naman ang wirdu kong panaginip na simula ng magising ako ay parati kong napapanaginipan. Minsan nga ay naaalala ko pang parang tumatakbo ako sa gitna ng kakahuyan habang umiiyak.
Isang malamig na patak ng tubig ang gumising sa akin sa medyo wirdung panaginip na iyon. Hindi ko pa sana papansinin dahil antok na antok pa talaga ako. Pero ang gaga lang dahil mas naging malaki at malamig ulit ang tumama sa mukha ko. Parang tubig na galing sa freezer ng ref. At saka may naaamoy rin akong malansa. Inis kong pinahid ang basa sa mukha ko kasama na ang nanlalapot kong laway at piniling matulog na lang ulit. Pero santisima! May nandedemonyo talaga sa akin!
Nakarinig ako ng matinis na hagikhik sa gilid ko kaya parang naging isang hudyat iyon para magising na ang lahat ng cells ko sa katawan. Mabilis na bumukas ang mata ko at kasabay naman noon ang pagdampi ng kung anong malansa at malamig na bagay sa bibig at ilong ko.
Isang buong bangus pala ang dumampi sa mukha ko. Ang lansa! Pupungas-pungas akong bumangon at hinanap ang demonyitong alam kong salarin sa karumal-dumal na krimen na ginawa sa akin! Kita kong mabilis itong kumaripas ng takbo habang humahagikgik palabas ng kwarto ko pero bago siya tuluyang makalabas ay mabilis niya pa akong nabelatan. Umusok sa inis ang ilong ko at pagkatapos ay huminga ako ng malalim.
"PIONNE! LAGOT KA SA'KING BATA KA!" Wala akong pakialam kahit na bago akong gising at parang rinesling ako ng sampung tao basta makaganti lamang ako sa batang iyon! Sa araw na araw na ginawa ng Diyos ang pagsikat ng panibagong araw ay palagi niya talaga akong binubwesit! Kahit siguro may sakit siya ay hindi talaga siya pumapalya sa schedule niya sa kung ano anong ginagawa niya sa akin simula paggising ko! Nakakairita!
Nanakbo ako palabas ng kwarto ko at sinundan ang maliliit niyang mga paa. Pero kahit maliit siyang bata ay napakabilis nitong kumilos. Nakalabas na ako ng bahay ng nakapaa lamang. At sa isang iglap nga ay hindi ko na naman naabutan ang demonyito. Nagpapadyak ako sa inis at nagsisigaw. Wala akong pakialam kahit na may dumaraang mga estudyante sa tapat ng bahay namin.
"Anda!" nabungaran ko si Mama na masama ang tingin sa akin. Nasa kamay niya ang tubo na ginagamit niya sa pagdidilig ng mga halaman niya sa bakuran. "Ano na naman iyan at ki aga-aga halos marinig ka na naman ng buong syudad sa lakas ng boses mo?!"
Hindi ko siya pinansin at lumingon sa paligid. Ibig sabihin lang kasi nito ay nasa paligid lang ang bata, wala naman siyang ibang pagtataguan kundi kung nasaan si Mama.
"Ma! Nasaan na yung demonyitong bungi?!" Pinagsisilip ko ang mga pasong malalaki niya sa harap ng gate namin pati na ang mga likod nito. Kasya kasi ang bata dito. Naku, makita ko lang kahit hibla ng buhok niya ay ipapatikim ko talaga sa kaniya ang ganti ng isang api!
"Aba, ewan ko!" napasimangot si Mama sa inasta ko, at alam ko na naman kung ano ang kasunod nito, "tignan mo iyang itsura mo at nagmumukha ka ng bruha!" at ako na naman ang nabalingan ng galit niya. Kahit kailan talaga. Napahalukipkip na lamang ako at napa-irap.
BINABASA MO ANG
IMPRISONED
مصاص دماء"You can't escape me because you belong in here-in this prison. You're my prisoner, Chlorine. . ." - S. P. DE WARREN