Chapter 13
INIINIT ni Amelie ang ulam na niluto niya kaninang tanghali nang pumasok sa kusina si Tristan. Nakaligo na ito. Sando at short ang suot nito, bahagya pang basa ang buhok.
"Hi!" masiglang bati niya sa asawa, pero para itong walang nakita at narinig.
Dumiretso lang ito sa ref at kumuha ng bottled water.
"Gusto mo ng kape?" alok niya rito. Tiningnan lang siya nito pero hindi sumagot. Naupo si Tristan sa lamesa. Napangiti siya. Lumapit siya sa coffee maker at gumawa ng kape para kay Tristan. Inilapag niya iyon sa harap nito. Wala siyang natanggap na pasasalamat pero sapat na para sa kaniya na dinampot ni Tristan ang tasa at ininuman. "Maluluto na 'yong iniinit ko, kain na tayo."
Binalikan niya ang niluluto. Pinatay niya na ang gas. Kumuha siya ng mga pinggan nila at kutsara. Namili siya kahapon ng mga kitchen wares dahil kulang sa mga ganoon ang condo ni Tristan.
"Kain na," aniya at siya pa ang nagsandok ng pagkain para sa lalaki.
Gutom na rin siguro kaya hindi na umimik at tahimk na kinain ang sinandok niya. Ngiting-ngiti siya. Natutuwa siya na kahit tahimik ito at parang hangin ang turing sa kaniya ay hindi naman siya inaaway. Nakasabay niya pa itong kumain.
Siya ang nagligpit ng pinagkainan nila. Nagtungo naman si Tristan sa balcony. Nang silipin niya ito ay nakatayo ito roon, nakasandal sa railing habang nagyoyosi. Napako ang mga paa niya sa kinatatayuan habang nakatingin kay Tristan. Ngayon niya lang nalaman na marunong pala itong manigarilyo. Ni minsan kasi hindi niya ito nakita o naamuyan ng sigarilyo. Pero hindi ang paninigarilyo nito ang nakakuha ng atensiyon niya. Kundi ang malungkot na mga mata ni Tristan. Tuyo na ang buhok nito. Walang gel kaya bagsak iyon, nahaharangan ang mga mata nito na nakatingin sa malayo at parang ang lalim ng iniisip.
Napayuko siya at tumalikod na. Hindi niya kayang makita na ganoon si Tristan lalo na at alam niyang siya ang dahilan kung bakit may lungkot sa mga mata nito.
Pumasok siya sa kuwarto. Kumuha siya sa closet ng damit at pumasok sa banyo. Paglabas niya ay nagulat pa siya nang makita si Tristan na nasa loob na ng silid. Kinukuha nito ang unan at comforter. Walang emosyong sinulyapan lang siya nito pagkatapos ay nagtungo na sa pintuan, akmang lalabas na ito nang tawagin niya.
"S-Saan ka pupunta?"
"Sa sala ako matutulog," anito.
"Ha? E, kasya naman tayo rito sa kama mo," aniya. Maluwag pa nga kahit dalawa silang matulog doon.
Inis na nilingon siya nito.
"Sa tingin mo tatabi ako sa 'yo sa pagtulog?"
"Bakit hindi? Asawa mo ako—"
Natigilan siya nang tumawa ito nang nakaloloko.
"Really, Amelie? Do you really think na magiging asawa ako sa 'yo ngayong pinakasalan kita?" puno ng sarkasmo na sabi nito.
Nilunok niya ang kirot na dumaan sa kaniyang dibdib. Kailangan niyang masanay sa sakit dahil hindi ito ang magiging una at huli na masasaktan siya nang dahil kay Tristan.
Ngumiti siya. Nakita niya naman ang gulat sa mukha ni Tristan pero saglit lang at tumiim na ulit ang bagang nito.
Lumakad siya palapit kay Tristan at kinuha ang unan at comforter na hawak nito.
"Ako na ro'n. Ako naman ang nakikitira, e," aniya. Hindi na niya hinintay na makasagot pa ito. Lumabas na siya bitbit ang unan at kumot.
Inilatag niya ang sofa bed. Pinatay niya muna ang mga ilaw sa sala at iniwang bukas ang nasa kusina. Nahiga na siya. Tumagilid siya paharap sa pintuan ng kuwarto ni Tristan.
BINABASA MO ANG
MY CHEATING HEART (completed)
RomanceDesperate times calls for desperate measures. Kaya naman nang malaman ni Amelie ang planong pakikipag-live in ni Tristan sa iba ay plinano niyang pikutin ito. ------- "You planned it!" nagulat siya at napatingin sa pinto. Naroroon si Tristan at gali...