CHAPTER 33

3.8K 111 9
                                    

Chapter 33


NAGPAPALIT si Amelie ng kurtina nang marinig niyang may nag-doorbell.

Nangunot ang noo niya dahil wala namang sinabi si Tristan na maaga itong uuwi. Tumingin siya sa wall clock nila. Alas-dos pa lang ng hapon.
Wala rin naman siyang inaasahang bisita dahil wala pa namang nakaaalam na nakalipat na sila ni Tristan.

Muling tumunog ang doorbell kaya naman bumaba na siya sa upuan na kinatutuntungan niya at nagtungo sa front door.

Napatda siya nang makita si Sunny na nasa gate at diretsong nakatingin sa kaniya. Muli nitong pinindot ang doorbell kahit pa nakita na siya nito.

"Hindi mo ba ako papapasukin, Ate? " anito na sarkastiko ang pagkakatawag sa kaniya ng ate.

Tumiim ang bagang niya. Lalo na nang maalala niya ang araw kung bakit siya umiyak nang umiyak dahilan kung bakit nawala ang anak niya.

Nagpasya siyang lumabas at pagbuksan ito ng pinto. Nakangisi si Sunny sa kaniya. Wala ang mabait at mahinhing awra nito.

Binunggo nito ang balikat niya at diretsong pumasok sa loob ng bahay kahit hindi pa naman niya inaalok.

Bumuntonghininga na lang siya at ikinuyom ang kamao niya saka ito sinundan sa loob.

Nakatayo si Sunny sa gitna ng sala habang nililibot ang mga mata sa buong bahay.

"Ano'ng kailangan mo?" matabang na tanong niya rito.

"Naisip mo ba na ako dapat ang naririto? Nag-aayos ng kurtina at hindi ikaw?" anito na may pait ang bawat salita. Nilingon siya nito.

Hindi siya nakaimik. Naisip na niya iyon. Sabi ni Tristan ay nabili nito ang bahay bago pa ito maka-graduate ng college. Kaya malamang na ang orihinal na plano ni Tristan ay si Sunny ang gagawing maybahay.

Ngunit dahil sa kagagahan niya ay siya ang naging maybahay ni Tristan at hindi ang kapatid niya.

"Ako dapat ang inuuwian ni Tristan araw-araw. Ang naghahanda ng hapunan niya, ang naghihintay sa pag-uwi niya," anito na nagsimulang maglakad-lakad habang pinag-aaralan ang paligid at bawat kagamitan.

"Gusto mo ba ng maiinom?" tanong niya para iwasang sagutin ang tanong nito.

Bahagyang natawa si Sunny at inirapan siya.

Siya naman ay nagtungo sa komedor at kumuha ng juice para kay Sunny. Pagbalik niya sa sala ay nakaupo na si Sunny sa sofa na parang ito ang may-ari ng bahay at hindi siya.

"Magpalamig ka muna," aniya at inilapag ang juice sa harap nito.

"How does it feel, Amelie? Na maging asawa ni Tristan?" tanong ni Sunny pero hindi sa kaniya nakatingin kundi sa wedding portrait nila ni Tristan na nakatuwaan niyang i-display sa sala.

"Bakit ka ba nagpunta rito? May kailangan ka ba?"

"Tss!" anito. Dinampot ang juice at uminom. "Gusto ko lang silipin ang buhay na para sana sa akin."

Napatiim-bagang siya at naupo sa settee na kaharap ng kay Sunny.

Smug na sinulyapan siya ni Sunny. "Enjoying my life, Amelie?"

Naipaikot niya na lang ang mga mata pero nagtimpi siya na huwag na itong patulan.

"Kumusta na kayo ni Dave?" tanong niya na hindi sinasagot ang tanong nito.

Nakita niya ang pagtalim ng mga mata ni Sunny sa kaniya pero saglit lang at ngumiti ito.

"Tapos na kami. Matagal na actually," sagot nito sa kaniya.

MY CHEATING HEART (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon