Chapter 18
NAGISING si Amelie na may mabigat na nakapatong sa kaniyang sikmura. Pakiramdam niya ay saglit pa lamang siyang nakatutulog. Mahapdi pa kasi ang mga mata niya at tumatangging magmulat dahil siguro iyon sa ginawang pag-iyak. Pinilit niyang imulat ang mga mata para alisin ang mabigat na bagay na iyon.
Pero hindi lang pala sa sikmura niya may nakadagan kundi maging sa mga hita niya. At nagulat siya nang malamang ang bagay na iyon ay braso at hita pala ni Tritan. Nanigas siya nang maramdaman niya ang mainit na hanging dumadampi sa batok niya.
Nakayapos sa kaniya ang asawa! Nakayakap ang braso nito sa baywang niya at ang hita nito ay nakadantay sa kaniyang hita. Nakatagilid siya at nakayakap naman ito sa kaniya mula sa likuran niya. Ang mainit na hanging tumatama sa kaniyang batok ay ang hininga ni Tristan. Nakasubsob ang mukha nito sa batok niya.
Parang nagising 'ata ang buong sistema niya. Nawala ang pamimigat ng mga mata niya. Ngayon ay mulat na mulat siya at sobrang lakas ng kabog ng dibdib niya.
Ang sarap sa pakiramdam ng init na nagmumula sa nakahubad na katawan ni Tristan na nakadikit sa likuran niya. Napalunok siya nang sunod-sunod lalo na nang mas hapitin siya ni Tristan palapit dito.
Nakagat niya ang pang-ibabang labi, nais niyang tumili ngunit hinding-hindi niya iyon gagawin dahil baka magising si Tristan at paniguradong lalayo ito sa kaniya. Hindi na niya madarama ang masarap na yakap nito kahit pa paniguradong hindi naman nito alam na nakalingkis ito sa kaniya. Paniguradong hindi naman nito iyon sasadyain dahil kung gising ito, ni hindi nga siya nito matingnan ng walang galit sa mga mata.
Malungkot siyang napangiti. Hanggang sa pagtulog lang naman siya magagawang yakapin ni Tristan. Malamang nga na baka ang iniisip nitong kayakap ay si Sunny.
Sinamantala niya na lang ang sandali. Pinipigilan niya ang sarili na huwag makatulog para mas matagal niya pang madama ang mga bisig nito sa katawan niya.
MAGANDA ang gising ni Amelie. Magaan ang pakiramdam niya. Inagahan niya ang bangon kahit mas nais pa niyang tanghaliin sa tabi ni Tristan na ngayon ay tulog pa rin sa silid nito.
Sabado. Pareho silang walang pasok ngayong araw, pero maaga pa rin siyang gumising para makapagluto ng almusal. Pakanta-kanta pa siya habang nagluluto ng agahan.
Kung noon tamad na tamad siyang gumising sa umaga ngayong kasal na siya kay Tristan ay kusang gumigising ang katawan niya, nakaprograma na sa utak niya na maghahanda siya ng almusal kahit pa madalas na hindi naman kinakain ni Tristan ang inihahanda niya.
Ayos lang, at least 'yong feeling na napagsisilbihan niya ito bilang asawa ay nakapagpapasaya na sa kaniya.
Bumukas ang pinto ng kuwarto ni Tristan at lumabas ito roon. Nakaligo na ito. Puting t-shirt at board short ang suot nito. Agad siyang napangiti.
"Good morning!" masiglang bati niya sa asawa. Sa pagkagulat niya ay tinanguan siya nito. Nanlalaki ang mga mata niya dahil ngayon lang nito sinagot ang pagbati niya rito. Kahit pa simpleng tango lang ang ginawa nito ay napakalaking progress na n'yon sa relasyon nila para sa kaniya. "K-Kape?" alok niya rito. Hindi niya mapigilan ang mautal dahil kinakalabog na naman ang dibdib niya.
"Yes, please."
At nag-please pa nga! OMG! Agad na napatingin siya sa kalendaryo. Iniisip kung may okasyon ba ngayong araw pero wala naman.
"Amelie, ang kape ko?" anito. Nakakunot ang noo. Nakaupo na ito sa dining at nakatingin sa kaniya.
"Ay, o-oo. Teka, sorry," natatarantang aniya. Kumuha siya ng tasa at sinalinan iyon ng kape. "Ouch!" Napasinghap siya, nabanlian siya ng mainit na kape sa kamay dahil sa pagkataranta.
BINABASA MO ANG
MY CHEATING HEART (completed)
RomansaDesperate times calls for desperate measures. Kaya naman nang malaman ni Amelie ang planong pakikipag-live in ni Tristan sa iba ay plinano niyang pikutin ito. ------- "You planned it!" nagulat siya at napatingin sa pinto. Naroroon si Tristan at gali...