CHAPTER 5

3.1K 103 10
                                    

Chapter 5


"ANG ganda mo, Amelie," papuri sa kaniya ni Sunny. Hindi siya umimik at tinitigan lang ang sarili sa salamin.

Naka-messy bun ang buhok niya at may mga hiblang nakakawala sa kaniyang tainga. Manipis lang ang makeup niya, pero dark na red lipstick ang pinalagay niya. Gumanda nga siya, ang kaso . . . mas maganda pa rin ang kapatid niya. Pareho sila ng gown na suot. Isang tube cocktail dress. Kulay itim na maraming sequins ang sa kaniya samantalang baby pink naman ang kay Sunny.

Nagmukha itong dalaga, bumagay sa kulay ng gown ang kutis ng balat nito. Malambot at mala-sutla.

"Maganda ka rin, Miss Sunny," ani ng baklang kumare ng stepmother niya na nag-ayos sa kanilang dalawa. Mayuming ngumiti ang kapatid niya. Maski ang pagngiti nito ay nakahahalina. Lihim siyang napabuntonghininga at isinuot na ang black na three-inches heels niya.

"Tulungan na kita," ani Sunny at yumuko sa harap niya. Nakaupo kasi siya sa harap ng dresser. Hindi niya na ito nasaway dahil inagaw na nito sa kaniya ang sapatos niya. Isa pa nahihiya siya dahil baka masabihan siyang maldita ng mga taong kasama nila.

"Ang gaganda naman ng mga anak ko!"

Sabay-sabay silang napalingon sa pintuan. Naroroon ang daddy niya at nakangiting pinagmamasdan sila ni Sunny.

"But no boyfriends ha?" istriktong bilin nito sa kanila. "Magtapos muna ng pag-aaral."

Napansin niyang hindi makatingin nang diretso si Sunny sa daddy nila. Alam niya kung bakit pero ayaw niyang tanggapin. Hangga't hindi pa nagiging official ang mga ito ay hindi siya maniniwala kahit sinasampal na sa mukha niya na may namamagitan na sa kapatid niya at kay Tristan.

Usap-usapan na iyon sa school simula noong nangyaring gulo sa pagitan ni Sunny at ng mga senior, pero wala namang sinasabi ang mga ito kung sila na ba talaga.

"Ako muna dapat ang magbo-boyfriend!" sabat niya na umani ng matalim na tingin sa daddy niya. "Kasi mas matanda ako kay Sunny, Daddy, kaya dapat ako muna ang magkaka-boyfriend bago siya!" katwiran niya pa.

Napailing na lang ang daddy niya. "Basta no boyfriend before graduation," anito.

"Okay two years na lang puwede na 'ko!" Napapalakpak pa siya.

"Ng college, Amelie!" Galit na muling baling ng daddy niya. Nagtawanan naman ang mga kasama nila. Nagkibit naman siya ng balikat.

Bumaba na sila ng hagdanan dahil kanina pa raw naghihintay ang sundo nila. Bumilis ang tibok ng puso niya nang makita ang isang lalaki na naka-tuxedo at nakatalikod sa kanila. Matikas ang tindig nito at kahit hindi ito humarap ay kilalang-kilala niya kung sino ito, si Tristan.

Muntik nang tumalon ang puso niya nang humarap sa kanila si Tristan. Napakaguwapo nito. Nakaayos ang buhok ni Tristan, naka-wax at naka-brush up pa. May hawak si Tristan na bulaklak na may ribbon. Iyon ang isinusuot ng mga valentino sa mga ka-valentina nila. Isa lang ang hawak ni Tristan at nakadama siya ng lungkot dahil alam niya namang hindi para sa kaniya ang dala nito.

"Good evening," bati ni Tristan sa kanilang lahat. Nakangiti ito sa kanilang lahat. Lumabas tuloy ang mapuputi nitong ngipin.

Unang nakalapit kay Tristan ay ang daddy niya. Agad na inakbayan ng daddy nila si Tristan at binubulungan, seryoso namang tumango-tango si Tristan.

Sabay pa silang nakalapit ni Sunny sa mga ito. Nabaling ang atensiyon ni Tristan sa kanilang magkapatid, sumulyap ito sa kaniya at ngumiti, pagkatapos ay lumipad na kay Sunny ang mga mata nito. Kitang-kita niya ang paghanga nito para sa kapatid niya. Napayuko na lang siya. Lalo na nang mag-umpisang lumakad si Tristan palapit sa kanila.

MY CHEATING HEART (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon