Chapter 28
TINANGHALI ng gising si Amelie. Hindi na niya namalayan kung anong oras dumating si Tristan nang umalis kagabi.
Dito na kasi siya natulog sa sala dahil ayaw niyang makatabi si Tristan. Hindi niya kayang marinig nito ang mga hagulgol niya habang magkatabi sila. Ayaw niya ng masyadong ibaba ang sarili.
Bumangon na siya sa sofa bed para ligpitan ang higaan niya. Medyo naliyo siya kaya napaupo siyang muli. Napahawak siya sa sentido niya. Doon naman lumabas sa silid si Tristan. Nakabihis na ito at mukhang papasok na sa opisina.
Nagsalubong ang mga mata nila. Nakakunot naman ang noo nito habang nakatingin sa kaniya. Mabilis siyang nag-iwas ng tingin. Alam niyang namamaga ang mga mata niya dahil sa ginawang pag-iyak kagabi at ayaw niyang makita nito kung gaano siya kamiserable.
Dumiretso naman sa kusina si Tristan. Nang tanawin niya ito ay nakita niyang nagtitimpla ito ng kape nito. Tumayo naman siya para ligpitin na ang higaan niya. Tinupi niya ang kumot at ipinatong sa unan. Tinungo niya ang kuwarto ni Tristan para ilagay roon ang unan at kumot saka pumasok sa banyo para maghilamos. Tinitigan niya ang sarili sa salamin. Sabog-sabog ang buhok niya, namumutla ang labi niya, at magang-maga ang mga mata niya. Kung ikukumpara kay Sunny ay 'di hamak na wala siyang sinabi. Kaya siguro hindi siya magawang piliin ni Tristan nang tuluyan dahil hindi siya maganda. Si Sunny kahit bagong gising ang ganda pa rin, parang naggo-glow ang kutis, mamula-mula. Hindi sabog ang buhok dahil natural na bagsak at straight.
Wala, kapal lang ng mukha ang mayroon siya. Ang kapal lang ng mukha niyang isipin na kaya niyang paibigin si Tristan samantalang ni wala pa siya sa kalingkingan ng babaeng minahal nito.
Mahigpit siyang napakapit sa sink para pigilin ang pagbagsak ng mga luha niya. Napapitlag naman siya nang pumasok si Tristan sa loob ng banyo. Nagkasalubong ang mga mata nila sa salamin. Mabilis niyang hinila ang face towel para punasan ang mukha at itinago iyon kay Tristan.
"Magto-toothbrush ako," ani Tristan.
Marahan naman siyang tumango at lumabas na. Nagtungo siya sa kusina. Nakita niya ang isang tasa ng kape sa lamesa. Napaisip tuloy siya kung hindi pa nakakapagkape si Tristan pero bakit magto-toothbrush na? Napabuntonghininga na lang siya. Kaya siya laging nasasaktan, e, kasi ang hilig niyang mag-ilusyon.
Dumiretso na lang siya sa ref at tumingin ng maaaring lutuin. Ang tagal niyang nakatulala sa loob ng ref pero wala ang isip niya ro'n.
"Aalis na 'ko," malamig na ani Tristan. Blangko lang ang tingin na sinulyapan niya ito. Ni hindi siya tumugon. Napatiim-bagang naman si Tristan at umalis na. Isinara niya ang pinto ng ref, nawalan na siya ng ganang magluto. Bumalik siya sofa at doon tumulala. Ilang minuto 'ata siyang naroroon lang hanggang sa makita niya ang oras.
Tumayo na siya at nag-asikaso sa pagpasok niya. Mababaliw siya kung nandito lang siya. Mas mabuting nasa school siya para ma-divert ang isip niya.
Pero pagdating sa school wala namang pumapasok sa isip niya. Wala siyang naiintindihan sa mga lecture na itinuturo sa kanila. Nang matapos ang huling subject niya hindi siya agad umuwi, nagtungo siya sa mall at naglakad-lakad doon. Nang mapagod ay naupo siya sa food court habang pinanonood ang mga taong dumaraan sa harapan niya. Wala pa siyang kain. Ni hindi siya nakararamdam ng gutom. Masyado siyang maraming iniisip para i-entertain ang gutom na nararamdaman niya.
Nang umuwi siya sa condo nila ay naroroon na si Tristan, pero kagaya kaninang umaga wala silang pansinan. Hindi na rin siya nag-effort na magluto pa ng hapunan dahil sigurado naman siyang hindi siya sasaluhan ni Tristan sa pagkain. Inilatag niya na lang ang sofa bed. Pumasok siya sa kuwarto ni Tristan. Nakaupo ito sa kama habang kandong nito ang laptop ni hindi man lang siya sinulyapan. Kumuha siya ng damit sa closet at pumasok sa banyo. Naglinis siya ng katawan at nagpalit na ng damit. Kahit nang kunin niyang muli ang unan at kumot ni hindi siya talaga tinapunan ng tingin ni Tristan.
BINABASA MO ANG
MY CHEATING HEART (completed)
Storie d'amoreDesperate times calls for desperate measures. Kaya naman nang malaman ni Amelie ang planong pakikipag-live in ni Tristan sa iba ay plinano niyang pikutin ito. ------- "You planned it!" nagulat siya at napatingin sa pinto. Naroroon si Tristan at gali...