CHAPTER 17

3.7K 150 7
                                    

Chapter 17

NAKALUTO na si Amelie at na-review na niya ang mga pinag-aralan niya kanina pero wala pa rin ang asawa.

Nilingon niya ang wall clock na nakasabit sa sala. Alas-onse pasado na ng gabi.

Sinubukan niya na itong tawagan at i-text pero hindi naman ito sumasagot sa kaniya.

Iniisip niya na lang na baka nasa meeting ito o baka kinailangang mag-over time. Ang kaso hindi naman niya mapigilang mag-alala.

Nilatag na niya ang sofa bed at kinuha ang unan at comforter sa silid ni Tristan. Pinatay niya na rin ang ilaw sa sala gaya ng nakagawian niya. Nahiga na siya pero hindi naman siya makatulog.

Minabuti niyang buksan na lang ang TV at manood habang hinihintay ang asawa.

Nauna na siyang kumain kaya pagdating nito ay aasikasuhin na lang niya.

Mag-aala-una na nang marinig niya ang doorbell. Napakunot ang noo na tumayo siya para lapitan ang pinto. Hindi naman kasi nagdo-doorbell si Tristan kapag umuuwi. May sarili itong susi at alam din nito ang passcode ng pinto.

Sumilip siya sa peephole, ang nakita niya ay kulay black na cap. Bahagyang nakayuko ang may suot niyon kaya hindi niya makita ang mukha.

Binuksan niya ang pinto. Isang lalaki na matangkad at payat ang napagbuksan niya. Nakayuko pa rin ito pero dahil mas matangkad ito ay kita naman niya ang mukha nito. Natandaan niya ang lalaki. Ito ang maintenance sa Royal kaya naman nawala ang agam-agam niya.

"May kailangan ka, kuya?" tanong niya rito. Baka kasi may tumawag sa receptionist na isang tenant sa Royal at may ipagagawa rito pero napagkamalan ang pintuan nila. Pare-pareho naman kasi ang itsura ng mga pintuan doon kaya medyo nakalilito rin.

Nag-angat ito ng tingin. Medyo napaatras siya dahil bahagyang namumula ang mga mata nito. Napansin niyang pawisan din ito at nagngangalit ang bibig. Napatingin siya sa hawak nitong toolbox nang kunin nito ang screw driver doon.

Binalot siya ng kaba at napaatras. Isasara na sana niya ang pinto dahil tila wala sa sarili ang lalaki pero naagapan nito iyon.

Malakas na itinulak nito ang pinto. Napaatras naman siya at napahakbang palayo sa pintuan na nanlalaki ang mga mata dahil tuluyan nang nakapasok ang lalaki.

Dumadagundong sa kaba ang puso niya. Halos mapatalon pa siya sa ingay na nilikha ng toolbox nang basta na lang iyon binitiwan ng lalaki.

Dahan-dahan itong humahakbang palapit sa kaniya habang hawak ang screw driver. Kinikilabutan naman siyang napaatras. Parang gusto na niyang maiyak sa sobrang takot. Nanginginig ang tuhod niya at gusto niyong bumigay, pero pinipilit niyang tatagan.

"A-Ano'ng k-kailangan mo?" kahit kinakabahan at takot na takot ay nagawa niyang itanong.

Nais niyang malibang ito upang makaisip siya ng paraan kung paano makaliligtas sa kapahamakang palapit sa kaniya.

Tristan . . . Naiiyak na tawag niya sa asawa. Kung sana hindi na lang niya binuksan ang pinto 'di sana'y wala siya sa ganitong sitwasyon.

Hindi nagsalita ang lalaki at patuloy lang na lumalapit sa kaniya hanggang sa mabunggo ang likod ng tuhod niya sa center table. Napaupo siya roon. Gusto na niyang umiyak dahil nasukol na siya.

Huminto naman ang lalaki ilang dipa ang layo sa kaniya. Pinasadahan nito ng tingin katawan niya na nagbigay ng sobrang kilabot sa kaniya.

Nanginginig na kumapa siya hanggang sa mahawakan niya ang bag niya na nakapatong sa center table. Mahigpit niyang hinawakan iyon at hindi pinahalata sa kaharap.

MY CHEATING HEART (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon