CHAPTER 50

6.9K 196 13
                                    

Chapter 50

"TRISTAN . . ."

"Yes, baby?" sagot nito kay Amelie habang patuloy na hinahalikan ang balikat at leeg niya.

Nagtatalo naman ang loob niya dahil sa ginagawa ni Tristan. Gusto niyang pumikit at namnamin ang ginagawa nito pero kailangan niyang paglinawin ang isip at paglabanan ang nararamdaman.

Kailangang manalo ang isip niya sa pagkakataong ito at hindi ang damdamin.

Mali na nga na nagpadala siya sa pang-aakit ni Tristan. Pero may akitan bang nangyari? Nakahihiya mang aminin sa sarili niya pero wala, hindi siya inakit ni Tristan dahil nang halikan siya nito ay walang pagdadalawang-isip na tinanggap niya iyon.

"Tristan, stop it. Teka nga. Tristan." Napabuntonghininga na lang siya dahil parang walang naririnig si Tristan, patuloy lang ito sa ginagawa.

Kapag umiiwas siya at lumalayo hinahapit naman siya nito palapit.

Pinilit niyang tumayo pero hinila lang siya ni Tristan at pumaibabaw ito sa kaniya. Ngiting-ngiti itong nakatunghay sa kaniyang mukha. Tila kinakabisado pa nga nito ang bawat sulok ng mukha niya.

Napalunok siya. Pati ang nais niyang sabihin ay nalunok niya nang buong-buo. Ngayon nakikipagtitigan siya kay Tristan. Kinagat niya ang pang-ibabang labi niya dahil nahahawa siya sa ngiti nito.

Ang sarap kasing titigan ng guwapong mukha ni Tristan. Gusto niya na lang kalimutan ang mga sasabihin niya, na naman.

"Tristan, p-please . . ."

"Please, what? Hmm?"

Please 'wag mo akong landiin. Dahil konting-konti na lang bibigay na naman siya. Konti na lang ipagkakanulo na naman siya ng kaharutan niya.

"Don't you miss this? I know you do, please tell me you do, sweetheart."

Napasimangot siya, inuuto siya ng lintik. Kanina baby ang tawag sa kaniya ngayon naman sweetheart na, ano kaya ang kasunod?

"Tristan, mag-usap na muna tayo."

"Nag-usap na tayo no'ng nakaraan, pero hindi ko nagustuhan lahat ng mga sinabi mo. Alam mo bang pinilit ko lang tanggapin ang lahat para pagbigyan ka?"

"So, napipilitan ka lang pala?"

"Of course! Labag sa kalooban kong mawalay ka sa akin, Amelie. Ngayon pa na siguradong-sigurado na ako na mahal na mahal kita? Hindi ko kayang mawalay sa 'yo, pero ano'ng gagawin ko kung gusto mo munang hanapin ang sarili mo?"

Napatitig siya sa malamlam na mga mata ni Tristan. Hanggang ngayon hindi siya makapaniwala ng one hundred percent na mahal nga siyang talaga ni Tristan. Para kasing hindi totoo. Parang panaginip lang ang lahat at anumang oras ay magigising siya sa katotohanan.

Katulad na lang noong mga naranasan niyang masasayang araw sa piling ni Tristan, pero hindi rin nagtagal at sinampal siya ng masakit na katotohanan, na wala siyang karapatang lumigaya dahil selfish siya. Mang-aagaw at manloloko.

Itinukod niya ang mga kamay sa dibdib ni Tristan para sana itulak ito pero para lang siyang nagtulak ng pader sa tigas ng dibdib nito. Ni hindi man lang ito natinag. Bumuntonghininga na lang siya at hinayaan si Tristan. Pinuno niya ng hangin ang dibdib at matapang na sinalubog ang mga mata nito.

"'Yon naman pala, e, bakit ba ginagawa mo pa 'to? Bakit ka pa nagpunta rito?"

"Dahil mahal kita, Amelie," sagot nito na para bang maipaliliwanag n'yon ang lahat ng mga nangyayari at iginagawi nito.

Hindi niya makuhang umimik. Nalunok niya na 'ata ang dila niya. Mabilis na nag-init ang sulok ng kaniyang mga mata. Gustong-gusto niyang paniwalaan iyon. Alam ng Diyos na kung gaano niya pinangarap na mangyari ang ganito sa kaniya. Si Tristan na ang naging pangarap niya, wala ng iba. Kaya nga siya nakagawa ng mga bagay na hindi tama.

"Tristan—"

"Pinagbigyan kita kasi gusto kong maging buo ka kapag handa ka na ulit na mahalin ako. Gusto kong mahal mo na rin ang sarili mo bago mo ibigay nang buo ang pagmamahal mo sa akin . . . but I'm scared, Amelie. Kagaguhan iyon, masyadong fictional dahil paano kung may mahanap kang iba habang nasa healing process ka? Paano kung pag-uwi mo rito, hindi na pala ako ang mahal mo? Paano naman ako, Amelie? Kasi ako, alam ko sa sarili kong ikaw at ikaw lang ang mamahalin ko anuman ang mangyari. Ikaw lang." Kinuha ni Tristan ang kamay niya at tinapat sa puso nito. "Ikaw lang ang nandito."

Naiyak siya. Kay sarap pakiggan lahat ng sinabi ni Tristan. Kay sarap paniwalaan. Pero nakakatakot. Baka . . . baka kasi joke lang ang lahat.

Ganoon pala talaga 'yon kapag nakuha mo na ang isang bagay na matagal mo ng pinapangarap—na noon ay akala mo'y mananatiling pangarap lang habang-buhay hanggang sa mamatay ka na—ang hirap palang tanggapin na nagiging realidad na ito. Nakakatakot dahil baka isa lamang itong magandang bula na kapag hinawakan mo ay mabilis na mawawala.

"Sabihin mong mahal mo ako, Amelie. Sabihin mo uling mahal mo pa rin ako . . ."

Hindi na niya napigilan ang malakas na mapahikbi. "Mahal na mahal pa rin kita, Tristan."

"Then hayaan mo akong makasama ka habang hinahanap mo ang sarili mo. This time we will make it right, Amelie. Please, hindi ko talaga kayang mawala ka."

"HINDI mo pa rin ba talaga ako papansinin?" tanong ni Tristan.

Hindi pa rin siya kumibo. Wala siyang balak. Wala rin naman kasi itong balak na pakinggan ang mga sinasabi niya. Bakit pa siya mag-aabala?

Tinalikuran niya si Tristan. Nakahiga pa rin siya sa kama pero nakabihis na siya. Pinagod siya nito at masakit ang balakang niya. Gusto niya na lang matulog, kung puwede nga lang na itaboy niya ito ay ginawa niya na. Ang kaso 'di naman niya maatim.

Narinig niya ang pagbuntonghininga ni Tristan at ang muling pag-upo nito sa kama. Mas umusod pa siya sa kabilang gilid, konti na lang malalaglag na siya.

"Amelie . . ."

"Umalis ka na," malamig na aniya.

Katahimikan ang namagitan sa kanila ng ilang segundo bago niya naramdaman ang labi ni Tristan sa pisngi niya. Napapikit na lang siya nang dumampi iyon sa kaniya. Hanggang sa marinig niya na lang ang pagbukas at pagsara ng pinto ng kuwarto niya.

Naiwan siyang mag-isa at bigla ay parang may hungkag sa puso niya. Umalis na si Tristan.

Na-realize niyang wala na ito nang mabingi siya sa katahimikan ng buong silid.

"Tristan . . ." Bumangon siya at niligon ang pintuan. Sarado na iyon. Wala na nga si Tristan. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig. Saka niya naisip na hindi niya kayang mawala sa kaniya si Tristan.

Ano ba namang kasing kaartehan ang pumasok sa kaniya at naisipan niyang itaboy ito? Ilang beses na paulit-ulit nitong sinabing mahal siya nito pero siya lang itong ayaw maniwala.

Paano kung nagsawa na ito? Paano kung . . . hindi na siya nagdalawang-isip, nagmamadaling bumaba siya ng kama para habulin si Tristan.

Alam niyang magmumukha siyang gaga pero mas gusto niya na 'yon. Hindi niya pa rin pala kayang mawala sa kaniya si Tristan. Handa pa rin pala siyang magpaka-selfish.

"Tristan!" sigaw niya rito. Umaasa na maririnig siya nito at muli itong babalik sa kaniya. "Tristan, sandali!"

Halos madapa siya sa pagtakbo paibaba sa hagdanan. Dire-diretso siya sa pintuan ngunit walang Tristan siyang nakita. Lumabas pa siya ng gate pero walang Tristan doon. Wala na si Tristan. Umalis na talaga ito.

MY CHEATING HEART (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon